Sunday, October 14, 2012

Tagumpay ang unang anibersaryo ng BK Hagonoy, medical mission ikinakasa




HAGONOY, Bulacan—Matagumpay na naisagawa ang unang aniberasrayo ng Bahay Kubo ng Anak ng Hagonoy na isinagawa sa Blas Ople Building ng Hagonoy Water District noong Linggo, Oktubre 7.

Kaugnay nito, ikinakasa nila ang pagsasagaw ang isang medical mission sa darating na Oktubre 20.

Ang pagdiriwang ay dinaluhan ng mga kasapi ng grupo na nabuo matapos ang pananalasa ng bagyong Pedring at Quiel sa bayang ito noong Oktubre 2011.

Ang Bahay Kubo ng Anak ng Hagonoy ay isa sa maraming grupong nabuo sa Facebook.com, ngunit ito ay naiiba dahil sa kahandaan ng mga kasapi na tumulong sa kanilang mga kababayan.

Sa nagdaang taon, ang grupo ay nakapagsagawa ng ibat-ibang proyekto tulad ng pamamahagi ng tulong pinansiyal sa mga kasaping nasalanta noong nakaraang taon, pamamahagi ng mga laruan sa mga bata.

Pamamahagi ng mga gamit sa pag-aaral ng 294 mag-aaral ng Pugad Elementary School, pangunguna sa pagkukumpuni ng Mababang Lupa Day Care sa Barangay San Agustin at pagkakaloob iskolarsip sa 10 mag-aaral sa elementarya at sekundarya.

Ayon kay Rey Torres, 53, tagapagtatag ng grupo, ang kanilang tulong ay isang maliit na pagbabahagi ng mga biyayang tinanggap mula sa Maykapal.

Si Torres na nagmula sa Barangay Sta. Monica ay kasalukuyang nakabase sa San Francisco, California sa Estados Unidos, at hindi nakadalo sa pagdiriwang ng unang anibersaryo ng  grupon kanyang itinataga, gayunpaman, nakapiling ang kanyang tinig sa pamamagitan ng telepono.

Siya ay nagtapos sa Hagonoy Institute at Manuel L. Quezon University kung saan ay tinapos niya ang kursong Banking and Finance noong 1980. Sa kasalukuayan 22 taon na siya sa ibayong dagat.

Sa panayam ng Mabuhay kay Torres sa pamamagitan ng facebook.com chat, sinabi niya nakita niya ang pinsalang hatid na bagyo aty baha noong nakaraang taon.

Dahil dito, minabuti niyang tumulong aty hinikayat din ang iba pang kasama sa Facebook.com, ngunit hindi lahat ay nagkaloob ng panahon at salapi upang tumulong.

 “Kabilang kami sa isang grupo noong mga oras na yun. Naging instrumento ito upang maipaabot namin ang aming tulong at suporta sa mga minamahal nating kababayan. Sa simpleng pamamaraang alam ko at sa tulong nga ilang mga kaibigan ay nagtagumpay ang aking layunin na makatulong sa aking kapwa,” ani Torres.

Idinagdag pa niya, “hindi ko na inalintana ang pagod at puyat na aking dinanas ng mga panahong iyon, sapagkat ang tunay na mahalaga sa aking puso ay ang naibahagi ko ang aking kakayahan upang tulungan ang mga nangangailangan. Lubos na kasiyahan ang aking nadama lalo pa ng malaman kong marami sa aking mga kasamahan ang aking nahikayat na makiisa at dumamay sa ating mga kababayan.”

Ngunit sa sa kabila ng kanyang pagtulong ay sinuklian ito ng pagbatikos ng ibang kasapi ng grupong dati niyang kinasasapian.

Dahil dito, minabuti niya na itayo ang Bahay Kubo ng Anak ng Hagonoy.

Sa paglalarawan ni Torres ang Bahay Kubo ay nakakahalintulad ng isang tahahan kung saan ang pamilya ay nagmamahalan.

“Sa aking pakikipagusap sa isang espesyal na tao sa aking puso, ay nagtagpo ang kapwa namin isipan sa isang magandang layunin at hangarin para sa ating mga kababayan. Dumating sa punto na napagkasunduan naming bumuo ng isang grupo na ituturing na isang pamilya, na magbubuklod sa mga kababayan nating nagnanais na makatulong sa kapwa kahit na sa simpleng pamamaraan lamang,” ani Torres.

Idinagdag pa niya na noong Ika-2 ng Oktubre 2011 naging abala sila sa pag-iisip ng angkop na pangalan ng grupo.

“Bunga ng tunay na pag-ibig na namamayani sa aming puso, at sa pamilyang nais naming mabuo ay pinili at inihayag namin ang pangalang “Bahay Kubo ng Anak ng Hagonoy.”  Munting tahanan, kung saan mo matatagpuan ang wagas na pagmamahal ng isang ina, ama, kapatid, kaibigan, kapwa at higit sa lahat ay ang dakilamng pag-ibig ng Diyos sa sangkatauhan,” kuwento ni Torres.

Iginiit pa niya na ang “tahanang ito ay binuo ng tunay na pag-ibig, respeto at pagkakaisa. Hawak Kamay, Kapit-Bisig nating haharapin ang mga pagsubok, sama sama tayo sa iisang layunin na kailanman ay hindi sasaklaw sa anumang pansaraling interes at pakinabang. “

No comments:

Post a Comment