Thursday, October 31, 2013

10 pinagkakatakutang lugar sa Bulacan



Narito ang ilang maiikling kuwentong naipon hinggil sa mga diumano’y kinatatakutang lugar sa Bulacan.  Ito ay batay sa mga kuwento ng mga taong diumano’y nakakita sa sinasabing multo.

1. Bahay na Pula. Isang old house sa Barangay Anyatam, San Ildefonso. May lumilitaw daw na multo sa highway sa harap ng bakuran nito kung hating gabi.  Dahil dito, bumubusina ang mga drivers na dumadaan doon sa gabi.

2. MacArthur Highway sa Longos, Malolos.  Noong unang bahagi ng dekada 80, madalang pa ang bahay sa magkabilang gilid ng highway na ito, wala pa rin ang mga subdivision na nakatayo ngayon doon.  Sinasabing may babaeng nakaputi na kung madaling araw at pumapara sa sasakyan at sumasakay, tapos biglang nawawala.

3. Balungao road.  Matatagpuan sa bayan ng Calumpit, patungong Hagonoy.  Sabana ang kahabaan ng  lansangang ito at madilim kung gabi. Kinatatakutan noong dekada 80 at 90 dahil sa sinasabing may lumilitaw na multo.


4. Gusali sa CEU-Malolos.  Ilang estudyanteng nagtapos sa nasabing pamantasan ang nagkuwento na may nakita silang babae sa nakaupo sa silya sa loob ng kuwarto sa ikalawa at ikatlong palapag. Nakayuko ito at inakalang estudnyante rin. Di nila pinansin, pero ng tingnan ulit ay wala na.

5. Federizo Hall sa BSU. Isang babae na inakala ng ilang estudyante rin ang nakita sa loob ng isang silid aralan sa ikalawang palapag. Biglang nawala ang nasabing babae ayon sa mga estudyante.  Batay naman sa kuwento ng isang guro na na-late sa klase, narinig niyang may nag-uusap sa nasabing kuwarto habang patay ang ilaw, bandang alas-6:30 ng gabi.  Aalis na sana siya, pero inakalang may nagde-date na estudyante sa loob.  Binuksan ang ilaw pero wala namang tao sa loob.

6. Fastfood sa Plaridel.  Hating gabi na naki-CR ang isang estudyante ng BSU sa isang fast food.  Nasa ikalawang palapag ang CR. May nakita siyang crew sa 2nd floor, ngumiti pa sa kanya.  Ngumiti rin siya dahil pogi ang nakita bago pumasok sa CR. Paglabas wala na. Bumaba, at itinanong sa fast food crew kung sino yung pogi sa itaas, Nagtawanan ang crew dahil walang ibang crew sa itaas.

7.  Angat Guesthouse. “Hindi ka malulungkot ngayon gabi diyan, tiyak na maaaliw ka.” Ito ang nakangiting sabi ng ilang kawani ng Angat Dam sa mamamayahyag na ito bago matulog sa guest house ng Angat Dam sa Hilltop, Norzagaray. Inakalang biro lang, pero totoo pala. Hindi nga lang nakita yung “kasama” sa kwatro, pero hanggang sa matulog, naninindig ang balahibo sa braso at batok.

8.  Sitio Pulo road, San Jose, Calumpit.  May tatlong kilometro ang kalsadang ito patungo sa bukirin ng Sitio Pulo na ang kaliwang gilid ay sapa at ang kanan ay bukid. Kakaiba ang karanasan ng mga residente doon. Kung hating gabi, may babaeng biglang umaangkas sa likod ng driver ng tricycle. Kung baguhan ang driver, malaki ang transa na mahulog sa bukid.

9. Kamatsilihan sa Peralta.  Matatagpuan ito sa Peralta-Bukid, San Sebastian sa bayan ng Hagonoy. Ang mga dumadaan doon ay nakikiraan, kung gabi ay walang dumadaan dahil sa kinatatakutang kapre.  Ilang beses ding nakita ang nilalang sa di kalayuang punong sampalok ilang taon bago iyon pinutol.

