By Dino Balabo
MALOLOS – Katulad ng mga kapwa pintor, maingat sa
pagtitimpla ng kulay si Jason Dequillo.
Kalkulado at tiyak ang bawat hagod ng kanyang pinsel at
paleta sa canvas, samantalang taimtim ang kanyang isipan sa mga hugis na
kanyang ipinipinta.
Ngunit kakaiba siya sa mga kapwa pintor dahil sa walang daliri
sa dalawang kamay ng 34-anyos na si Dequillo, kaya’t ang kanyang pinsel at
paleta ay iniipit lamang niya sa kanyang dalawang kamay sa pagbibigay kulay,
hubog at buhay sa larawang ipinipinta.
Ang kalagayang ito ay hindi ikinahiya ni Dequillo, samantalang
inspirasyon ang hatid nito sa mga kapwa pintor partikular na sa 136 lumahok sa
on-the-spot painting contest na pinangunahan ng Diyosesis ng Malolos noong
Sabado, Abril 28.
Kaugnay nito,
napabilang si Dequillo sa 10 pintor na tumanggap ng karangalang banggit sa
kalahating araw na paligsahan sa pagpipinta.
“Mas gusto kong
sumali sa mga regular category kaysa dun sa handicapped category, kasi gusto
kong ituring nila akong normal na tao,” ani
Dequillo sa panayam habang maingat na kinukulayan ang kanyang obra
maestrang may sukat na 18 pulgada ang taas at 24 na pulgada ang lapad.
Dahil isinilang
na walang mga daliri, sinabi ni Dequillo na hindi siya nahihirapan sa
pagpipinta at ang pakiramdam niya ay para din siyang may daliri.
Iginiit pa niya
na mula sa edad na 15-taong gulang ay nagsimula na siyang magpinta, at naging
hanap buhay niya ito.
“Alam ko na bawat
isa ay binigyan ng kakayahan ng Diyos, pero sa akin, palagay ko ay yung tiyaga
at pagpupursige ang pinakamagandang kaloob na nakatulong sa akin,” ani ng
pintor na nagmula sa Alabang, Muntinlupa.
Ikinuwento niya
na sa kanyang pagsisimula sa pagpipinta, hindi siya itinuring na seryoso at
minaliit ang kanyang kakayahan.
Ngunit siya ay tinulungan at tinuruan ng mga beteranong
pintor na katulad nina Vincent Ramos at Fred Villanueva.
“Kung hindi dahil sa kanila, hindi ako uunlad, talagang
pinagtiyagaan din nila ang pagtuturo sa akin,” ani Dequillo.
Inamin niya na ang tulong at pagtuturo ng mga beteranong
pintor ay lalong nagpataas ng kakayahan at tiwala sa sarili.
Ito ay nagbunga ng mga ibat-ibang pagkilala kabilang na ang
pagkakabilang niya sa unang tatlong kalahok sa taunang prestihiyosong
paligsahan ng Government Service Insurance System (GSIS), at bilang isa sa mga
finalist sa Harvest painting contest ng Arts Association of the Philippines
(AAP) noong nakaraang taon.
Bilang isang pintor, ipinagmamalaki ang kanyang mga
naipintang larawan o portrait, kabilang dito ay ang portrait ni Senador Panfilo
Lacson, Dr. Gerry Genuino, at mga alkalde ng mga bayan at lungsod sa timog ng
kalakhang Maynila.
Hinggil sa isinagawang on-the-spot painting contest ng
Diyosesis ng Malolos, sinabi niya na sekundarya na lamang ang pagwawagi.
Sa halip ang pangunahing layunin niya ay higit na mapaunlad
ang kakayahan at maialay sa Diyos ang kanyang kakayahan at likhang sining.
Ang paglahok ni Dequillo ay ikinagalak ng mga kapwa pintor
na nagpahayag na sila ay lalong nahikayat at nabigyan ng inspirasyon.
“He can inspire you, but his perseverance will also
stimulate you to work harder,” ani Nards Gomez ng lungsod na ito.
Kaugnay nito, nasungkit ni Jonathan Joven ng Lungsod ng San
Jose Del Monte ang unang karangalan sa on-the-spot painting contest, kasunod si
Ronson Culibrini ng lalawigan ng Rizal, at Nilo Badajos ng Hagonoy.
Ang 10 namang nagkamit ng karangalang banggit ay sina
Dequillo, Gomez, Marilou Solano, Edwin Ladrillo, Edwin Flores, Demetrio Padua,
Julian Guiligan, Emmanuel Balboa, at ang magkapatid na Edu at Eliseo Perreras
Jr.
Ayon kina Fr. Dars Cabral, tagapangulo ng Commission on
Social Communications ng Diyoses ng Malolos, ikinagulat nila ang bilang ng mga
pintor na lumahok.
“We are very grateful
to the Arts Association of the Philippines
for helping us organize this event,” aniya at sinabing ang mga likhang sining
ay kanilang ilalabas sa isasagawang eksibisyon.
Ipinaliwanag pa ni Cabral na paghahatian ng pintor at
Diyosesis ang kikitain sa mapagbebentahan ng likhang sining sa eksibisyon
bilang bahagi ng ika-50 Jubileo ng Diyosesis ng Malolos.
Ikinagalak din ni Fidel Sarmiento, pangulo ng AAP ang
pagbibigay daan ng diyosesis para sa mga pintor.
Sinabi niya na ang mga katulad na paligsahan ay patuloy na
nagpapaunlad sa kakayahan ng mga pintor na kasapi ng AAP.
No comments:
Post a Comment