Benigno
S. Aquino III, Fourth State of the Nation Address, July 22, 2013
Published by the Official Gazette,
July 22, 2013. (http://www.gov.ph/2013/07/22/benigno-s-aquino-iii-fourth-state-of-the-nation-address-july-22-2013)
State
of the Nation Address of
His
Excellency Benigno S. Aquino III
President
of the Philippines
To
the Congress of the Philippines
[Delivered
at the Session Hall of the House of Representatives, Batasang Pambansa Complex,
Quezon City, on July 22, 2013]
Marami
pong salamat. Maupo ho tayong lahat.
Bise
Presidente Jejomar Binay; Senate President Franklin M. Drilon; Speaker
Feliciano Belmonte Jr.; Chief Justice Maria Lourdes Sereno at ang ating mga
kagalang-galang na mahistrado ng Korte Suprema; mga dating Pangulong Fidel
Valdez Ramos at Joseph Ejercito Estrada; mga kagalang-galang na kagawad ng kalipunang
diplomatiko; mga miyembro ng Senado at Kamara de Representante; mga opisyal ng
lokal na pamahalaan; mga miyembro ng Gabinete; mga unipormadong kasapi ng
militar at kapulisan; mga kapwa ko nagseserbisyo sa taumbayan; at sa aking mga
Boss, ang mga minamahal kong kababayan:
Isang
, magandang hapon po sa inyong lahat. [Applause]
Ito
po ang aking ikaapat na SONA; dalawa na lamang ang natitira. Halos apat na taon
na nga po ang lumipas nang una akong nilapitan ng ilang kampo upang hikayating
tumakbo sa pagkapangulo. Ang sabi nila: Alam naming hindi masosolusyonan sa
isang tulog, sa isang taon, o kahit pa sa anim na taong termino ng isang
Presidente ang lahat ng problema ng bansa. Pero simulan mo lang, at tiyak,
kasama mo kaming mag-aaruga nito.
Noon
pa man, mulat po ako sa tindi ng mga problemang aking kakaharapin. Mula sa
pagiging kandidato, o Presidente na, o kahit ba matapos nang makababa sa
puwesto, hindi biro ang peligrong kakambal ng trabahong ito. Malawakang
transpormasyon ng lipunan ang aking hangarin, at mulat akong marami akong
kailangang banggain para matupad ito. Pero hindi po ako pinalaki ng aking mga
magulang para tumiklop lamang sa mga hamon. Hindi ko mahaharap ang aking sarili
kung tinanggihan ko ang pagkakataong bawasan ang pagdurusang hindi naman dapat
dinaraanan ng Pilipino. [Applause]
Tumugon
nga po tayo sa panawagan, at ang mga kasama natin noong una, nadagdagan pa. Sa
paniniwala ko nga po, kung tama ang aking ginagawa, lalo pang dadami ang ating
magiging kasangga. Nito ngang nakaraang Mayo, tinanong ko kayo, “Boss, tama ba
ang direksyon natin?” Ang tugon ninyo: “Tama, at pabilisin pa natin ang
transpormasyon ng lipunan.” Humiling ako ng mga kakamping makikisagwan sa
iisang direksyon, at ibinigay ninyo ito. Ang totoo nga po, hindi lang mayorya,
hindi lang siyam sa labindalawa, kundi siyam sa sampung pinakamataas na puwesto
na senador ay mga taong inilapit ko sa inyo. [Applause] Sa aking pakiwari,
malinaw po ang mensahe nitong huling halalan: tama, ituloy natin, damihan pa
natin ang 8,581 na sitiong napailawan; dagdagan pa natin ang 28,398 na
pamilyang dati’y informal settler, ngunit ngayon ay mayroon na o magkakaroon na
ng disenteng tirahan; palaguin pa natin ang di bababa sa 40 bilyong piso kada
taong dagdag ng perang napupunta sa edukasyon, kalusugan, serbisyong
panlipunan, at marami pang iba, dahil sa tama at mas masugid na pagkolekta ng
buwis; dama namin ang marami pang ibang patunay na talagang nagbabago ang
lipunan. Lalo nga po akong nabuhayan sa ipinarating ninyong mensahe; malinaw po
talagang hindi ako nag-iisa sa pagpasan ng mga responsibilidad. [Applause]
Paano ba naman pong hindi lalakas ang aking loob, kung pati ang mga tulad ni
Ginoong Niño Aguirre ay nakikihubog sa ating kinabukasan? Isipin po ninyo,
hindi na nga makalakad dahil sa kapansanan, pilit pa rin niyang inakyat ang
presintong nasa ikaapat na palapag ng gusali, para lang makaboto at makiambag
sa tunay na pagbabago ng lipunan. Salamat, Ginoong Aguirre. [Applause]
Hindi
nga po nauubos ang mga Pilipinong handang makiambag, na siyang ugat ng
pagbabagong tinatamasa natin ngayon. Ang stratehiya: Sagarin ang oportunidad
para sa lahat, lalo na para sa mga mas nangangailangan. Hindi natin pakay
maghintay ng trickle down; hindi puwedeng baka sakali o tsamba lang silang
daratnan ng mga biyaya ng kaunlaran. Ito pong tinatawag nating inclusive
growth—itong malawakang kaunlaran—ang mismong prinsipyong bukal ng bawat
inisyatiba, bawat kilos, bawat desisyon ng inyong gobyerno. Ang maiiwan na
lamang ay ang ayaw sumama, dahil hindi sinamantala ang pagkakataon.
Ang
atin pong batayang prinsipyo: Malawakang pagkakataon ang susi sa malawakan at
pangmatagalang kaunlaran. Huwag po sana nating kalimutan na ang pagkakataon ay
punla lamang. Kailangan itong diligin ng sipag, alagaan ng determinasyon, at
payabungin ng dedikasyon. Tingnan nga lang po natin ang mga TESDA-DOLE
scholars. Sa 503,521 na napagtapos na natin dito, tinatayang anim sa bawat
sampu ang nagtatrabaho na. [Applause] Noong araw po, ayon sa pag-aaral ng DBM
noong 2006 hanggang 2008, ang nakakahanap ng trabaho sa mga napagtapos ng
TESDA: 28.5 percent lamang. Noong lumipas na taon naman po: sa IT-BPO program,
70.9 percent ang employment rate ng ating mga nagtapos sa TESDA. Sa electronics
and semiconductor program naman, umabot sa 85 percent na mga nagtapos noong
2012 ang nagkatrabaho. Malinaw po: Kayo mismo ang huhubog, kayo mismo ang
magdidikta kung hinog at matamis ang bungang kolektibo nating pipitasin, o kung
magiging bulok at katiting ang kahihinatnan ng mga pagkakataong bumubukas sa kabanatang
ito ng ating kasaysayan.
Isa-isahin
po natin. Ang layuning palawakin ang saklaw ng Pantawid Pamilyang Pilipino
Program: natupad. Ang dinatnan nating mahigit 700,000 kabahayang benepisyaryo
ng programa noong 2010, umabot na sa halos apat na milyon na kabahayan sa ating
pong administrasyon. [Applause]
Mayroon
pa po: Galing sa pag-aaral ng Philippine Institute for Development Studies, mas
malaki ng tinatayang 40 porsyento ang sinasahod ng mga naka-graduate ng high
school, kumpara sa mga elementarya lang ang tinapos. Di po ba makatuwirang
sagarin na natin ang tulong na ibinibigay natin sa mga pamilya, upang
makumpleto na ng mga batang benepisyaryo ang high school, at sa gayon ay
maisagad na rin ang benepisyo ng programang ito? Kaya nga po, sa susunod na
taon, magiging saklaw na ng programa ang mga pamilyang may kabataang abot sa 18
taong gulang, upang hanggang sa high school ay makapagtapos na sila. [Applause]
Sa
edukasyon naman po: ang layunin nating itaas ang kalidad ng kaalamang
natututuhan ng kabataan, upang matapos mag-aral ay mapanghawakan nila ang mga
oportunidad na bumubukas sa ating lipunan: natupad po. Nabura na ang minana
nating kakulangan sa libro at upuan, at kung magpapatuloy nga po ang
pagpapakitang-gilas ni Kalihim Brother Armin Luistro, [Applause] pati po ang
kakulangan sa silid-aralan ay mabubura na rin sa taong ito. Ang magandang
balita pa: May kakayahan na tayong paghandaan ang magiging pangangailangan
dahil sa K to 12 program. [Applause]
Hindi
po biro ang dinatnang mga problema ni Brother Armin sa DepEd. Isipin po ninyo,
kada isang textbook, pinepresyuhan dati ng 58 pesos; nang siya na ang namumuno,
bumaba ang presyo ng eksaktong libro sa 30 pesos. Paano po kaya kung dati pa
nagbayad ng tamang halaga para sa mga aklat na ito? Kung natipid natin ang
diperensyang 28 pesos, at may limang textbook ang bawat sa isang tinatayang
20.7 million na estudyante sa ating public school system, ang katumbas nito:
halos 2.9 billion pesos. [Applause] Kaya po sana nitong pondohan ang plano
nating pagpapaayos at rehabilitasyon ng nasa 9,502 na silid-aralan.
Kung
nagkulang sa lakas ng loob si Brother Armin, puwede namang ipamana na lang sa
susunod sa kanya ang kultura ng pagwawalang-bahala sa kanyang ahensya. Puwede
naman din pong ipamana na lang ang mga backlog; ipasa na lang sa susunod ang
lolobong pagkukulang dahil sa dumaraming mga enrolee kada taon. Pero itong si
Brother Armin, imbes na makuntento, imbes na sabihing, “Puwede na ‘yan, tapos
na ang trabaho ko,” gagawa pa siya ng mas maraming upuan at classroom, at
bibili ng mas maraming libro, upang siguruhing pati ang para sa susunod na mga
taon ay mapunuan na rin. [Applause]
Ang
pagpapalakas naman sa sektor ng agrikultura: natupad din. Isipin po ninyo, ayon
sa NFA: Noong 2010, nag-angkat ang bansa ng mahigit dalawang milyong metriko
tonelada ng bigas. Noong 2011, bumaba ito sa 855,000 metric tons. Noong 2012:
500,000 metric tons na lang. At ngayong 2013: Ang pinakasagad na nating
aangkatin, kasama na ang pribadong sektor, ay ang minimum access volume na
350,000 metric tons. [Applause] Nakapaloob na po dito ang 187,000 metric tons
sa reserbang buffer stock sakaling magsunud-sunod ang bagyo; malamang, dahil
on-target pa rin tayo sa rice self-sufficiency, hindi na rin kailangan pang
mag-angkat ng pribadong sektor. Dagdag pa po diyan, nagsimula na tayong
mag-export ng matataas na uri ng bigas. Ang layo na po talaga natin doon sa
panahong sinasabing hindi raw natin kayang pakainin ang ating sarili.
[Applause]
Datos
na rin po ang pruweba: lumago ng 3.3 percent ang sektor na ito sa unang tatlong
buwan ng 2013. Triple po ang itinaas nito mula sa 1.1 percent growth noong
parehong panahon ng 2012. Kaya naman, patuloy po tayong nagpupunla ng mga
inisyatibang pihadong magbubunga ng higit na kaunlaran sa ating mga magsasaka.
