LUNGSOD NG
MALOLOS- Muling nabuhay ang diwa ng pagkamakabayan ng mga Bulakenyo habang
ginugunita ang mahalagang papel na ginampanan ng pambansang watawat sa
pagkakamit ng kalayaan sa pagdiriwang ng Araw ng Watawat na isinagawa sa harap
ng gusali ng kapitolyo kahapon.
Sinabi ni Gob.
Wilhelmino M. Sy-Alvarado na sinasariwa ng ganitong mga okasyon ang kadakilaan
ng mga Pilipinong nagbuwis ng buhay.
“Ang ating watawat ay hindi isang piraso ng
tela na nakikipagharutan lamang sa ihip ng hangin gaya ng isang saranggola. Ang bawat kulay at
sagisag na taglay nito ay may makabuluhang kasaysayan at batbat ng simbolismo,
ito ang sagisag ng ating mga mithiin, simbolo ng ating mga adhikain, laman nito
ang kasaysayan ng kahapon, sa silong nito maraming buhay ang nasawi,” pahayag
ni Alvarado sa harap ng libu-libong Bulakenyong nakiisa sa pagdiriwang ng Araw
ng Watawat.
Ipinahayag din niya na bilang pagpapaalala sa
kahalagahan nito, buong taong iwawagayway ang pambansang watawat sa mga
pangunahing lugar sa buong lalawigan.
Sinamahan naman ng panauhing pandangal na si Technical Education and Skills
Development Authority (TESDA) Chairman Joel Villanueva ang gobernador at iba
pang opisyal ng gobyerno sa
pagtataas ng
watawat at pag-aalay ng bulaklak sa dambana ni Hen. Gregorio
del Pilar.
Ayon pa sa kanya, ang araw ng watawat ay hindi
lamang araw ng paglingon sa nakaraan, kundi isa ring pagdiriwang na nagbubukas
ng oportunidad para sa lahat.
“Bilang isang Bulakenyo, taas noo nating
ipakilala ang ating dakilang lalawigan na naging bahagi ng ating kasaysayan. Nais
nating mag-alab pa ang pagmamahal sa bayan. Isa itong oportunidad upang himukin ang mga kabataan na mahalin ang inang
bayan, mag-alay ng talino at lakas para sa inang bayan,” ani Villanueva.
Idinagdag naman
ni Bise Gob. Daniel Fernando na hindi tatayo ng matatag ang bandila ng
Pilipinas kung walang matibay na kahoy na nagtatayo dito, at ang kahoy na ito
ay ang mga Pilipino.
Nagpatimyas din ng nasyonalismo ng mga
nagsidalo ang
Barasoain Kalinangan Foundation dahil sa kanilang pagtatanghal
tungkol sa ebolusyon ng watawat mula pa noong panahon ng Katipunan hanggang sa unang
pagwagayway ni Hen. Emilio Aguinaldo ng kasalukuyang watawat ng Pilipinas sa labanan ng Alapan sa Cavite noong Mayo 28, 1898.
No comments:
Post a Comment