10.  Barangay BMA, San Rafael. Ito ay batay sa kuwento ng yumaong mamamahayag na si Ric Veloira ng nasabing barangay.  Nasa edad 30 na siya noon at medyo dumidilim na ng umuwi habang minamaneho ang kanyang jeep. Nahinto siya sa isang tulay na kahoy dahil may batang paslit sa gitna.  Nang bumaba siya, bilang lumukso ang bata sa hood ng jeep niya at tumalbog sa bubong, at pagtalbog sa likod at tuwawa habang tumakbopalayo hanggang sa tuluyang maglaho. Aniya, noon lang siya naniwala sa tiyanak. Dino Balabo

Mga gabing kinatatakutan



ni Mark Erron San Mateo


Hinding-hindi ko makakalimutan ang mga takot na nararamdaman ko sa tuwing dadating ang mga ganoong pagkakataon. Dalawampu at dalawang taong gulang na ako, at ngayon ko lang nalaman na duwag pala ako. Ngayon ko lang nalaman na ang dami ko palang takot, at nalaman ko ito dahil sa pagdating ng gabi.

Kakaiba talaga ang hiwagang dala ng gabi. Sa pagsapit nito, parang nagsasabog ng kung anu-anong misteryo ang buwan at ang mga bituin. Sa mga nakalipas na gabi ng buhay ko, napatunayan ko talaga na kakaiba ang gabi.

Gustong-gusto ko ang gabi noong bata pa ako. Araw-araw kong hinihintay ang pagdating ng gabi dahil sa gabi ako nakakapaglaro, kasama ang aking mga kaibigang bata. Paborito naming laro ay taguan.

Malaking tulong ang hatid ng dilim ng gabi para sa amin na mga nagtatago. Nahihirapang maghanap ang taya dahil sa dilim ng gabi. Kadalasan, nabuburo ang taya dahil sa hirap ng paghahanap. Ang sarap maglaro noon. Ang sarap maging bata. Ang sarap kapag gabi.

Pero ngayong 22-anyos na ako, hindi ko magawang sabihin na masarap kapag gabi.

Nagsimula akong matakot sa pagdating ng gabi ngayong nasa ikatlong taon na ako sa kolehiyo. Nakakahiya mang sabihin pero sobrang natatakot ako kapag natatapos na ang klase namin at kapag gumagabi na.

Kapag nararamdaman ko ang takot na iyon, dinarasal ko na sana huminto ang oras at hindi na mag-uwian. Pero hindi pwede iyon. Hindi pwedeng huminto ang oras at hindi na mag-uwian.

Sa pagsapit ng uwian, tuluyan nang bumabalot sa akin ang takot. Nararamdaman ko ang takot na ito habang naglalakad kami ng aking kasama papalabas ng eskwelahan. Ang bigat ng mga paa ko sa mga ganitong pagkakataon. Pero wala akong magawa kundi buhatin ang mga paa ko gaano man kabigat at piliting makalakad.

Wala akong magawa dahil gabi na. Wala akong magawa dahil kailangan nang umuwi ng kasama ko. Wala akong magawa kundi ang matakot. Hinding hindi ko makakalimutan ang mga ganitong gabi.

Isa itong patunay na may mas nakakatakot pa kaysa sa mga multo: ang paghihiwalay.

Kailangan nang umuwi ng kasama ko. Sumakay na siya ng dyip. Ang tangi ko na lang nagawa ay ang kumaway. Naduwag akong sabihin ang mga salitang: "Huwag ka nang umuwi. Huwag na tayong maghihiwalay. Huwag ka nang lalayo sa akin. Hindi ko kaya nang wala ka."

Kinain ako ng karuwagan ko. Wala akong nagawa kundi ang kumaway. At sa pagbaba ko ng aking mga kamay matapos kumaway, yayakap sa akin ang lamig ng gabi, ang lamig ng pag-iisa. Nakakatakot ang ganitong mga gabi. (Mark Erron San Mateo)

(Si Mark Erron ay kabilang sa unang batch BA Journalism graduate sa Bulacan State University (BulSU).  Siya ay nagtapos noong Abril 2011.  Ang artikulong ito ay kanyang sinulat noong 2010.)

Ang babaeng walang mukha


Ni Nolie Ross De Guzman
 Kumalabog ang bisikletang pasan ni Jimbo ng kanyang ibagsak iyon sa labas ng kanilang bahay pasado alas-10 ng gabi.  Humahagos siyang pumasok sa bahay, humihingal, pawisan, at halos hindi makapagsalita.

Agad siyang inabutan ng isang basong tubig ng kanyang nagtatakang ama, habang ang kanyang ina’y nag-aalalang nakamasid.  Kapwa nagtatanong ang kanilang mga matang nakatuon sa anak

“Bakit? Ano ba ang nangyari,” halos magsabay na tanong ng mag-asawa sa anak habang ibinababa nito ang baso sa mesa.