Halimbawa
po, sa niyog. Ayon sa pagsusuri noong 2009, isa sa mga pinakamahirap na sektor
sa bansa ang coconut farmers. Ang proseso ng pagsasaka nito: Pagkatanim, pitong
taong hihintaying mamunga ang niyog, pero pagkatapos, dalawang henerasyon ang
wala nang ibang kailangang gawin kundi mamitas na lang nang mamitas. May
potensyal po tayong palakihin ang kita ng sektor na ito kung maglalatag tayo ng
kulturang mas nang-eengganyo ng sipag at pagiging produktibo. Ang tugon:
intercropping.
Tutulong
ang gobyernong magpalakas sa iyong niyogan, kapalit ng obligasyong magpunla ng
iba’t ibang binhi sa pagitan ng mga hilera ng niyog. Mas dadalas ang ani ng
magsasaka, at depende sa kanilang itatanim, lalaki ang kanilang kita. Kung sa
niyog lang, sa bawat ektarya, nasa 20,000 piso po kada taon ang kinikita ng
magsasaka. Kung dadagdagan ito ng kape, maaaring pumalo ng 172,400 pesos ang
kita; kung saging, aabot sa 102,325 pesos ang maaaring kitain, samantalang
89,000 pesos naman sa cacao. Ang laking diperensya, di po ba?
Nasimulan
na po nating ilatag ang mga inisyatiba para rito: Nitong 2012, umabot na sa
5,500 hectares ng lupain ang ginagamit natin para sa intercropping sa 90
lokasyon sa bansa. Saklaw po nito ang 10,000 sa ating mga magsasaka. Ang target
naman natin ngayong 2013: dagdag pang 434 sites para sa coconut intercropping.
[Applause]
Itinitimon
na rin po natin tungo sa mas produktibong pampang ang ating mga mangingisda.
Isipin po ninyo: Pumalo sa 193.65 billion pesos ang ambag ng industriya ng
pangingisda sa ating ekonomiya nitong 2012, pero sa kabila nito, 41 porsyento
pa rin sa ating mga mangingisda ang maralita nang huli itong sukatin noong
2009. Sila ang nanghuhuli ng isda, pero ang natitira para sa kanilang pamilya,
tinik na lang.
Kaya
nga po: Nariyan ang maraming inisyatiba ng pamahalaan upang tulungang makaalpas
sa lambat ng kahirapan ang ating mga mangingisda. Halimbawa nga po ang para sa
Bataraza sa lalawigan ng Palawan. Sagana ang katubigan sa paligid nito. Pero
dahil hindi mapaabot sa mga merkado nang sariwa ang isda, ginagawa na lamang
itong tuyo. Sayang naman po, kasi sa bawat tatlong kilo ng lapu-lapu, isang
kilo lang ang tuyong nagagawa. Paano kung mapahaba ang pagkasariwa ng isda
dahil sa cold storage facility? Pupunta ka sa merkado nang sagad pa rin ang
presyo ng huli mo. Parehong sikap sa paghuli, pero ang makukuha mo, tamang
halaga. Kaya nga po, kasado na ang cold storage facility para sa Bataraza.
[Applause] Kasabay po nito, nagtatayo na rin tayo ng mga bagong pantalan sa mga
stratehikong lugar upang mapalago pa ang produksyon at kita. Ipinapaayos natin
ang mga kalsada, tulay, at iba pang imprastruktura, pati na ang serbisyo para
sa ating mga mangingisda.
Mahigpit
din pong binabantayan ng DILG, BFAR, at Coast Guard ang pangingisda nang walang
habas; ang hiling ko nga pong ambag sa ating mga mangingisda: Pagpahingahin
natin ang mga dagat. Hinihikayat ko po kayong sumama sa pangangalaga ng inyong
kabuhayan; nakikita naman po ninyo: Ang oportunidad, inilalapit na sa inyo ng
estado, pero ang resulta, syempre, nasa kamay ninyo.
Kung
may isa man pong paksang paboritong ikabit sa pangalan ko, ito ay ang Hacienda
Luisita. Nais ko lang pong iulat na noong Pebrero, alinsunod sa utos ng Korte
Suprema, nakumpleto na ng Department of Agrarian Reform ang listahan ng mga
kuwalipikadong benepisyaryo na mabibigyan ng lupa sa Luisita. [Applause] Ayon
rin po kay Kalihim Gil de los Reyes, sinimulan na noong nakalipas na linggo ang
pagtutukoy ng bawat loteng makukuha ng mga benepisyaryo, at magsisimula nang
ipagkaloob ang mga titulo sa Setyembre nitong taong ito. [Applause]
Para
naman po sa iba pang malalawak na lupain: Matagal na nating inatasan ang DAR,
DENR, LRA, at Land Bank na bumuo ng balangkas kung paanong mapapabilis ang
pagproseso sa pagbabahagi ng lupain. Ipapaalala ko lang po: Tamang datos ang
unang hakbang sa maayos na implementasyon ng CARPER. Pero nagmana po tayo ng
isang depektibong land records system. Kaya simula pa lang po, nagtrabaho na
ang DOJ, LRA, DENR, at DAR para ayusin ang sistemang ito, at nasa punto na tayo
ngayon kung kailan kaya nating siguruhin: Sa susunod na taon, naihain na ang
lahat ng mga notice of coverage para sa mga lupaing saklaw ng komprehensibong
repormang agraryo. [Applause]
Malinaw
po: Ang estado, itinayo para paglingkuran kayo. Kung may problema sa kalusugan,
dapat kumakalinga ang gobyerno; sa panahon ng sakuna, nariyan din dapat ito
para magbigay-lingap. Ano po ba ang ginagawa natin sa mga larangang ito?
Sa
kalusugan, ang layunin nating masaklaw ng PhilHealth ang mas marami pa nating
kababayan: natupad na rin po. Dumating tayong 62 percent ng Pilipino ang
naka-enrol sa programa; ngayon, nasa 81 percent na ito. Ang natitira nga pong
wala sa talaan ay ang mga hinahanap pa, kabilang na po ang informal sector at
mga katutubo. Inaasahan po natin ang pakikipagtulungan ng mga lokal na
pamahalaan upang maisali na natin sa sistema ang lahat ng ating mamamayan.
[Applause]
Hindi
lang po mga enrolee ng PhilHealth ang lumalawak, kundi pati ang mga benepisyong
maaaring makuha mula rito. Noong nakaraang taon, inilunsad natin ang Z Benefit
Package. At nitong Pebrero naman po, pinalawak pa ito ng Expanded Z Benefit
Package. Mas mahaba na po ang listahan ng mga karamdamang libreng maipapagamot
ng mahihirap nating kababayan sa mga pampublikong ospital. Noong isang taon,
nakasama na ang breast cancer, prostate cancer, at acute leukemia; ngayon,
kasama na rin ang iba pang sakit tulad ng coronary bypass, at ng pagtatama ng
mga butas at maling posisyon ng mga ugat sa puso.
Masasayang
lang po ang ganitong benepisyo kung naghihingalo naman ang kalagayan ng ating
mga pagamutan, at kung hindi naman ito mapuntahan ng mga nasa kanayunan. Kaya
nga po todo buhos tayo ng budget sa imprastrukturang pangkalusugan: Nitong
nakaraang tatlong taon, umabot sa 33 bilyong piso ang nailaan natin para sa
pagpapatayo, pagpapaunlad, at rehabilitasyon ng 4,518 na ospital, rural health
units, at barangay health stations sa buong bansa. [Applause] Halimbawa na po
rito ang Region 1 Medical Center sa Dagupan, na nakapagsagawa na ng limang
kidney transplant ngayong taon; ang Bicol Regional Teaching and Training
Hospital sa Legazpi, Vicente Sotto Medical Center sa Cebu, at Northern Mindanao
Medical Center sa Cagayan de Oro, na ayon kay Secretary Ike Ona ay may
kakayahan na ngayong magsagawa ng open heart surgery dahil sa mga bagong
pasilidad at kagamitan. [Applause] Nariyan din po ang Davao Regional Hospital
sa Tagum City—ang una nating cancer center sa labas ng Kamaynilaan.
Para
naman po sa paghahanda sa kalamidad: Ang layunin nating magpanday ng mga
mekanismo upang mailayo sa peligro ang Pilipino: natupad na rin po. Nariyan po
ang epektibong serbisyong bunsod ng pagsasanib-puwersa ng Geohazard Mapping and
Assessment Program at Project NOAH naman ng DOST. Nitong nakaraang taon,
natapos na natin ang multihazard mapping ng dalawampu’t walong
pinakapeligrosong lugar sa bansa. Susunod na po rito ang para sa Greater Metro
Manila Area na target nating kumpletuhin pagdating ng 2014. Handa na rin po ang
geohazard maps para sa 496 na lungsod at munisipyo. Ang natitira pong 1,138 na
sasaklaw sa bawat sulok ng bansa ay makukumpleto bago matapos ang 2015. Dagdag
pa po, mas matalas at detalyado na ang mga mapa, kaya mas eksakto na ring
natutukoy ang mga mapanganib na lugar. [Applause]
Buhat
naman ng inilunsad ang Project NOAH noong nakaraang taon, nakapag-deploy na
tayo ng 525 automated water level monitoring stations at automated rain gauges
sa 18 major river basins sa atin pong bansa. Tuloy-tuloy din ang pamamahagi
natin ng mga modernong kagamitan tulad ng Doppler radars, tsunami detectors, at
alerting sirens.
Subalit
hindi po sapat ang basta pagbibigay lang ng makabagong gamit at teknolohiya.
Sinasanay din natin ang mga makakatanggap nito kung paanong intindihin,
gamitin, at palaganapin ang impormasyon. Kapag masama ang panahon, hindi na
lamang bilis ng hangin ang kanilang basehan; alam na rin nila kung gaano
karaming tubig ang bubuhos, at nakakapagbigay sila ng tama at napapanahong
babala sa komunidad upang makapaghanda.
Inaayos
na rin po natin ang problema sa madalas na pagbaha sa Kamaynilaan. Biruin po
ninyo: Noong Ondoy, tinatayang 3,600 cubic meters per second ang tubig na
dumaloy mula sa Sierra Madre. Pero ang kapasidad ng dadaanan nito, nasa
tinatayang 1,000 cubic meters per second lang. Saan naman po pupunta ang
diperensyang 2,600 cubic meters kada segundo? Ito po ang bugso ng tubig na
nagpapaapaw sa mga mababang lugar at nagiging baha.
Di
po ba’t narinig na ng marami sa atin: “Waterways are inalienable.” Ibig
sabihin: Ang daanan ng tubig, para sa tubig lang. Ang problema nga po, kulang
na nga ang dadaanan ng tubig, may mga gusali pang naghahadlang sa mga estero,
at binabarahan pa ito ng basura ng mga tumitira sa paligid. Para po solusyunan
ito, nakikipag-ugnayan tayo sa mga LGU upang maayos na mailipat ang mga
informal settlers. Inihahanda na rin po ng legal team sa pamumuno ni Secretary
Leila de Lima ang mga kaso laban sa nagtayo ng mga gusali na sumara o humaharang
sa mga daanan ng tubig. [Applause]
Hindi
po tayo makukuntento sa sisihan. Ang ating pong aksyon: 6.2 billion pesos para
maiwasan ang pagbaha sa Kamaynilaan. Bahagi nito ang pagtatayo sa Blumentritt
Interceptor Catchment area; 3.3 kilometers po ang haba ng buong proyekto, at
oras na makumpleto, kaya nitong sumalo ng tubig na katumbas ng tinatayang
labing-apat na Olympic-size swimming pool. Kaya kung may bubuhos man pong
tubig, mayroon na itong pupuntahan, at hindi na kailangang nasa ibabaw ng
lansangan. [Applause] Nasimulan na po ang proyektong ito noong Marso; layunin
nating matapos ito sa susunod na taon.
