MALOLOS—Nakatakdang tumestigo laban sa mga kasamang akusado
ni retiradong Heneral Jovito Palapran ang magkapatid na Reymond at Reynaldo Manalo
na kapwa dinukot noong 2006 ngunit nakatakas noong 2007.
Ito ang buod ng pahayag ni Abogado Julian Oliva matapos
itakda ni Hukom Teodora Gonzales ng Regional Trial Court (RTC) Branch 14 noong
Lunes, Mayo 21 ang mga araw ng pagdinig sa kasong isinampa laban kina Palparan
kasama sina M/Sgt. Rizal Hilario, Lt. Col. Felipe Anotado, at S/Sgt. Edgardo
Osorio.
Ang mga ebidensiya laban kina Anotado at Osorio ay ihaharap
sa korte ng prosekusyon sa Agosto 6, at 27; Setyembre 6 at 21; samantalang
hindi pa lilitisin sina Palparan at Hilario na kapwa pa nagtatago hanggang sa
ngayon.
Ayon kay Oliva, aabot sa 16 na testigo ang ihaharap nila sa
korte kaugnay ng paglilitis kina Anotado at Osorio.
Kabilang sa mga saksing haharap sa korte ay mga opisyal at
dating mag-aaral ng University of the Philippines, isang resident eng Barangay
San Miguel, Hagonoy na diumano’y nakasaksi sa pagdukot sa mga mag-aaral ng UP
na sina Karen Empeno at Sherlyn Cadapan
noong Hunyo 2006.
Ayon kay Oliva, kabilang din sa kanilang saksi na inahaharap
sa korte ay ang magkapatid na Manalo na nagmula sa bayan ng San Ildefonso.
Ang magkapatid na dinukot ng mga armadoing kalalakiha sa
kanilang tahanan noong Pebrero 14, 2006, sa kainitan ng intensibong kampanya
laban sa insureksyon ni Palparan sa rehiyon na nagsimula noong 2005 hanggang sa
magretiro siya noong Setyembre 2006.
Batay sa mga pahayag na inilabas ng magkapatid na Raymond at
Reynaldo Manalo, sila ay ikinulong at inilipat sa ibat-ibang detachment at
safehouse ng militar.
Sinabi nila na sa paglilipat sa kanilang sa ibat-ibang
lugar, nakita at nakausap nila ang dalawang mag-aaral ng UP na sina Emepeno at
Cadapan.
Ang magkapatid ay nakatakas mula sa isang safehouse sa
Pangasinan noonh Agosto 2007.
Hindi nagbigay ng impormasyon si Oliva hinggil sa magiging
nilalaman ng testimonya ng magkapatid ngunit para sa mga kasapi ng militanteng
grupo sa lalawigan, inaasahang magiging ‘blockbuster’ ito.
Ito ay dahil sa testimonya ng magkapatid ay kauna-unahan sa
korte sa Bulacan matapos na sila ay makatakas noong 2007 sa mga dumukot sa
kanila.
Bago naman ilabas ni Gonzales ang desisyon hinggil sa unang
apat na pagdinig sa saksi at paglalahad ng ebidensiya ng prosekusyon,
nagpahiwatig ito na nais niyang matapos agad ang kaso.
Ito ay batay sa pahayag sa korte ng hukom na nakahanda
siyang dinggin ng kaso tuwing Lunes bawat linggo.
Ngunit hindi magiging linggo-linggo ang pagdinig sa kaso
dahil ang mga abogado ng prosekusyon at depensa ay kapwa may mga nauna nang
naitakdang kasong haharapin para sa iba nilang kliyente.
Kaugnay nito, ikinasiya ni Abogado Jose Cruz na kumakatawan
kina Anotado at Osorio ang maagang
pagtatakda ni Gonzales ng mgva araw ng pagdinig sa kaso, at ang pagnanais nito
na matapos agad ang kaso.
“We welcome that because its better, one witness per court
hearing,” ani Cruz.
Hinggil naman sa pagpigil ng Hukom sa mga abogado ni
Palparan na sina Abogado Jesus Santos at Narzal Mallari, sinabi ni Cruz na iyon
ay bahagi ng proseso ng korte.
Una rito,
nagdesisyon si Gonzales na hindi maaaring humarap sa korte sina Santos at
Mallari hanggat hindi naipiprisinta o sumusuko ang kanilang kliyente na si
Palparan. (Dino Balabo)
No comments:
Post a Comment