Thursday, October 18, 2012

‘3G’ ibabangga ng baguhan sa 50-taong dinastiya


BULAKAN, Bulacan—Inilatag na ng dalawang baguhang kandidato ang kanilang plano upang basagin ng mahigit sa 50-taong dinastiya ng mga Meneses sa bayang ito.

Ang dalawang baguhan ay sina Dr. Roberto Ramirez at Abogada Ana Marie Pagsibigan na kandidato ng Laban ng Demokratikong Pilipino (LDP) bilang alkalde at bise alkalde sa Bulakan.

Ang kanilang sasagupain ay sina incumbent Mayor Patrick Neil Meneses at incumbent Vice Mayor Alberto Bituin ng National Unity Party (NUP).

Si Meneses ay kasapi ng angkan na naghawak ng pinakamataas na posisyon sa bayang ito mula pa noong 1956.

Ayon kay Ramirez, hindi madali ang kanilang magiging laban dahil ang nakakahalintulad nito ang pagbangga sa isang matibay na moog na pinatatag ng mahabang panahon.

“Sa tagal nila sa pulitika, nakabaon na sa kaisipan ng mga tao ang kanilang sistema at mga pamaraan, pero naniniwala kami na mababasag iyan,” sabi ng doktor na napilitang kumandidato sa unang pagkakataon upang magkaroon ng pagbabago sa bayang ito.

Ayon kay Ramirez, bilang isang tradisyonal na angkan ng pulitiko, ang mga Meneses ay may kakayahan magkaroon ng tradisyunal na “3G” o “guns, goons, and gold.”

Ito ay dahil sa mayaman ang angkan na itinuturo ng mga residente ng bayang ito na nagpauso ng maruming pamamaraan sa pulitika katulad ng pamimili ng boto.

Ang akusasyong ito ay ilng beses nang pinatunayan ng ilang kaanak ng mga Meneses at tinampukan pa ng pagkapaslang kay Luisito Sta. Maria na sinasabing “bagman” ng pamilya tatlong araw bago maghalalan noong 2007 kung kailan ay sinasabing natangay din ng mga salarin ang milyong halaga ng salapi na gagamitin sana sa halalan.

Ayon kay Ramrez, ang 3G ng mga Meneses ay tutumbasan din nila ng “3G.” Ito ay nangangahulugan ng “God, goodness, and guts.”

Ipinaliwanag niya na ang Diyos, kabutihan at lakas na loob lamang ang makakabasag sa dinastiya ng mga Meneses.

“Wala kaming itatapat sa pera nila kungdi ang lakas ng loob at kredibildad sa tulong ng Diyos,” aniya.

Inamin ng duktor na wala silang planong pumasok sa larangan ng pulitika, ngunit dahil sa kawalan ng pagbabagong pangkaunlaran sa kanilang bayan ay naglakas na rin sila ng loob.

“Kung hindi kami papasok ngayon, sino at kailan,” aniya.

Nagpahayag din siya ng kalungkutan sa mabagal na pag-unlad ng kanilang bayan sa ilalim ng mahigit na 50 pamumuno ng mga Meneses.

“Ang hamon namin sa mga taga-Bulakan ay iba naman, subukan nila kami ng tatlong taon lang,:” sabi ng duktor at iginiit na napag-iwanan na ng Guiguinto ang Bulakan samanatalang dating bahagi lamang ng kanilang bayan ang Guiguinto.

Bukod dito, sinabi ni Ramirez na ang bayan ng Bulakan ang dating kabisera ng lalawigan sa panahon ng Kastila, ngunit napagiwanan na rin ito ng mga katabing bayan at lungsod tulad ng Balagtas at Malolos.

No comments:

Post a Comment