Ginagampanan
po ng gobyerno ang kanyang obligasyon. Tanungin din po sana natin ang ating
sarili: Ano ang inaambag ko sa solusyon? Kung may magtapon sa ilog, sitahin mo
sana; kung may magtayo ng building sa estero, isumbong mo na. Lalo po tayong
malulubog sa problema kung magkikibit-balikat lang po tayo.
Lumisan
man ang bagyo, di naman humuhupa ang pagsisikap nating maibalik sa normal ang
buhay ng mga pamilyang nasalanta ng mga nagdaang kalamidad. Sa pagtutulungan ng
gobyerno at pribadong sektor, nasa 9,377 na kabahayan na po ang naipatayo para
sa mga sinalanta ng bagyong Sendong. May karagdagan pang 4,374 na tahanang
maipapatayo ng gobyerno bago matapos ang susunod na taon. [Applause] Humihingi
po tayo ng pag-unawa kung medyo nagtagal ito, dahil na rin sa masalimuot na
proseso ng land acquisition; katunayan nga po, kung maaayos ang usapin sa iba
pang lupain, may dagdag pang 2,719 na kabahayan ang maipapatayo natin.
Target
naman po nating maipagkaloob ang kabuuang 53,106 na kabahayan para sa mga
kababayan nating sinalanta ng bagyong Pablo. Nasimulan na po natin ang
pamamahagi ng mga bagong bahay nitong Mayo. Tatapusin po natin ang 17,609 na
kabahayan bago matapos ang taon, at oras na makumpleto na rin ang natitira pang
35,447 sa 2014, ang mga pamilyang tinamaan ng dahas ng kalikasan ay
makakasilong na muli sa ilalim ng sariling bubong. [Applause]
Tungkol
din po sa pabahay, para naman sa ating unipormadong hanay: ang 21,800 na
housing unit para sa pulis at kasundaluhan—natupad na, noong isang taon pa. Sa
Phase II naman ng proyekto, naitayo na rin po ang halos 26,050 sa target na
31,200, na makukumpleto na sa susunod na buwan para naman sa Phase II.
Bukod
sa pabahay, may mga programang pangkabuhayan din tayong binubuo para sa ating
mga kawal. Ang ilang libong ektaryang lupain sa tatlong kampo-militar,
partikular na sa Fort Magsaysay sa Nueva Ecija, sa Camp Kibaritan sa Bukidnon,
at sa Camp Peralta sa Capiz, ay paglulunsaran ng dagdag na pagkakakitaan ng mga
sundalo, gaya ng plantasyon ng kawayan, kape, cacao, at palm oil. [Applause]
Kung dati, nakatutok lamang sa tanggulan ang mga kawal, ngayon maski retirado
ay may pagkakataong maging bahagi ng paglago ng ating ekonomiya.
Subalit
hindi dito nagtatapos ang paghahanap ng solusyon sa mga minana nating problema
sa pambansang tanggulan. Isipin po ninyo: noong 1986, mayroon daw tayong
250,000 na pulis at sundalo para sa mahigit 55 million Filipinos. Ngayon po,
mayroon pa rin tayong tinatayang 250,000 na pulis at sundalo, na nagbabantay sa
95 milyong Pilipino. Halos dumoble ang populasyon natin, pero hindi nagbago ang
bilang ng nagbabantay sa atin.
Tiyak
pong may mga nagsasabi na diyan: “Problema ba ito? E di magdagdag kayo ng pulis
at sundalo. Makakalikha pa kayo ng trabaho.” Sana nga po ganyan lang kadali at
kasimple ang solusyon. Tingnan po muna natin: Sa karaniwang pension scheme,
maghuhulog ng kontribusyon ang miyembro at nag-eempleyo. Ito ang puhunang
palalaguin, at dito magmumula ang pensyon sa pagreretiro ng miyembro. Pero ano
po ba ang situwasyon sa pensyon ng AFP at PNP? Walang naghuhulog, pero may
kailangang bayaran. Dagdag pa rito, naka-index sa sahod ng mga aktibong sundalo
at pulis ang pensyon ng retirado. Ibig sabihin, kapag lumaki ang sahod ng nasa
serbisyo, lalaki rin ang pensyon ng mga retirado o ng mga pamilyang tumatanggap
pa nito. Taun-taon, dumarami ang mga nagreretiro, kaya natural, pataas din nang
pataas ang obligasyon. Ang masaklap, pambansang budget ang sumasalo nito: Noong
2012, 54.48 billion pesos ang inilaan para sa pensyon ng sundalo at kapulisan.
Ngayong taon, 61.29 billion, at aabot po ito sa 80.64 billion sa 2016. Lolobo
pa ito nang lolobo, kaya’t liliit naman nang liliit ang pondo para sa iba pang
serbisyong panlipunan. Paano naman po tayo magdadagdag pa ng pulis at sundalo
kung ganito ang konteksto?
Kailangan
ng sistemang tutugon sa obligasyon ng lipunan sa ating mga sundalo’t kapulisan;
malamang po, GSIS ang hihilingan natin ng tulong para rito. Pinag-aaralan na
rin po ang posibilidad na gamitin ang mga reclaimed area para makakalap ng
pondong ipapasok sa papandaying solusyon. Hindi rin naman po natin puwedeng
biglain ang pagtugon sa kabuuan ng ating mga pangangailangan, kaya’t mas
masinsin pang pagsusuri ang gagawin natin upang makalikha ng isang patas,
pangmatagalan, at malinaw na mekanismo para sa mga pensyon ng mga pulis at
sundalo. Nananawagan po ako sa Kongreso: Pag-aralan po nating muli ang PD 1638
at RA 8551 upang maiangkop sa panahon at sa pambansang pangangailangan ang
pensyon at benepisyo ng ating pulis at kasundaluhan. [Applause]
Kaparehong
paninindigan rin po ang nakikita nating solusyon sa nakaambang problema sa
pensyon sa SSS. Isipin po ninyo: mula 1980, 21 times nang nagkaroon ng
across-the-board pension increase—ulitin ko lang po yun, 21 times—pero ang
masaklap po, dalawang beses pa lang pong tumaas ang contribution rate. Ang
resulta: Tinatayang 1.1 trillion pesos na ang unfunded liability ng SSS base sa
pag-aaral na isinagawa nitong 2011. Inaasahang tataas ito ng 8 porsyento kada
taon, at mauubos ang pondo 28 years from now. Kapag nangyari ito, walang ibang
malulugi kundi ang susunod na salinlahi ng Pilipino.
Naniniwala
po tayong panahon na para amyendahan ang SSS Pension Scheme. Kailangan nating
tambalan ng inisyatibang mag-impok nang sapat ang pagluluwal natin ng pera.
Kung magdadagdag lamang tayo ng 0.6 percent sa contribution rate, 141 billion
pesos na agad ang maibabawas sa unfunded liability ng SSS. Kung ngayon na tayo
magsisimulang mamuhunan sa kinabukasan, wala nang problemang ipapamana sa mga
susunod sa atin. [Applause]
Sa
kapulisan naman po, ang layunin nating magbigay ng lakas upang magampanan nila
ang kanilang tungkulin: natupad rin natin. Simula ngayong 2013, 30,000 sa mga
pulis ang babalik sa pagpupulis, dahil kukuha tayo ng mga civilian personnel
para gawin ang mga tungkuling administratibo. Sayang naman po ang kakayahan at
abilidad ng ating mga kawal at pulis kung ikukulong lamang natin sila sa apat
na sulok ng opisina.
Sa
pagpasok rin po ng buwang ito, inumpisahan nang ipamahagi ang mga bagong unit
ng 9mm Glock 17 pistols sa ating mga pulis. Simula pa lang po ito; kasado na
rin ang pamamahagi ng kabuuang 74,879 na baril sa ating mga alagad ng batas,
tungo sa katuparan ng mithiin nating one-is-to-one police-to-pistol ratio.
[Applause]
Sulit
na sulit naman po ang pamumuhunan nating ito sa pambansang kapulisan, lalo pa’t
nagbubunsod ito sa maayos at maaasahang serbisyo. Di po ba’t tuwing eleksyon,
nasanay na tayo sa kaliwa’t kanang insidente ng karahasan? Tinugunan po natin
ito tulad ng Oplan Katok. Ang pakay ng programa: hanapin ang mga baril na paso
na ang lisensya, at tiyakin na ang mga baril na mayroon namang lisensya ay
hawak pa rin ng otorisadong mamamayan. Para gawin ito, 491,929 na pintuan ang
kinatok ng ating mga pulis para sa renewal ng mga lisensya. Nakatulong po ito
upang maging mas epektibo ang kampanya natin para sa Secure and Fair Elections,
kung saan ang 112 private armed groups noong eleksyon ng 2010 ay napababa na
lang sa 41. Katumbas po ito ng 63 percent na pagbaba. [Applause] Mula rin sa
189 na insidente ng karahasan noong eleksyon ng 2010, 77 na insidente lamang
ang kompirmadong naganap nitong huling halalan. [Applause]
Gawin
po nating halimbawa ang ARMM. Ang sabi nga po ni Governor Mujiv Hataman, sa
tanang-buhay niya, hindi siya makaalala ng pagkakataon kung kailan walang
failure of elections sa Lanao del Sur. Alalahanin po natin, ito ang unang beses
na magkasabay ang pambansa at rehiyonal na halalan sa ARMM. Ang ibig pong
sabihin, noon ay nakatutok ang buong pwersa ng estado sa iisang rehiyon, pero
may failure of elections pa rin. Ngayong 2013, dahil buong bansa ang kinailangang
tutukan, at lumawak ang kanilang responsibilidad, may mga nag-akalang lulubha
pa ang situwasyon sa halalan ng ARMM. Pero kita naman po ang laki ng ikinaganda
nito: Naging malinis at tapat ang halalan sa ARMM; natuloy ang bilangan,
natuloy ang proklamasyon ng mga may bagong mandato mula sa taumbayan. Dahil sa
sipag ng ating mga pulis at kawal, at gayundin sa pakikiisa ng sambayanan,
talaga naman pong ang eleksyon 2013 ay naging mas payapa at tahimik. [applause]
Gayumpaman,
may mga insidenteng nagmamantsa pa rin sa dangal ng ating kapulisan. Nabalitaan
na naman siguro natin ang nangyari sa mga miyembro ng Ozamiz Gang na sina Ricky
Cadavero at Wilfredo Panogalinga: nahuli na, pero napatay pa. Tulad ng ginawa
nating imbestigasyon sa nangyari sa Atimonan, sisiguruhin nating mananagot ang
sinumang pulis o kung sino mang sangkot dito—gaano man kataas ang kanilang
ranggo. Kung sino man ang mga pasimuno dito: maghanda lang kayo. Malapit ko na
kayong makilalang lahat. [Applause]
Sa
kabila ng ganitong mga kuwento, buhay na buhay po ang aking pag-asa sa hanay ng
kapulisan. Hindi sila nagkukulang sa mabubuting halimbawa tulad ni PO3 Edlyn
Arbo, na buong tapang na hinarap at tinugis ang isang holdaper sa nasakyan
niyang jeep, [applause] off-duty man at walang dalang baril. Nariyan po siya at
sinagupa yung holdaper na nagkamaling siya ang pag-tripan. Nariyan din po si
PO3 Felipe Moncatar na umani ng samu’t saring papuri dahil sa haba ng listahan
[applause] ng mga kriminal na kanyang nahuli, at ang balita ko ay may nahuli ka
na namang batikang carnaper sa Bacolod—talagang napakahusay mo. Ang ilan po
dito sa kanyang mga nahuli kabilang sa pinaka-pinaghahanap na personalidad sa
Bacolod at miyembro ng mga malalaking sindikato. Baka narinig na rin po ninyo
ang kwento ni PO2 Dondon Sultan. May nasiraan ng kotse sa kahabaan ng Quezon
Boulevard; tigil naman si Ginoong Sultan para tumulong. Hindi lang po siya
nagpalit ng gulong; inihatid pa niya sa kasa ang nasiraan. [Applause] Bilang
pasasalamat sa kanyang serbisyo, sinubok abutan ng 1,000 piso si PO2 Sultan.