“Mmmmmhultoooo, may multo,” ang hindi magkadatutong sagot ni Jimbo.

Si Jimbo ay isa sa aking na pinsan na nakatira sa Brgy. Macapsing, Bongabon Nueva Ecija kung saan nagmula ang aming pamilya. Halos na beses bawat taon ay bumibisita kami roon mula sa aming kasalukuyang tirahan sa Bulacan.

Mapakaraming kakaibang kuwento sa Brgy. Macapsing.  May maganda, may pangit pero karamihan ay kababalaghan, kaya’t minsan ay naitanong ko sa aking sarili meron pa ba mga ganito sa panahon na ito o baka kwentong barbero lamang.

Hindi ako masyadong kumbinsido sa kuwento ng iba dahil hindi ko alam kung sino ang pinagmulan ng kuwento.  Pero kuwento ni Jimbo ay kakaiba, dahil siya ay pinsan ko at alam kong hindi siya magsisinungaling.

Ilang sandali pa, nahimasmasan din si Jimbo at ikinuwento ang makatindig balahibong karanasan na muli at muling kong naaalala kapag sasapit ang Nobyembre 1 kung kailan ginugunita ang Undas.

Kagagaling lang niya sa bahay ng kanyang kasintahang si Lyn sa katabing barangay ng San Vicente. Napasarap ang kuwnetuhan nila kaya’t halos alas-10 na ng gabi ng siya ay magpa-alam na umuwi.

Dahil gabi na, pinahiram siya ni Lyn ng isang bisikleta upang hindi masyadong gabihin si Jimbo.  Nasa pagitan ng Brgy. Macapsing at Brgy. San Vicente si Jimbo ng makaramdam siya ng kakaiba, pero hindi niya pinansin iyon.

Palibhasa’y probinsiya madalang ang bahay at ang ilaw sa lansangan; at dahil gabi na, madalang na rin ang mga tao sa kalsada. Sa magkabilang bahagi ng kalsada ay malalawak na taniman ng sibuyas, ang pangunahing produkto ng bayan ng Bongabon.

Nagpatuloy sa pagpedal si Jimbo at habang papalapit sa isang matandang puno ng sampalok di kalayuan sa kantong paliko sa kanilang bahay ay kinabahan siya.  Marami kasing kuwento sa nasabing punto at karaniwan ay kababalaghan katulad ng babaeng nakaputi na diumano’y nagpapakita  di kalayuan sa punong sampalok.

Palibhasa’y lalaki,  nagtapangtapangan si Jimbo. Itinuloy ang pagpedal at pigil hininga habang padaan sa tapat ng punong sampalok. Nakahinga naman siya ngh maluwag ng makalampas siya sa puno dahil wala namang nagpakitang multo.

Ngunit pagkalampas sa punong sampalok, may nabanaagan sa dilim si Jimbo. Isang babeng mahaba ang buhok, balingkinitan ang katawan at nakasuot ng puti na inakala niya na kanyang kapitbahay na si Amy kaya’t tinawag niya ito.


"Ate Amy, Ate Amy," ang halos na pasigaw na tawag ni Jimbo sa babae.  Ngunit nagtaka siya dahil hindi lumilingon ang kanyang tinawag. Naisip niya, baka hindi siya narinig kaya’t binilisan niya ang pagpedal ng bisikleta.

Pagtapat ni Jimbo sa babae ay nilingon niya ito at sa pagkakataong iyon, tumindig ang lahat ng balahibo niya sa katawan.

Walang mukha ang babae na inakala niyang si Amy, at hindi nakasayad sa kalsada ang mga paa nito.

Parang bumaha sa isipan ni Jimbo ang mga kuwento ng kababalaghan na kanyang narinig sa mga nagdaang panahon, at sa pagkakataong iyon ay kanyang nakumpirma.  Totoo ang multo at iyon ay nakita ng kanyang dalawang mata.

Balot man ng takot ang kanyang buong katauhan, binilisan niya ang pagpedal sa bisikleta ipinahiram ni Lyn hanggang halos masira ang kadena nito.  Ngunit pakiramdam niya ay hindi siya umuusad.

Kaya’t agad siyang bumaba sa bisikleta, pinasan iyon at dali-daling tumakbo pauwi.

