Monday, May 21, 2012

Unang panalo sa CLFL naitala ng FUTBULakenyos, Tarlac FC




MALOLOS—Naitala ng mga football club sa Bulacan at Tarlac ang unang panalo sa matagumpay na pagbubukas ng Central Luzon Football League (CLFL) sa Tarlac noong Linggo, Mayo 20.

Kaugnay nito, naghahanda na ang FUTBULakenyos Football Club na nakabase sa lungsod na ito para sa nalalapit nilang sagupaan ng Pampanga Football Club sa Pampanga sa Linggo, Mayo 27.

Sa unang laro matapos magbukas ang CLFL, tinalo ng FUBULakenyos ang Amihan FC ng Lungsod ng Olongapo sa iskor na 5-0.

Hindi rin nagpaiwan ang Tarlac FC sa ikalawang laro ng tambaka nila ang Pampanga FC sa iskor na 5-1.

Ang unang dalawang laro ng CLFL ay isinagawa sa Jose V. Yap Recreational Center sa Lungsod ng Tarlac, ang itinuturing na football capital ng Gitnang Luzon dahil sa nasabing lalawigan matatagpuan ang pinakamaraming football field sa rehiyon.

Ayon kay John Bayarong, coach ng Amihan FC at pangunahing tagapag-organisa ng pangrehiyong liga, limang koponan sana ang maglalaro sa CLFL.

Kabilang dito ay ang Subic FC na binubuo ng mga manlalarong Koreano.

Ngunit hindi nagkalahok sa opening season ng CLFL ang nasabing koponan dahil sa tatlong manlalaro nito ay nasakatan sa huling laro nila sa Lungsod ng Makapti isang linggo bago simulan ang CLFL.

Gayunpaman, sinabi ni Bayarong na bukod sa Subic FC, posibleng madagdagan pa ang mga koponang kalahok sa CLFL.

Ito ay dahil sa maraming manlalaro ng football sa rehiyon ang kasalukuyang nag-oorganisa at nagbubuo ng kanilang koponan.

Ayon kay Bayarong, layunin ng CLFL ang popularisasyon ng larong football sa rehiyon.

Bilang bahagi ng palaro, magsasagawa sila mga home games sa ibat-ibang lalawigang kalahok.

Isang halimbaawa nito ang susunod na laro sa pagitan ng FUTBULakenyos at Pampanga FC sa Pampanga sa Mayo 27.

Ayon ka Emmanuel Robles, ang coach ng FUTBULakenyos, handa na sila sa susunod na laban matapos nilang talunin ang Amihan FC.

Sinabi pa niya na pansamantalang itinakda ang laro ng FUTBULakenyos sa Bulacan sa darating na Hunyo at Hulyo.

Kaugnay nito, sinabi ni Robles na patuloy na rin silang naghahanap ng suporta para sa kanilang koponan.

“Halos kanya-kanyang pamasahe ang mga players, pero sa kabila nito ay tuloy pa rin,” ani Robles.  (Dino Balabo)

No comments:

Post a Comment