Tinanggihan niya ito. Ang kanyang sagot: “Trabaho naming tumulong sa
mamamayan.” [Applause] Saludo po kami sa mga tulad ninyong lingkod-bayan.
Patunay kayong hindi pa endangered species ang tapat at mahuhusay na pulis. Inatasan
ko na sina Kalihim Mar Roxas ng DILG, pati na rin si Kalihim Voltaire Gazmin ng
DND, upang siguruhing ang mga katulad ninyo sa ating unipormadong hanay ay
makakatanggap ng kaukulang pabuya at karangalan. Salamat pong muli. [Applause]
Idaragdag
ko na rin po ang ating disaster relief workers mula sa maraming sangay ng
gobyerno, pati na ang volunteers galing sa pribadong sektor. Alam ko pong hindi
madaling lumusong sa baha, magbungkal ng putik, at humarap sa mukha ng pinsala.
Hindi po ako magsasawang kilalanin ang inambag ninyo sa lipunan; saludo po ako
sa pag-aalay ninyo ng sarili upang bawasan ang pagdurusa ng ating mga
kababayan. [Applause]
Abot-kamay
na rin po ang kapayapaan sa rehiyong matagal nang pinupunit ng hidwaan. Nitong
Oktubre po ng nakaraang taon, nilagdaan ang Framework Agreement on the
Bangsamoro. Katunayan nga po, siyam na araw pa lang ang nakakalipas mula nang
lagdaan ang ikalawang annex ng kasunduan. Kumpiyansa po tayong masusundan pa
ito ng mas magandang balita sa lalong madaling panahon.
Tiyak
kong mulat ang lahat: Hindi biro ang proseso ng pagbubuo ng consensus; mabuti
na lamang talaga at handang makinig, magbigayan, at magkita sa gitna ang
magkabilang panig. Alam naman natin ang maaaring maging resulta kung
magpapadaan tayo sa inip. Ang malinaw po sa akin: Ang mga salitang ating
bibitawan ay dapat magbunga ng mga kilos na positibong makakaapekto sa lahat.
Ang bawat linya sa binubuo nating kasunduan ay dapat maaaring itaga sa bato, at
hindi ililista lamang sa tubig upang anurin na naman ng kasaysayan. [Applause]
Pinalaki po ako ng aking ama nang may isang salita, kaya’t sinasabi ko sa mga
kapatid nating kasapi ng Bangsamoro: Anumang mapagkasunduan natin ay ipatutupad
ng pambansang gobyerno. [Applause]
Kailangan
po ng tiwala sa usapan ng kapayapaan. Hindi automatic ang magkaroon ng tiwala,
dahil na rin sa haba ng pinagdaanan. At ngayon, talagang dama na natin na
gustong makipagkasundo ng magkabilang panig, at tayo naman ay nagpapakita na
dapat talaga tayong pagkatiwalaan. At sa mga pumipigil sa pagkakaroon ng tiwala
at naghahasik ng pagdududa: Masasabi mo bang Pilipino kang may malasakit sa
kapwa mong Pilipino?
Umaasa
po ako sa pakikiambag ng bawat Pilipino sa layunin natin para sa Bangsamoro.
Ipakita po natin sa kanilang hindi sila nagkamali sa pagpili sa direksyon ng
kapayapaan; ipamalas natin ang lakas ng buong bansa upang iangat ang mga
probinsya sa Muslim Mindanao, na kabilang sa mga pinakamaralita nating mga
lalawigan. [Applause] Tagumpay ng lahat ang ating hangarin; hindi tayo papayag
na may kababayan tayong mapapag-iwanan habang may ibang nakakalamang.
Nananawagan ako sa ating Kongreso: Nabuo na po ang Transition Commission na
gagawa ng panukalang Bangsamoro Basic Law. Tatapusin ito alinsunod sa mga
prinsipyo ng komprehensibong kasunduan para sa kapayapaan; maipasa po sana
ninyo ito bago matapos ang 2014. [Applause] Sa gayong paraan, may sapat tayong
panahon para makapaghanda sa paghalal ng bagong pamahalaang Bangsamoro sa 2016.
Anuman
pong pagbabagong tinatamasa natin ngayon ay naabot dahil hindi tayo
nakuntentong sumunod lamang sa dinatnang status quo ng pamamahala. Matanong ko
nga po: Ilan po ba sa inyo ang nakagamit ng tinatawag na Telepono sa Barangay?
Hindi po ako magtataka kung wala. Isipin po ninyo, ayon sa DOTC: Mahigit 5
billion pesos ang ginastos para sa isang programang magdadala ng telepono sa
mga kanayunan. Di po ba’t sayang lang ito, dahil sa loob ng maikling panahon
matapos ang implementasyon, dahil hindi pa nga po tunay na tapos ang
implementasyon niyan, dumami nang dumami ang may cellphone na Pilipino? Sino
nga ba naman ang papansin sa mahigit 6,000 landline na ikinabit o ipinakabit
nila, gayong may 100 milyon nang cellphone sa Pilipinas?
Heto
pa po ang isang halimbawa ng pag-iisip sa gobyerno na kinailangan nating
baguhin: Bumilitayo tayo ng walong combat utility helicopter, para daw sa
mabilisang pagbiyahe ng ating mga sundalo. Ang problema: Sukat ba naman pong
naka-mount ang baril sa may pintuan, at kailangang tanggalin kung may dadaan.
Kung lalapag ka habang nagbabakbakan, ano ang silbi ng machine gun na nakatabi
at hindi mapaputok? Wala bang nakaisip nito bago nagkapirmahan ng kontrata? Bakit
naman po pinayagang mangyari ito?
Kailangan
pong maging mas mahusay tayong mamimili. Hindi puwedeng palagi tayong
nakasalalay sa sales talk ng mga supplier sa pagpili ng mga kagamitan natin.
Inatasan natin ang DOST na bumuo ng grupo ng mga ekspertong hindi kayang
bolahin ng mga supplier, lalo na po pagdating sa mga big-ticket items. Ang
patakaran natin: Tamang pagkilala sa ugat ng problema; tamang pag-aaral na
tutukoy sa tamang solusyon, na maaabot naman sa pamamagitan ng tamang
metodolohiya. [Applause]
Iyan
po ang kaisipang pinagmulan ng ating tugon sa isyu ng mga informal settler sa
Kamaynilaan. Kaya nga po, ang layunin nating ilayo sa panganib ang mga
nagsisiksikan sa peligrosong bahagi ng lungsod: tinutupad na rin natin. Wala
naman po sigurong kokontra kapag sinabi nating hindi tama ang kasalukuyan
nilang kondisyon. Ayon po sa Article 2, Section 5, o ang general welfare clause
ng ating Saligang Batas: “Dapat sundin ng Estado ang pagpapanatili ng
kapayapaan at kaayusan, ang pangangalaga sa buhay, kalayaan at ari-arian, at
ang pagtataguyod sa kagalingang panlahat upang matamasa ng buong sambayanan ang
mga biyaya ng demokrasya.”
Dito
po natin napatunayan: Nakikinig sa katuwiran ang Pilipino; kapag ipinakita mong
malasakit ang iyong batayang prinsipyo, handa tayong makiisa. Bago po magbaklas
ng mga bubong at magtibag ng mga pader, ipinaliwanag natin ang katuwiran ng
ating desisyon: Maayos ang lilipatan, malapit sa sakayan, at kung magsisikap
kayo, hindi magkukulang ang inyong pagkakakitaan. Nilinaw din po natin: Layunin
nating magbigay-lingap sa mga nasa peligro—hindi sa sindikato. Batid nating sa
tuwing inaabuso ng ilan ang pagmamalasakit ng estado, ipinapain rin nila sa
alanganin ang buhay at kabuhayan ng napakaraming Pilipino.
Matapos
nga pong maibiyahe ang isang pangkat sa relocation site, sila mismo ang
nanghikayat sa mga dati nilang kapitbahay: Sumama na kayo. Mas ligtas dito.
Ngayong taon po, prayoridad nating ilipat ang mahigit 19,400 pamilyang
nagsisiksikan sa mga pangunahing daluyan ng tubig sa Metro Manila. Sa
pagkakapit-bisig ng DILG, NHA, DSWD, MMDA, at DPWH, lumilinaw na po ang sagot
sa suliraning ito.
Isa
pa pong halimbawa ng transpormasyon sa pamamahala: Di ba’t matagal ding
nabinbin sa Kongreso ang mahahalagang batas? Nito pong nakaraang taon,
naisabatas na, sa wakas, ang Sin Tax Reform Law at ang Responsible Parenthood
Law. [Applause] Nagpapasalamat tayo sa mga naging kasangga natin sa pagsusulong
nito sa Kamara at Senado. Hindi ninyo inalintana ang mahabang proseso ng debate
at konsultasyon; hindi kayo nagpadaig sa mga naghasik ng pagdududa upang
harangin ang ating mabuting agenda. Tinitimbang ninyo kung ano ang
kapaki-pakinabang sa mas nakakarami, at isinusulong ang tunay na serbisyo para
sa Pilipino. [Applause]
Ilalapit
ko na rin po sa ating Kongreso ang ilang batas na makakatulong sa pagpapatuloy
ng nasimulan nating pagbabago. Maamyendahan na po sana ang Cabotage Law, upang
mas mapalakas ang kumpetisyon, at mapababa ang gastos sa transportasyon
[applause] ng ating mga sakahan at industriya. Maisulong na rin po sana ang
Fiscal Incentives Rationalization Bill, upang maging mas tapat, malinaw, at may
pananagutan ang mga insentibong ibinigay natin sa mga negosyante. [Applause]
Paglaanan din po sana ng panahon ang Land Administration Reform Bill, upang
maitimon sa iisang direksyon ang mga kawanihang nakatutok sa ating mga lupain,
at nang sa gayon ay masigurong masinop at epektibo nilang magagawa ang kanilang
trabaho. [Applause]
Bukas
na bukas din po, ihahain natin ang panukalang 2.268 trillion pesos na national
budget sa Kongreso. Kumpiyansa po ako sa suporta at pakikibalikat ninyo upang
mapatibay ang pondong ito na talaga naman pong masusing pinag-isipan.