Nagulantang pa ang kanyang ama ng kumalabog sa labas ng bahay ang bisikletang pasan ni Jimbo, sakay siya humahagos na pumasok.

Ilang araw pa, kumalat din sa Barangay Macapsing ang kuwento ng karanasan ni Jimbo kaya’t marami ang umiwas magpagabi sa lansangan.

Hindi nagtagal, pinutol ang puno ng sampalok at pinabendisyunan sa pari at abularyo ang lugar na iyon.

Ngunit isang katanungan ang naiwan sino ang babaeng iyon? At bakit wala siyang mukha? Saan napunta ang mukha ng babae?

(Si Nolie Ross ay kabilang sa unang batch BA Journalism graduate sa Bulacan State University (BulSU).  Siya ay nagtapos noong Abril 2011.  Ang artikulong ito ay kanyang sinulat noong 2010.)

Saturday, October 26, 2013

Tuloy ang laban ng nag-iisang kandidatong transgender sa Bulacan


Jhane Dela Cruz (left).



HAGONOY, Bulacan—Sa kabila ng kritisismo at mapanirang tsismis na ipinakalat ng kanyang mga katunggali, tuloy pa rin ang laban ng isang 29 anyos na trans-gender sa bayang ito.

Siya ay si Jhane Dela Cruz, isang matagumpay na insurance manager na kandidato ngayon bilang kapitan ng Barangay Iba sa bayang ito.

Sa panayam ng Mabuhay Online, sinabi ni Dela Cruz na hindi hadlang sa isang lingkod bayan ang sexual orientation.

Binigyang diin pa niya na walang batas ang nagbabawal sa isang tulad niya upang kumandidato at maglingkod sa kanyang kababayan.

Ang pananaw na ito ay kinatigan ni Abogado Elmo Duque, ang provincial election supervisor sa Bulacan.

Ayon kay Dunque, malinaw ang itinatakda ng batas para sa mga nais kumandidato at walang isinasaad doon na nagbabawal sa isang tomboy, bakla at transgender.

Para kay Dela Cruz ang pagiging isang transgender ay may bentahe sa paglilingkod.


Ito ay ang pagiging tutok sa trabaho dahil walang iniintinding pamilya na maaaring maging dahilan upang maligwak ang kanyang panglilingkod.

Sa kabila naman ng kanyang pagiging transgender, buo ang suporta kay Dela Cruz ng kanyang mga magulang, kapatid, kaanak at mga kaibigan.

Sinabi niya na wala siyang planong kumandidato, ngunit nakiusap sa kanya ang mga residente ng Barangay Iba na lumahok upang magkaroon ng pagbabago at kaunlaran sa kanilang barangay.

Ayon kay Sol Santos, isang reeleksyunistang kagawad, matagal ng tumutulong sa mga pulitiko at mga kandidato si Dela Cruz kaya nagkaisa ang kanyang kabarangay na himukin ito na siya ang kumandidato.

Bago pumasok sa larangan ng pulitika, si Dela Cruz ay matagumpay na branch manager ng Peoples’ General Insurance sa Bulacan.

Siya ay nagtapos ng kursong interior design sa Estados Unidos.  Dino Balabo

Sino ang gagastos para sa P5.7-B rehabilitasyon ng Angat Dam?


Angat Dam spillway. larawan mula sa PPT presentation ng Tonkin & Taylor.




LUNGSOD NG MANDALUYONG— Sino ang gagastos para sa P5.7-B rehabilitasyon ng Angat Dam?

Ito ang katanungang lumutang matapos ang pulong ng matatas na opisyalng kapitolyo, National Power Corporation (Napocor), Metropolitan Waterworks and Sewerage System I(MWSS)at National Irrigation Admininistration (NIA) sa Edsa Shangrila Hotel noong Oktubre 16, isang araw matapos yaniginng lindol ang lalawigan ng Bohol.

Kaugnay nito, inamin ng Napocor na wala pa silang koopya ng kontrata sa pagitan ng
Korea Water Resources Corporation (K-Water) at ng Power Sector Assets and Liabilities Management (Psalm) na siyang namahala sa pagpapasubasta ng Angat River Hydro Electric Power Plant (ARHEPP) sa bayan ng Norzagaray.

Maging si Gob. Wilhelmino Alvarado ay naghahanap din ng kopya ng nasabing kontrata dahil sa naiinip na siya sa pagpapatupad ng panukalang rehabilitastyon ng Angat Dam na unang iniulat na pinondohan ng Malakanyang ng halagang P5.7-B.

