Friday, October 19, 2012

Bakit dumarami ang babaeng pumapasok sa pulitika?

Senador Loren Legarda at Mayor Lorna Silverio ng San Rafael.



SAN RAFAEL, Bulacan—Araw pa lamang ng Lunes ay abala na si Mayor Lorna Silverio ng bayang ito sa dami ng haharapin at kakausaping tao; at mga dokumentong pipirmahan.

Bukod dito, abala rin ang kanyang isip sa presentasyong inihanda para sa mga negosyante na posibleng mamuhunan sa bayang ito na noong nakaraang taon ay pinagbuhusan ng mahigit sa P500-Milyon puhunan ng ibat-ibang negosyante.
Ito ang buhay ng alkalde ng isang bayan na ang pangunahing layunin ay mapaglingkuran ang kanyang mga kababayan sa pamamagitan ng makabuluhang serbisyo na kadalasan ay umaagaw ng kanyang oras para sa pamilya, at sa karanasan ni Silverio, bilang ina at asawa.

Mas kilala sa tawag na Tita Lorna, si Silverio ay isa sa mga babaeng naglilingkod bilang punong bayan sa lalawigan.  Ang iba pang babaeng punong bayan ay sina Mahyor Tessie Vistan ng Plaridel, Mayor Paula Carla Galvez-Tan ng San Ildefonso at Mayor Joan Alarilla ng Lungsod ng Meycauayan.

Batay sa tala ng Mabuhay, may pito pang bayan sa lalawigan na pinaglingkuran ng isang babae bilang punong bayan o bise alkalde sa ibat-ibang panahon mula noong 1998.  Ito ay ang mga bayan ng Donya Remedios Trinidad, Norzagaray, Sta. Maria, Guiguinto, Hagonoy, at Bulakan at Paombong.

Ang pagdami ng pagpasok ng mga kababaihan sa larangan ng pulitika sa lalawigan ay sinasabing hatid panunungkulan ni Pangulong Corazon Aquino mula 1986 hanggang 1992; at pagkakahalal kay dating Gob. Josefina dela Cruz noong 1998.

Makasaysayan ang pagkakahalal kay Dela Cruz dahil siya ang kauna-unahang babeng gobernador sa100-taong kasayasayan ng pamumuno ng mga Bulakenyo sa lalawigan, bukod ipinagdiwang noong 1998 ang ika-100 guning taon ng kasarinlan ng bansa.

Ayon kay Tita Lorna, ang pagpasok ng mga kababaihan sa larangan ng pulitika ay nagpapatunay lamang na patuloy na pagkilala sa kanilang kakayahan na mamuno.

Nagpapatunay din ito na ang larangan ng pulitika ay hindi na isang teritoryo na lamang ng mga kalalakihan.

Katunayan, sa may 651 kandidatong nagsumite ng kanilang certificate of candidacy (COC) noong unang linggo ng Oktubre para sa halalan sa susunod na taon sa lalawigan ay 109 ang babae.

Sa nasabing bilang, walo ang kandidatong alkalde, 11 ang bise alkalde, 90 ang konsehal, isa ang bise gobernandor, dalawa ang bokal at tatlo ang kandidato para sa kongreso.

Sa 109 na babaeng kandidato sa lalawigan, umabot naman sa 15 ang kandidatong indipendiente.

Bilang isa sa mga beteranang babaeng pulitiko sa lalawigan, sinabi ni Tita Lorna na ang kanihaan ng mga babae ay nagsisilbi ring kalakasan nila.

“Pag babae ka, you are seen as weaken than men physically, kasi ang mga lalaki ay malalakas pero mainitin ang ulo,” ani Tita Lorna.

Binigyang diin niya na sa pamamahala sa isang bayan, hindi p-wede ang mainitin ang ulo, sa halip ay kailangan ang akma at tamang pagsusuri sa mga sitwasyon upang makabuo ng akmang hakbang at aksyon.

Bukod dito, sinabi ni Tita Lorna na naniniwala siya sa kasabihan na “if you want the best man for a job, give it to woman.”

Inihalimbawa niya ang katangiang matkiyaga ng mga kababaihan bukod pa sa masusing pagtutok sa trabaho.

“Hindi madali ang pamumuno sa isang bayan, kailangan ang pagiging mahinahon kalmado at tiwala sa sarili.  Hindi pwede yung basta-basta na lang, naku maliligaw ka ng desisyon,” sabi ni Tita Lorna na nagsilbing akalde ng bayang ito noong 1998, pagkatapos ay nahalal na kongresista ng ikatlong distrito noong 2001 at naglingkod sa nasabing posisyon hanggang 2010  kung kailan siya nagbalik bilang alkalde.

Si Tita Lorna ay maybahay ng industrialist na si Ricardo Silverio Sr., na naglingkod bilang kinatawan ng ikatlong distrito at alkalde ng bayang ito.

Inayunan naman ni dating Bokal Patrocinio Laderas  ang mga binanggit na katangian ng mga babae sa paglilingkod bayan na nagsisilbing bentaheng mga ito.

Bilang dating bokal ng unang distrito, sinabi Laderas na ang Bulacan ay may mahabang tradisyon ng mga kababaihang nagsilbing lider ng pamayanan.

Ilan sa mga inihalimbawa niya ay sina Trinidad Tecson, ang isa sa mga bayani Biak na Bato; at ang 20 kababaihan ng Malolos na nagsulong ng pagtatayo ng paaralan para sa mga kababaihan sa Malolos noong panahon ng Kastila.

Ayon kay Laderas, ang inisyatiba ng mga kababaihan ng Malolos ay binigyang diin pa ni Dr. Jose Rizal ng kanyang purihin angmga ito sa kanyang liham na hiniling ni gat Marcelo H. Del Pilar na sulatin para sa mga nasabing kababaihan.

Sa mga nagdaang taon naman, ang tapang ng kababaihan ng Malolos ay nasalin sa larangan ng pulitika ng mahalal na alkalde nito si dating Mayor Purificacion Reyes noong dekada 60.

Si Reyes ay kilala sa tawag na “Cancion” , at siya rin ang itinuturing na kauna-unahang babaeng pulitiko na nahalal bilang alkalde sa lalawigan.

Ayon kay Laderas, ang pagkakahalal kay Reyes bilang alkalde ay naunahan lamang ng ilang taon ng panungkulan ni Mayor Ramona Trillana ng Hagonoy.

Ngunit si Trillana ay hindi nahalal na alkalde, sa halip siya pumalit kay mayor Jose Suntay ng ito ay mahalal sa Kongreso noong 1960.  Si Trillana ang bise alkalde ni Suntay.

“Nana Monang (Trillana) was elected as vice mayor and by succession he assumed office as Mayor,” ani Laderas.

Ang panungkulan ni Trillana ay nasundan pa ng panunungkulan ni mayor Maria Garcia ng Hagonoy sa huling bahagi ng dekada 60 ng siya ay pumalit sa napaslang na si dating Mayor Emilio G. Perez.  (Dino Balabo)

No comments:

Post a Comment