Makakatulong ito hindi lang para ituloy ang agenda ng positibong pagbabago,
kundi upang mapaspas pa ang pag-arangkada natin tungo sa malawakang kaunlaran.
May
ilan pong nagsasabi na kailangang patibayin ang Sandatahang Lakas. Sang-ayon po
ako dito. Pero tila ba ang gusto nila ay ilagak ang bawat sentimo ng kabang
bayan para sa fighter jets, tangke de guerra, at iba pang gamit pandigma. Hindi
yata nila alam na ang isang fighter jet na nagkakahalaga ng 1.58 bilyong piso,
ay katumbas ng 6,580 na bahay para sa mga pulis at sundalo, o halos 2,000 na
silid-aralan para sa mga kabataan. At ano naman ang magagawa ng isang pirasong
jet? Para maging epektibo, ang kailangan, mga squadron—at ang isa nito ay
binubuo ng dalawampu’t apat na fighter jets. Sa halagang 1.58 billion pesos
kada piraso, 37.92 billion pesos ang huhugutin sa kabang bayan para makabuo ng
isang squadron. Paano naman ang missiles pati na rin ang practice missiles?
Hindi rin po libre ang jet fuel, radar system, ground bases, at ground
intercept controls. Hindi po talaga biro ang gastos para sa isang minimum
credible defense posture; gagayahin pa ba natin ang iba, na handang kalimutan
ang lahat para lang makuha ang nuclear option? Wala naman sigurong sasang-ayon
dito. Babalansehin po natin ang ating mga pangangailangan. Aasikasuhin natin
nang husto ang mga dapat tugunan sa ating lipunan, habang patuloy tayong
nagiging mabuti at mahinahong kasapi ng pandaigdigang komunidad.
Alam
naman natin dati, ang batayan ng desisyon, puro pulitika. Gagawin ang lahat
para kumapit sa kapangyarihan, kapalit ang pagdurusa ng kasalukuyan at susunod
na henerasyon ng Pilipino. Tingnan po natin kung ano ang kinahantungan ng
pag-ipit sa pagtataas ng pasahe sa LRT at MRT. Ang tinatayang gastos sa bawat
biyahe ng pasahero ng LRT, 40 piso. Ang bayad ng pasahero, 15 piso. Ibig
sabihin, sagot ng pamahalaan ang natitirang 25 piso. Sa MRT po, 60 piso ang
totoong gastos: 15 piso sa pasahero, 45 piso sa gobyerno—sa huli, bawat
Pilipino, abunado. Nasa Mindanao ka o Visayas ka man, na ni minsan ay hindi
nakatuntong sa LRT o MRT, kasama ka sa pumapasan nito.
Ang
masaklap pa nga po: Dahil ipinamigay na ng nakaraang mga pinuno ang commercial
development rights natin dito, bawat pisong maaaring makalap mula sa mga poster
at billboard na nakapaskil sa stasyon o sa tren man, napupunta sa pribadong
kumpanya kaysa sa gobyerno. Ang puwede sanang pagkunan ng pantustos sa
maintenance at operasyon, nawala pa.
Siguro
naman po, makatuwirang ilapit man lang natin sa ibinabayad sa aircon bus ang
pasahe ng LRT at MRT, upang maituon ang subsidiya sa iba pang serbisyong
panlipunan.
Nakita
naman po ninyo: wala tayong balak magpamana ng problema sa susunod sa atin. Ang
totoo nga po, ang mga proyektong dati’y nilulumot lang, ngayon,
napapakinabangan na ng mamamayan. Tingnan na lang natin ang Ternate-Nasugbu
Road. Kung tutuusin, anim na kilometro lang ang haba ng kalsadang ito na
nagkokonekta sa Cavite, Batangas, at Metro Manila, pero ‘yang anim na
kilometrong iyan, inabot pa ng halos dalawampung taon bago ito matapos.
Binuksan na natin ang isang bahagi nito, at pag nakumpleto ang natitirang slope
protection, ganap na ang magiging pakinabang ng kalsada sa mga motorista.
Nariyan
din po ang Aluling Bridge sa Ilocos Sur. Taong 1978 pa po inilatag sa papel ang
pagpapatayo nito. Siniguro na nating hindi lamang din papel ang mamanahin ng
susunod sa atin: Nitong Marso, sa wakas, natapos na ito at sinimulan na rin
natin noong nakaraang buwan ang operasyon ng Laguindingan Airport, na isang
henerasyon naman ang pagitan mula nang inisip at isakatuparan. [Applause]
Ilang
dekada ring naghintay ang industriya ng semiconductors na magkaroon ng
laboratoryong kayang makipagsabayan sa pasilidad ng ibang bansa. Hindi na po
natin pinahaba ang kanilang paghihintay. Nitong nakaraang Mayo, sa pangunguna
ng DOST, pinasinayaan natin ang Advanced Device and Materials Testing
Laboratory. Dati, kailangan pang ipadala ang mga produkto sa ibang bansa para
suriin. Hindi natin nasasagad ang kita; hindi rin nasasagad ang potensyal ng
industriya na manghikayat ng puhunan. Dahil po sa pasilidad na ito na
tinaguriang ADMATEL, ngayon, dito na susuriin ang mga produkto, at masusulit
ang mga bentahe ng manggagawang Pilipino sa larangan ng electronics. Inaasahan
nga po nating lalo pang lalakas ang industriyang nag-ambag ng halos 44 percent
ng ating exports noong 2012. [Applause]
Sa
tulong naman po ng ating Big Man sa Senado na si Manong Frank Drilon,
[applause] natapos na ang mahigit limampung taon na paghihintay ng mga Ilonggo;
nasimulan na ang Jalaur River Multi-Purpose Project II sa Iloilo. Ano po ba ang
mga pakinabang nito?
Tinataya
pong 24,000 magsasaka sa kalakhang Iloilo ang mahahatiran nito ng buong-taong
irigasyon. Dahil dito, maaaring dumoble ang ani ng mga magsasaka ng palay.
Linawin po natin: Ang sakop nitong 31,840 hectares ng lupaing mapapatubigan,
may dagdag na aning bigas na 146,013 metric tons. Katumbas po ito ng halos
walumpung porsyento ng aangkatin nating buffer stock ng bigas para sa 2013.
[applause]
Bukod
pa po ito sa iba pang benepisyo ng proyekto tulad ng pag-iwas sa malawakang
baha sa Iloilo, at ang dagdag na 6.6 megawatts ng hydropower. May ambag din ito
sa supply ng tubig para sa ilang bahagi ng probinsya, at sa industriya ng
ecotourism doon. Dagdag pa rito, nasa 17,000 trabaho ang malilikha ng proyekto;
oras na maging fully operational naman ito, tinatayang 32,000 Pilipino ang
mabibiyayaan ng sapat na pagkakakitaan. [Applause] Una raw po inisip itong
proyektong ito noong 1960.
Mulat
din po tayong marami sa ating mga kababayan ang nananabik na makita ang mga
bunga ng ating Public Private Partnership projects. Alam din po nating may mga
tila naiinip na sa kahihintay para rito.
Isakonteksto
po natin. Noong 2010, pag-upo natin sa puwesto, 6.5 percent na lang ng
programmable budget ng taon, o 100 billion pesos lamang, ang iniwan sa atin.
Ang 93.5 percent po, inilaan na sa kung saan-saan ng ating sinundan. Kaya
naman, lumapit tayo sa pribadong sektor. Ang sabi natin: kulang kami sa pondo,
halina’t mag-ambagan tayo upang maipatayo ang mga kinakailangang
imprastruktura.
May
balakid din po tayong kinaharap nang magsimula ang PPP. Luma na ang mga
pag-aaral na basehan ng mga proyekto; kulang sa kaalaman ang burukrasya para
ipatupad ito. Idagdag pa natin ang publikong nagsawa nang magtiwala sa mga
kontratang pinapasok ng gobyerno.
Gayumpaman,
sa anuman pong situwasyon, ang ating prinsipyo: Gagawin na lang din natin,
gawin na natin nang tama. Wala tayong balak na pumasok sa kuwestiyonableng
kontrata ngayon, para lang ipamana ang problema sa susunod na administrasyon.
Kailangang dumaan sa tamang proseso ang bawat proyekto, para masigurong ang
perang inyong pinaghihirapan ay napupunta sa dapat nitong kalagyan.
Ngayon
pa lang, nakikita na natin ang epekto ng maayos, tapat, at hayag na paglalatag
sa PPP projects. Dati, may isang paliparan lang na maipagawa, napakalaki nang
balita. Ikumpara po natin ngayon: bukod sa pinapakinabangan na ang paliparan sa
Laguindingan, sabay-sabay din ang proseso ng pagsasaayos at modernisasyon ng
Tacloban Airport, Bicol International Airport, New Bohol Airport, Mactan
Airport, at Puerto Princesa Airport. Ang Daang Hari-SLEX link road ang
pinakamabilis na PPP project na nai-award sa alinmang administrasyon, nang
walang shortcut na dinaanan ang proseso. [Applause] Ang mga ito, at ang napakarami pang ibang
ipinapatayo at ipapatayong imprastruktura, ay manganganak ng isang lipunang
hitik sa oportunidad.
Mahaba
po ang listahan ng mga suliraning minana, at tinutugunan na natin. Halimbawa:
Ang madalas na pag-brownout sa Mindanao. Mula’t sapul pa lang, naglalatag na
tayo ng solusyon para dito, ngunit batid nating ang problemang isang dekadang
binalewala ay hindi masosolusyonan sa isang tulog lang. Sa ngayon, patuloy ang
paggawa natin ng mga hakbang upang tugunan ang mga kakulangan at agarang
pangangailangan. Nariyan po ang pagtulong natin sa electric cooperatives upang
makapagpasok sila ng generator sets ng magpapabawas sa brownout. Magtutuloy-tuloy
ito hanggang makumpleto na ang mga plantang magsu-supply ng kuryente sa
rehiyon.
Pero
hindi po talaga mauubos ang mga kontra. Kesyo tataas daw ang presyo ng kuryente
kapag may gensets dahil diesel ang ginagamit. May hydropower ngayon dahil
tag-ulan, kaya umuugong na naman ang reklamo laban sa mga genset. Pero pagpasok
ng tag-init, tiyak, marami na naman pong magrereklamo sa walong oras na
brownout.
Sa
ibang bahagi naman po ng Pilipinas, gusto nating magtayo ng mga planta. Habang
umuunlad kasi ang ekonomiya, tumataas din ang konsumo natin ng kuryente, at
kailangang dagdagan ang supply nito. Gusto ba nating kapag sinagad na ang mga
pagkukunan, saka lang tayo gagawa ng planta? Ang pagawa po niyan dalawa
hanggang tatlong taon bawat planta. Hindi po kabuteng basta na lang susulpot
ang mga ito.