Ito ay dahil sa nangangamba si Alvarado kaugnay sa pagyanig ng lindol na may lakas na 7.2 magnitude sa Bohol noong Martes, Oktubre 15.

Bakit hindi ako mangangamba maging mnga Bulakenyo, eh yung lakas ng lindol na sumalanta sa Bohol ay sinasabing makakasing lakas ng lindol na maaaring sumira sa Angat Dam,”sabi ng Gobernador.

Iginiit pa niya na kaya siya nangangamba ay dahil sa hanggang ngayon ay hindi pa nasisimula ang planong rehabilitasyon sa dam upang patatagin ito laban sa lindol na ihahatid ng Marikina West Valley Faultline (WMVF).

Ayon kay Alvarado, kapag lumindol at nasira ang dam, ang lalawigab ng Bulacan ang unang-unang mapipinsala.
Napocor President Gladys Sta. Rita at Gob. Alvarado

Ito ay dahil sa posiblidad ng pagragasa ng may 30 metrong na lalaim ng tubig mula sa Angat Dam na posibleng lumipolsa mga taong nasa daraanan ng tubig at puminsala sa mga ariarian at iba pang imprastraktura’t pananim.

Batay sa unang mga pag-aaral aabot sa 20 bayan at lungsod sa Bulacan ang masasalanta ng nasabing paglindol na sisira sa dam, bukod pa sa pitong bayan sa Pampanga at tatlong Lungsod sa Kalakhang Maynila.

Ang pinasalang ito ay posibleng ihatid ng tubig na raragasa, hindi pa kasama sa pagtayang ito ang pinasalang ihahatid ng lindol.

Ayon sa ibang pag-aaral, posibleng umabot sa 33,500 ang masasawi sa kalakhang Maynila dahil sa lindol na 7.2 na lilikhain ng paggalaw ng WMVF. Tinataya namang aabot sa 113,600 ang masaktan at massusugatan sa nasabi ring lugar.

Dahil sa posibilidad ng pinsalang ihahatid ng lindol sa Angat Dam na pinagkukunan ng 97 porsyentong tubig inumin ng kalakhang Maynila, naglabas ng P5.7-B pondo ang Malakanyang noong 2012 para sa rehabilitasyon ng Angat Dam.

Ngunit nagkaroon ng kumplikasyon ang sitwasyon ng katigan ng Korte Suprema ang Korea Water Resources Corporation (K-Water) para sa pagsasapribado ng ARHEPP>

Ayon kay Arkitekto Gerardo Esquivel, administrador ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS), bahagi ng kontrata ng K-Water ay nagsasaad na ang mamamahaola sa ARHEPP ang gugugol para sa rehabilitasyon ng Angat Dam.

Gayundin ang pananaw ni Inhinyero Rodolfo German,ang general manager ng ARHEPP.

Sinabi pa ni German na gugugulan din ng K-Water  ang rehabilitasyon ng Arheep.

Ngunit patra kay Gladys Sta. Rita, ang bagong pangulo ng Napocor, hindi pa malinaw sa kanila ang nilalaman ng kontrata sa pagitan ng K-water at Psalm.

Ito ay dahil sa hindi pa nakakahawak ang Napocor ng kopya nito.

Sa panaym, sinabi ni Sta. Rita na kinukunsidera ng Malakanyang ang posibilidad na ang K-water na ang gagastos sa rehabilitasyon ng Angat Dam.

Nilinaw ni Sta. Rita na P3.1-B lamang ang gagastusin para sa rehabilitasyon ng dam, at ang nalalabing P2.6 B mula sa P5.7-B ay para sa mga makabagong instrument.

Dahil hindi pa malinaw kung sino ang gagastos sa rehabilitasyon ng Angat Dam, sinab I ni Alvarado na ang mga Bulakengyo ay laging may pangamba.

 “Nakakapangamba ang sitwasyon, nakaamba yung Marikina West Valley Faultline sa Angat Dam na hanggang ngayon ay hindi pa nasisimulan ang repair,  eh, paano kung gumalaw ang faultline at masira ang dam, eh di tayo ang mapipinsalan,” sabi ng gobernador.

Iginiit niya na ang lindol sa Bohol ay isang paalala upang madaliin ang pgapapatupad ng rehabilitasyon sa dam.

Ayon kay Alvarado, anumang oras ay maaaring lumindol at maaaring masira ang dam.
(Dino Balabo)