Monday, May 14, 2012

700 na kalabaw, bumida sa Pulilan, Bulacan



LUNGSOD NG MALOLOS- Libu-libong katao ang nakiisa sa dalawang araw na Pagdiriwang ng Pulilan Carabao Festival at sumaksi sa pagpapakitang gilas ng 700 kalabaw at pagrampa ng mga naggagandahang mga karosa.

Ayon kay Mayor Vicente Esguerra Sr. ng Pulilan, ang pagdiriwang ng nasabing kapistahan ay pagbibigay-galang kay San Isidro Labrador, ang patron ng mga magsasaka.

“Sa kasaysayan, itoy’ talagang bilang pasasalamat kay San Isidro para sa masaganang ani sa nagdaang taon, kaya makikita n’yo lumuluhod talaga ‘yung mga kalabaw sa tapat ng simbahan, at kaya naman mga kalabaw, dahil sila ‘yung talagang katuwang ng mga magsasaka sa paggawa sa bukid, hanggang sa naging tradisyon na, dinadayo na at naging tourist attraction kaya naman para ipagmalaki ang mayaman nating kasaysayan at kultura, pinaghahandaan natin ito taun-taon,” paliwanag ni Esguerra.

Ayon naman kay Teresita Tetangco, Municipal Information Officer  ng Pulilan, “marami talaga ang nakiisa sa pagdiriwang ngayon, mayroon tayong 700 na makukulay na kalabaw na may body paint, mahigit 40 na komersyal na karosa bukod pa sa 19 na karosang pinaghandaan ng 19 na barangay, at wala tayong motorized na karosa ha, lahat kalabaw ang bumida.”

Laman ng nasabing mga karosa ang mga ipinagmamalaking produkto ng Pulilan gaya ng agrikultura at aquaculture.

“Masaya, makulay at talaga namang kaabang-abang ito hindi lang para sa mga lokal na residente ng Bulacan, kundi maging sa mga turista, kaya naman pinagbubuti ng ating pamahalaan ang pag-promote ng ating turismo, dahil kung masigla ang turismo, magiging masigla din ang kabuhayan ng mga Bulakenyo,” ani Gob. Wilhelmino M. Sy-Alvarado.

Pinuri naman ni Paolo Ajose, isa sa mga sumaksi sa Carabao Festival ang ganda ng gayak ngayong taon.

“Inaabangan ko ‘to taun-taon at kakaiba yung nakita ko ngayon, ang daming kalabaw na lumuluhod, ang gaganda ng floats, it’s really worth the wait, kahit mainit, okay lang, ang ganda,” ani Ajose.

Naging kakaiba at mas maganda nga daw ang gayak ng mga ipinarada dahil sa pakikiisa ng Central Luzon Designers Group at BSU Artist Students na nagpuyat para sa taunang selebrasyon.

“Nagpapasalamat tayo sa lahat ng tumulong at nakiisa para sa ikatatagumpay ng Carabao festival 2012, magkita-kita tayo ulet sa susunod na taon,” pagtatapos ni Mayor Esguerra.(PPAO)

No comments:

Post a Comment