Kung
maganda ang mungkahi, handa naman po tayong makinig, pero sana naman ay makuha
ng mga miron ang kabuuang konteksto ng situwasyon. Halimbawa po ang planta sa
Redondo, Zambales. Pina-TRO dahil mas maganda raw ang renewable. Sinabi rin po
ba nilang mas mahal itong ipatayo, at mas mahal din ang magiging presyo ng
enerhiya? Sinabi po kaya nilang hindi nito kayang tugunan ang baseload, o ang
kapasidad na kailangang laging nariyan para hindi mag-brownout? Magtatayo ka ng
wind; paano kung walang hangin? Kung solar, paano kung makulimlim? Lilinawin ko
lang po: Naniniwala rin ako sa renewable energy at suportado natin ito, pero
dapat ding may mga baseload plant na sisigurong tuloy-tuloy ang daloy ng
kuryente sa ating mga tahanan at industriya.
Mag-iingay pa rin po kaya ang mga kumokontra, kung busy na sila sa
kapapaypay dahil nag-brownout na? [applause] Ang sa akin lang po: makiambag
sana tayo sa paghahanap ng solusyon.
Tutal
din po, nagtatapatan tayo: Pag-usapan naman natin ang pagsasaayos ng NAIA 3.
Masalimuot po ang usapang ito. Dumaan na ito sa dalawang arbitration; naipanalo
na sana natin pareho, pero binaliktad ang desisyon ng isa dahil sa
technicality. Kaya nga po ngayon, pinaghahandaan ang muling pagdinig nito.
Dagdag na komplikasyon po ang isyu ng warranty sa pagpapatapos ng NAIA 3—hindi
naman puwedeng ‘pag may umusbong na depekto, pasensyahan na lang, dagdag-gastos
pa. Kaya nga po nang ipinaliwanag sa atin na bibigyan tayo ng maayos na
warranty ng orihinal na contractor, pumayag tayo. Pero gusto nating manigurado;
gusto nating kumpletuhin nang tama at buo ang proseso, at hihingin ko po ang
inyong pag-unawa ukol sa isyung ito.
Malinaw
na po ngayon: Iisa ang tuon ng bawat metro kuwadrado ng sementong ibinubuhos
natin bilang pundasyon ng mas maunlad na bansa: Pakinabang sa bawat isa—hindi
politika. Kung dati, gumagawa ng kalsada kung saan lang kursunada, at
nagpapatayo ng tulay kung saan kaibigan ni Madam si Mayor, ngayon, sumusunod na
tayo sa isang pambansang plano. Walang paborito, walang transaksyunalismo,
walang padrino; bawat piso, nakatuon sa ating pagpaspas tungo sa malawakang
pag-unlad.
Ang
maaasahan po natin sa mga susunod na taon: mga paliparan at daungang lalapagan
ng kalakal at turista; mga kalsadang sisigurong husto ang pakinabang ng lahat
sa malalaking proyektong ito; mga power plant na pagmumulan ng sapat na
kuryente at magpapatakbo sa mga industriya. Ito ang magsisilbing balangkas na
magsasanga ng iba pang inisyatibang dadaluyan ng oportunidad para kay Juan at
Juana dela Cruz—mula sa mga magsasakang may sapat nang patubig at mabilis nang
naibebenta ang ani, hanggang sa mga construction worker na nagtitindig ng mga
bagong gusali; mula sa patuloy na pag-usbong ng mga call center, hanggang sa
pagdami ng mga negosyanteng handang magpasok ng kapital sa bansa. Nagsulong
tayo ng mga tamang proyekto sa tamang halaga; ginawa natin ito nang may tamang
kalidad; at natapos o matatapos ito sa tamang panahon, dahil tama at
karapat-dapat ang mga taong nagpapatupad nito.
Pag-usapan
po natin ang trapiko: Di po ba’t tinatayang 2.4 billion pesos ang nawawala sa
ating ekonomiya kada araw, dahil sa buhol-buhol na trapik sa Kamaynilaan?
Kabilang sa mga proyekto nating pihadong magpapaluwag dito ay ang Integrated
Transport System. Ang mga bus na nagsisiksik sa mga kalsadang punung-puno na
nga, ginagawan natin ng terminal sa mga lugar na hindi kasing-sikip.
Napapakinabangan na nga po ang terminal sa Parañaque, at nakapila na rin ang sa
Quezon City at Muntinlupa. Ang pamprobinsyang bus ay hanggang dito nalang sa
mga terminal na ito ng wala nang makipagsiksikan sa EDSA.
At
nariyan din po ang dalawang connector road na magdurugtong sa North at South
Luzon Expressway. Ang totoo nga po, dekada sitenta pa lang, plano nang ipatayo
ang tinawag nilang Metro Manila Highway. Ito sana ang magkokonekta sa dalawang
expressway, upang hindi na kailangang bunuin ang ilang oras na biyaheng
babagtas pa sa kahabaan ng EDSA. Ang problema po: Nag-atas si Ginoong Marcos ng
mga batas na pabor sa kanyang crony. Nakatali tayo sa pagsunod sa mga batas na
ito: Sino mang magpatayo ng imprastruktura sa lugar na iyon, dapat kasosyo ang
korporasyon ng kanyang kaibigan. Masaklap po: nae-extend ng 30 taon ang kanilang
prangkisa sa tuwing magkakabit sila ng kahit isang dipa lang ng kalsada sa
orihinal. Dagdagan pa po natin: nang kumita ang kumpanya, hindi nakumpleto ang
pagpapalawig o pagpapaunlad sa mga imprastraktura’t daan. Tandaan po niyo na
dapat umabot sa Carmen, Rosales sa Pangasinan at Lucena sa Quezon ang mga
kalsadang nabanggit at yung Metro Manila Highway o Expressway, hanggang ngayon
wala pa. Nang nalugi naman, nakuha pang
ipasa sa gobyerno ang utang. Ilalapit ko na po ito sa ating Kongreso: silipin
po nating muli ang Presidential Decrees 1113 at 1894.
Sa
kabila nito, tuloy po ang mga proyekto natin. Mayroon tayong walong kilometrong
four-lane elevated expressway na kokonekta sa C3 Road sa Caloocan patawid ng
España, hanggang sa PUP sa Sta. Mesa. Mayroon ding mahigit labing-apat na
kilometrong six-lane elevated tollway na babagtas mula Balintawak, hanggang
Buendia, sa Makati. Ang Common Alignment naman po ng dalawang kalsadang ito,
lima’t kalahating kilometrong six-lane elevated expressway mula PUP sa Sta.
Mesa, patawid sa kalagitnaan ng Osmeña at Quirino Avenue, hanggang Buendia sa
Makati. Oras na mabuksan ang kalsada, ang biyaheng SLEX hanggang NLEX na dati’y
inaabot ng dalawang oras, kaya nang takbuhin ng labinlimang minuto. Ang Clark
naman hanggang Calamba na pumapalo noon sa tatlong oras, halos mangangalahati
at magiging isang oras at apatnapung minuto. [Applause] Kada araw, tinatayang
limampu’t limang libong motorista ang makikinabang sa mga ito. Tipid sa oras,
tipid sa gas, menos sa polusyon, lalago pa ang komersiyo’t turismo. Talaga
namang win-win situation, di po ba?
Sa
loob nga po ng tatlong taon, pinatunayan nating ang mga ahensyang dati’y pugad
ng kurapsyon ay maaaring maging ehemplo ng tapat at epektibong paglilingkod.
Ilan po sa mga simple ngunit epektibong pagbabagong isinagawa ni Secretary
Singson sa DPWH: Wala nang letter of intent, na ginagamit ng mga bidder para
magkuntsabahan; pinasimple ang proseso ng bidding, kaya mas marami nang
nagkukumpitensya para sa proyekto, at mas sulit na ang presyong nakukuha ng
gobyerno. Nasa oras na ring magbayad ang gobyerno, kaya mas naeengganyo ang
mahuhusay na contractor na makiambag sa pagtatayo ng pambansang imprastruktura.
Dahil sa tapat na pamamahala, 18.4 billion pesos na ang natitipid ng DPWH, na inilalaan
para sa iba pang makabuluhang proyekto. [Applause]
Bilang
halimbawa ng resulta ng mabuting pamamahala, tingnan natin ang Tagumbao Bridge
sa Gerona, Tarlac. Sa totoo lang, congressman pa lang po ako, iminungkahi ko na
ito. May mga nasasakupan kasi tayong kailangan pang umikot ng dalawang bayan
para tawirin ang umaapaw na ilog tuwing tag-ulan. Sabi ko nga po sa mga dating
administrasyon: Sa inyo na ang buong PDAF ko, magawa lang ito. Kung puwede sana
installment plan. Pero wala pong nangyari. Lumawak lang ang idurugtong ng tulay
dahil sa nababakbak na pampang.
Kasalukuyan
na po nating ginagawa ang Tagumbao Bridge. At heto po ang kuwento ngayong tayo
na ang nagpapatupad nito: Nasa 334 million pesos ang aprubadong pondo; pero
dahil sa tamang pangangasiwa’t tapat na paggugol, naibaba ito sa 226 million
pesos. [Applause] Suma-tutal, nakatipid tayo ng mahigit 108 million pesos nang
hindi isinasakripisyo ang kalidad ng ipinapagawang tulay. At lalong maganda pa
nga po, ang natipid na pondong ito ay magagamit sa pagpapagawa ng dike at river
training works para sa Phase II ng proyekto.
Dumako
naman po tayo sa turismo. Ayon sa banyagang pahayagang Oriental Morning Post,
the “Best Tourist Destination of 2012” tayo.
Parang na-inlove ang Shanghai Morning Post sa ating bansa, nang
binansagan nila tayong “Most Romantic Destination of 2012.” [Applause]
Hopefully they will love us more. [applause] Sabi naman ng Scuba Diving
Magazine, “Best Diving Destination” ang Pilipinas. [Applause] “Best Island”
naman daw ang Palawan, kung tatanungin ang Travel + Leisure Magazine. Kulang na
nga lang po ay tawagin na tayong paraiso. [Applause]
Hindi
na po nakakapagtakang sa mauugong na papuring tulad nito, naitala natin noong
2012 ang 4.3 million tourist arrivals sa ating bansa—isang panibagong record
high. 21.4 percent na po ang inilalago ng numerong ito mula nang pumasok tayo
noong 2010, kung kailan nasa tinatayang 3.1 million na turista pa lang ang
bumibisita sa atin. Pagdating naman sa ating domestic travelers, ang target
natin dati para sa taong 2016 ay 35.5 million tourists. Pero nitong 2011 pa
lamang po, nalampasan na natin ito sa 37.5 million domestic tourists.
[Applause] Ngayon, sa momentum nating ito, tiwala tayong maaabot ang bagong
target na 56.1 million bago matapos ang 2016. [Applause]
Ang
mas malakas na sektor ng turismo, manganganak ng mas maraming trabaho. Tinataya
ng DOT na nakapag-ambag ang turismo ng 3.8 million na trabaho noong 2011. Ang
totoo nga po, hindi lang mga lugar na may magagandang tanawin ang nakikinabang
sa pagdayo ng turista, kundi pati ang mga karatig-bayang maituturing na tourism
support communities: Ang mga lugar na pinanggagalingan ng pagkaing inihahanda
sa mga resort, ng mga souvenir na ibinebenta, at ng iba pang mga produkto’t
serbisyong nagsisilbing bukal ng kaunlaran para sa mga lalawigan.
Malamang,
narinig na rin po ninyo ang mga good news na lumapag kamakailan sa bansa. Noong
Marso, inalis po ng International Civil Aviation Organization ang significant
safety concerns na ipinataw sa Pilipinas. Bunga po ito ng mga reporma sa
aviation industry upang siguruhing pasok sa pandaigdigang pamantayan ang
aviation safety sa Pilipinas. [applause] Dahil po dito, sa wakas, noon lamang
ika-10 ng Hulyo, muli nang pinahintulutan ng European Union ang direktang paglipad
ng ating flag carrier sa Europa. [Applause]
Isipin
po ninyo, paano kaya kung dati pa inayos at pinalakas ang ating aviation
industry? Di po ba’t sayang ang pagbisita ng mga turistang nawalan ng ganang
dumalaw sa Pilipinas dahil dito? Naglahong trabaho, pondo, at oportunidad—ito
ang resulta ng lumang sistema ng pamamahala.
Kaya
naman, simula’t sapul, nilabanan na natin ang katiwalian sa lahat ng antas ng
pamahalaan at isinulong ang transpormasyon sa ating mga institusyon. Ang
resulta: tunay na serbisyong pampubliko.
Tingnan
na lang po natin ang lalim ng transpormasyong nangyari sa mga GOCC. Ang dating
mga kumpanya ng bayang inaambagan mo pa dahil sa pagkalugi, naghahatid na ng
dibidendo ngayon. Gamitin po nating halimbawa ang Philippine Reclamation
Authority. Sa loob ng labintatlong taon bago tayo dumating, ang suma-total ng
dibidendo ng PRA: 676.82 million pesos. Sa tuwid na daan, para sa 2012 lamang,
ang dibidendo nila: isang bilyong piso. Napakalaking transpormasyon, di po ba?
[Applause]
Mabuting
halimbawa rin ang Local Water Utilities Administration. Noong 2011, ang
recorded net loss ng naturang GOCC: 950 million pesos. Pero dahil sa maayos na
pangangasiwa, di lang nila nagawang balansehin ang kanilang mga libro; ayon sa
kanilang report, umabot ang kanilang kabuuang kita sa 870 million pesos noong
2012. [Applause] Dahil dito, nagawa nilang makapag-remit ng 365 million pesos
sa pamahalaan para sa taong iyon.
Isa
pa pong halimbawa: Sa una kong SONA, isiniwalat natin ang kuwestyunableng
kalakaran sa MWSS: patung-patong na bonus at allowance ang ibinigay sa sarili,
sa kabila ng kapalpakan nilang tugunan ang pangangailangan ng ating mga
kababayan. Ang ahensya na nga po ang nag-ulat: Umabot sa 34 million pesos ang
pagkalugi ng MWSS noong 2010. Hindi ito katanggap-tanggap. Kaya noong 2011,
pinirmahan natin ang GOCC Governance Act, na nagsisilbing saligan ng katapatan,
kredibilidad, at pananagutan sa pamamalakad ng ating mga GOCC. Ang ibinunga
nito: Noong 2011, 333 million pesos ang kinita ng MWSS mula sa pagkalugi ng 34
million pesos. [Applause] Noong 2012 naman po, ang kinita nila: halos dalawang
bilyong piso. Kakambal nito, lumago rin ang kanilang dibidendo: [applause] mula
sa 150 million pesos noong 2011, umakyat ito sa 345 million pesos para sa 2012.
Nakakalungkot nga po, na kung ano ang lalim ng pagbabagong itinanim ng mga
pinuno ng MWSS, iyon din naman ang dumi ng putik na ibinabato sa kanila ng mga
gusto pa ring kumapit sa lumang sistema.
Kaakibat
ng pagtaas ng kumpiyansa sa ating mabuting pamamahala, ang patuloy na pag-angat
ng ating ekonomiya. Ang resulta: Dalawang magkasunod na ten-place jump sa
Global Competitiveness Index ng World Economic Forum. Sa unang pagkakataon,
nakuha natin ang investment grade status mula sa dalawa sa tatlong pinakatanyag
na credit ratings agencies sa mundo, at hindi malayong sumunod ang ikatlo.
[Applause] Napanatili ang stabilidad ng presyo ng mga bilihin, at patuloy din
ang pagbaba ng bahagi sa ating budget na pambayad-utang, at ang paglaki naman
ng pondong nailalaan sa mga serbisyong panlipunan. Sa panahong matamlay ang
pandaigdigang ekonomiya, nagpamalas tayo ng kahanga-hangang 6.8 percent GDP
growth noong 2012. Nahigitan pa natin itong first quarter ng 2013, kung kailan
naitala ang paglagong 7.8 percent—pinakamataas na recorded GDP sa Timog-Silangan,
[applause] pati na sa Silangang Asya. Special mention po dapat ang 28.5 percent
na ambag ng manufacturing sa inilaki ng ating ekonomiya. Inaasahan po nating
aarangkada pa ang manufacturing sa mga darating na panahon.
Tinagurian
na po tayo ngayon bilang “rising tiger,” ayon sa World Bank; “brightest spark,”
ayon sa pahayag ng Institute of Chartered Accountants in England and Wales, at
iba pang mga bansag na tumutukoy sa transpormasyong nangyayari sa ating bansa.
Mula sa matuwid na paggugol ng pondo, hanggang sa epektibong koleksyon ng
buwis; mula sa pagpapaunlad ng imprastruktura hanggang sa maaliwalas nang
pagnenegosyo na lumilikha ng trabaho, talaga namang malinaw ang pahayag natin
sa mundo: kaya nang makipagsabayan ng Pilipinas sa agos ng kaunlaran.
Hindi
lang po sa ekonomiya o stadistika nakikita ang transpormasyon ng ating lipunan.
Ngayon, alam na ng Pilipino: Mayaman ka man o mahirap, may kakilala sa poder o
wala, kapag gumawa ka ng mali, mananagot ka. Tunay nang nakapiring ang
katarungan. Hindi mababali ang atas ng ating mga Boss: Panagutin ang tiwali, at
itama ang mali sa sistemang kaytagal nagpahirap sa ating bayan.
Pinapanagot
na po natin ang dating namumuno ng TESDA dahil sangkot siya sa katakut-takot na
tongpats sa ahensya. Halimbawa: Ang isang incubator jar, nagkakahalaga ng 149
pesos. Pero kay Ginoong Syjuco ayon sa mga datos 15,375 pesos. Ang normal na
presyo ng dough cutter, 120 pesos. Ang presyo kay Ginoong Syjuco: 48,507 pesos.
Linawin po natin, dough cutter ito, at hindi Hamilton Class Cutter. Baka nga po
kapag hinarap na niya ang kasong isinampa ng Ombudsman, matuto nang magbilang
itong si Ginoong Syjuco.
Nakahabla
po ang dating mga opisyal ng PAGCOR na naglustay ng 26.7 million pesos para
lamang gumawa ng pelikula; nagsunog ng 186 million pesos para sa isang
partylist; at nagawa pang gamitin na pampapogi sa kampanya ang rice donations
na nakalaan sana para sa mga biktima ng kalamidad.
Hinaharap
na rin po ng mga dating pinuno ng PNP ang paratang ukol sa 131.6 million pesos
na nawaldas para sa 75 depektibong rubber boat, at 104.99 million pesos para sa
maanumalyang pagbili ng mga segunda-manong helicopter mula 2009 hanggang 2010.
Mas mainam nga po kung masagot nila nang tama ang mga tanong ukol dito, nang
matukoy natin kung may iba pang dapat managot.
Sa
usaping Cadavero, PDAF, MRT 3, at iba pa: Dahil hindi alam ng ilang kritiko ang
ginagawa namin, palagay nila wala kaming ginagawa sa mga isyung ito. Kung wala
pang tangan na datos ang gobyerno at ipagsigawan naming, “Iimbestigahan namin
kayo,” di ba’t para na rin naming sinabi sa mga kakasuhan na, “Paki tago naman
po ng mahusay ang lahat ng ebidensya?” Kaya: tutungo tayo kung saan tayo
ituturo ng katotohanan; ebidensya ang magdidikta sa ating mga hakbang.
Nang
inihayag nating “walang wangwang,” hindi lang natin binaklas ang mga sirena ng
mga naghahari-harian sa kalsada; binungkal din natin ang kultura ng katiwalian
na noo’y tila nakaugat na sa mga pampublikong institusyon.
Pero
magtapatan po tayo: Hanggang ngayon, may ilan pa ring ahensya ng gobyerno na
ayaw yata talagang tumino. Nakakadismaya po ang lalim at ang pagsanga-sanga ng
kanilang mga galamay sa ating burukrasya; malingat lang tayo, pihadong may
aabusuhin at bibiktimahin na naman sila. Magpangalan na po tayo: sa Bureau of
Immigration, paulit-ulit nating pinagsabihang ayusin ang pagbabantay sa ating
mga daungan at paliparan. Pero paanong nakalabas ng bansa ang magkapatid na
Joel at Mario Reyes, ang mga pangunahing suspek sa pagpaslang kay Gerry Ortega?
Bakit nangyari pa rin na kitang-kita sa mismong CCTV ang pagtakas ng Koreano na
si Park Sungjun? Wanted po siya sa Korea, at nanghingi ng tulong ang kanyang
gobyerno upang hulihin siya. Anong mukha naman po ang ihaharap natin gayong
mismong mga kawani ng ating gobyerno ang naghatid sa kanya at hinayaan siyang
makatakas?
Nakakatuyo
din po ng pasensya ang kultura ng “pwede na” sa National Irrigation
Administration. Imbes na maglatag ng plano para sa mga bagong patubig, kuntento
na sila sa paulit-ulit na rehabilitasyon ng mga irigasyon. Masabi lang na may
nagawa, kahit puro patsi-patsing trabaho, masaya na sila. Noon nga pong
kanilang anibersaryo, itinanong ko kung bakit nasa 60 percent na naman ang
kanilang target ang naabot noong 2012, kung umabot na sila sa 87 percent noong 2011.
Kinabukasan, nagkita kami ng magaling nilang administrador sa NEDA Board
meeting. Ang sabi niya sakin, “Sir, ang dahilan kaya 60 percent lang, 40
percent daw po kasi ng target nila ay para sa Mindanao, bagyong Pablo ang
dumating at tinamaan kaya na-delay sila ng 40 percent.” Kailan po ba tumama ang
Pablo? Noong unang linggo ng Disyembre. Ibig sabihin, binalak niyang tapusin
ang 40 percent ng kanyang trabaho para sa taon, sa loob lamang ng tatlong
linggo. Hindi po natin kailangan ng ganitong uri ng pamamahala sa loob ng
burukrasya.
Para
namang nakikipagtagisan sa kapalpakan itong Bureau of Customs. Imbes na
maningil ng tamang buwis at pigilan ang kontrabando, parang walang pakundangan
ang pagpapalusot nila ng kalakal, pati na ng ilegal na droga, armas, at iba pa
sa ating teritoryo. Tinataya nga po ng Department of Finance na mahigit 200
billion pesos ang kita na dumudulas lang at hindi napupunta sa kaban ng bayan.
Saan po kayo kumukuha ng kapal ng mukha ang mga kawani sa ahensyang ito?
[Applause] Marami pong gabi bago ako matulog, kulang na lang ay sabihin nilang,
“Wala akong pakialam kung mapunta sa masasamang loob ang armas; wala akong
pakialam kung ilang buhay ang masira ng droga; wala akong pakialam kung
habambuhay na matigang ang mga sakahan. Ang mahalaga, yumaman ako; bahala ka sa
buhay mo.” Hindi maaaring ganito ang kalakaran sa pamahalaan. Kung hindi mo
nagagawa ang iyong trabaho, hindi ka karapat-dapat na manatili sa pwesto.
[Applause]
Kung
matino kang kawani ng Bureau of Immigration, ng National Irrigation
Administration, ng Customs, o ng kahit ano pang ahensya ng gobyerno, sana
makiambag ka pa lalo. Hindi sapat na yumuko sa loob ng cubicle; bahagi ng
trabaho mo ay ang pagpigil sa mali. Nasa tama kayo, kaya’t huwag po kayong
magtago; padaliin ninyo ang pagnanais kong mahanap kayo; paaangatin ko kayo
nang paaangatin upang ibandila ang inyong mabuting ehemplo, at mabago na ang
maling kultura sa inyong mga naturang
ahensya. [Applause]
Para
naman po sa mga kawaning walang balak tumalikod sa kulturang wangwang: Tapos na
ang pakikiusap. Nagkaroon kayo ng tatlong taon para ipakitang handa kayong
umayos; ngayon, hahanapin, kung hindi pa kayo nahahanap, pero ‘yung ‘di talaga
mahahanap, lalahatin na po natin kayong lahat; ngayon, pasensyahan tayo.
[Applause]
Isabay
na rin po natin sa pagbabago ang mga tiwaling miyembro ng Civil Service.
Panahon pa lang po ng nanay ko, narinig ko na ang hirit na, “Ano ngayon kung
utos ng Malacañang? Anim na taon lang kayo diyan.” Kailangan pong itama ang
ganitong klaseng pag-iisip. Nananawagan po ako sa Kongreso: suriin natin ang
ating Civil Service Code at PD 1, [applause] upang maisaayos ito sa lalong
madaling panahon. Suportado ko ang pagbuo ng mekanismong magbabalik sa dangal
ng serbisyo-publiko; na tanging mga tapat, mahuhusay at may prinsipyong mga
lingkod-bayan lamang ang maaaring makapasok at manatili sa gobyerno.
Ngayon
naman po, hayaan natin ang ating mga kababayang magpahayag ng transpormasyong
nangyayari sa lipunan:
[Video
starts]
“Ako
po si Violeta S. Abuque. ‘Yong buhay po namin noong walang Pantawid Pamilya,
dahil nga sa hirap ng buhay, wala kang puwedeng lapitan, wala kang puwedeng
gamitin na pera. Saan ka lumapit, walang puwedeng magpahiram sa’yo dahil sila
rin po, mahirap rin sa buhay.
“Laking
tuwa po namin nang biglang nagkaroon po ng programa ‘yong DSWD, naabot po kami
sa kabundukan. Magiging katuwang ko siya para makapag-aral nang maayos ang mga
bata.
“Namulat
po talaga kami na kailangan palang tustusin ‘yung mga bata sa pag-aaral, para
hindi na magaya sa mga ninuno namin na kahit pangalan lang po ay hindi
maisulat.
“Nagpapasalamat
po talaga ako, unang-una, sa Pantawid Pamilya, sa mga sumuporta po nito.”
—
Violeta S. Abuque, CCT beneficiary
“‘Yong
dati’y sila’y pumapasok noon na medyo walang baon. Eh noong magkaroon na kami,
may baon na sila, nag-aalmusal na.
“Kailangan
‘yong kasama doon sa kasunduan, magampanan mo talaga. Siyempre, kailangan
pagyamanin mo rin ‘yong tulong niya, gumawa ka rin ng paraan kung paano mo pa
madadagdagan. Kaya gumagawa kami ng anak ko, tulong kami, na ang peanut butter
binebenta namin linggo-linggo.
“Nagpapasalamat
po ako na napabilang ako sa isa sa Pantawid na programang ito, kasi malaking
tulong po ito sa aming pamilya.”
—
Dulce Panaligan, CCT beneficiary
“Para
matustusan din po ‘yong paghahanap ko ng trabaho, nagbalik po ako bilang
magbabalut. May free training daw si TESDA. Binasa ko ‘yong impormasyon tungkol
doon, at hanggang sa magpa-register po ako. Masaya po ako sa naitulong ng TESDA
program, dahil, nalaman ko na kung ano siya, ‘yong trabahong ginugusto ko. At
saka, nagagamit ko na siya ngayon sa ikauunlad ko pa at ikatututo ko pa, habang
ginagawa ko po ‘yong trabaho ko.
—
Emerson Paguia, TESDA scholar
“April
2 po, 6:45 ng umaga, papunta po ako ng PCR review center. May nakasakay po ako
na holdaper sa jeep. Sa taas po ng Nagtahan flyover, nag-declare po siya ng
hold-up. Tinutukan niya po ako ng kutsilyo. Nakipaglaban po ako, nasaksak niya
po ako sa hita, naagaw ko po sa kanya ‘yong kutsilyo, at noong bago po siya
bumaba ng jeep, nasaksak ko po siya sa likod. Pagbaba po niya ng jeep, hinabol
ko po siya, parehas po kaming duguan. ‘Yun po siguro ‘yong nakatawag pansin po
sa taongbayan para mahuli po yung holdaper.
“Inisip
ko rin po ‘yong sinumpuang-serbisyo ko sa taong-bayan. Sa kapwa ko pulis:
Gumawa lang po tayo ng tama, at kung ano ‘yong mabuti para sa kapakanan ng
ating bayan—at the same time po, magiging reflection ng ginagawa natin sa PNP.”
—
PO3 Edlyn Arbo
“Na-assign
ako dito sa Police Station 4, 2006, hanggang 2012. Noong nakaraang Sabado,
‘yung binigay na baril sa akin ng ating Pangulo ay nagamit ko na sa pagdakip ng
isang notorious na bukas-kotse dito sa Bacolod City. Binigyan ako ng spot
meritorious promotion ng ating Pangulo, dahil siguro sa apprehension ko ng mga
most wanted na criminal dito sa Bacolod City.
“Nagtatrabaho
tayo, kahit na mahirap, kahit na ang buhay natin ay ating itataya, para lang
makapagsilbi tayo sa ating kapwa at sa bayan.”
—
PO3 Felipe Moncatar
“Noong
nasiraan ako dito sa may Quezon Avenue, bago mag-tunnel, after fifteen minutes
may dumating na, I think he’s a policeman. Pero ‘tong pulis na ‘to, tinulungan
talaga ako. He even tried to lift the car with his bare hands. So I was
thinking na baka, eventually, humingi ng pera ‘to. Then dumating ‘yong wrecker,
rine-wreck na ‘yung sasakyan ko, tinotow na kaagad. Sabi ng pulis: No, tulong
muna bago hatak.
“Out
of my gratitude, binibigyan ko siya ng 1,000 kasi tinulungan niya ko. Pero ‘di
niya tinanggap. Ang sagot niya sa’kin: Ang trabaho namin ay tumulong sa
mamamayan.
“May
pagbabago na sa ating mga kapulisan. Para kay PO Sultan: I salute you.”
—
Armin Punzalan, businessman
“Sa
ngayon, ‘yong tinatawag nating modernization program ng Navy, hindi lang naman
gamit ‘yan e. Kaakibat na rin yung para sa mga welfare sa mga tao natin. At
nakikita naman namin—hindi lang ako, sampu ng aking mga kasama sa Hukbong Dagat ng Pilipinas: Natutuwa kami sa
mga changes na nakikita namin. ‘Yong tuwid na daan ng ating Pangulo, talagang
nararamdaman talaga namin. Masaya kami ngayon; wala na kaming hihilingin pa.
Kaya sabi ko sa mga kasama ko, ibinibigay na sa’tin ng gobyerno lahat. Gawin
naman natin trabaho natin, at ibalik natin para sa bayan, para sa mga tao.”
—
Lt. Commander Desuasido, Philippine Navy
[Video
ends]
[Applause]
Ni
minsan, hindi naman nagkulang ang bansa natin ng mga taong handang manindigan
at lumaban, kahit gaano pa kalaki ang mga pagsubok sa kaniyang harapan. Nariyan
ang tapang na ipinamalas ni Commodore Ramon Alcaraz noong Ikalawang Digmaang
Pandaigdig. Lulan ng isang Q-Boat na yari sa kahoy, sinagupa niya ang siyam na
Zero fighter ng hapon, na itinuturing noon na isa sa pinakamodernong eroplano;
tatlo nito ang napabagsak niya. Ang totoo nga po, tuluy-tuloy pa rin siyang
lalaban, kung hindi pa ang sarili niyang mga pinuno ang nag-atas sa kanyang
sumuko. Ang kagitingang ito ang araw-araw ding ipinapamalas ng mga sundalo
nating nagtatanod sa mga pinakaliblib na kabundukan, at sa pinakamalalayo
nating isla; mga kawal na tinitiis ang layo sa pamilya, at taas-noong naninindigan
sa sinumang sumusubok sa ating soberanya. Hindi rin po kalabisang isiping ang
mga tagumpay natin sa tuwid na daan ay maaaring pangarap pa rin hanggang ngayon
kung wala ang mga miyembro naman ng ating Gabinete. Nang inalok ko silang
maging bahagi ng ating pamahalaan, alam nilang hindi magiging madali ang
kanilang trabaho. Subalit maituturing na biyaya na tinanggap nila ang hamon,
nanumpa silang tutulong sa transpormasyon, at simula’t sapul, araw-araw silang
nagsasakripisyo upang hindi masayang ang pribilehiyong paglingkuran kayo.
May
mga katulad ni Kalihim Albert del Rosario. Kung ibabase sa tradisyon, ang unang
opisyal na biyahe sa labas ng Pilipinas ng isang kalihim ay sa mga bansang may
matibay at mapayapa tayong ugnayan. Ngunit pagkatapos niyang manumpa bilang
Foreign Affairs Secretary, kumuha lang yata ng pambihis, lumipad agad si
Secretary del Rosario patungong Libya; dumaan sa mahigit dalawampung checkpoint
sa gitna ng putukan, at pinamunuan ang paglikas ng mahigit dalawampung libong
Pilipino na naipit sa kaguluhan sa Libya. [Applause] Baka po magulat kayo pag
narinig ninyo kung taga-saang bansa ang mga banyagang nakiangkas pa sa ating
paglilikas. Iba na nga po ang Pilipinas ngayon: Imbes na tayo lang ang parating
tinutulungan, ngayon, kaya na rin nating tumulong sa mga dayuhan.
[Applause]Kung tutuusin, maaari namang tanggihan ni Secretary Albert ang
pagtatrabaho sa gobyerno. Isa siyang respetado’t matagumpay na negosyante, at
tiyak na mas magiging komportable siya sa pribadong buhay. Dati na rin po
nating siyang nakiambag bilang ambassador sa Amerika. Puwede naman siyang
nadismaya nang pababain siya sa puwesto, dahil tinutulan niya ang pagdeklara ng
State of Emergency ng nakaraang administrasyon noong 2006. Pero tinawag po
natin siya para bumalik, at tumugon siya. Ngayon po, nagbibigay siya ng mas
malaki pang ambag bilang kalihim. Handa niyang ilagay ang sarili sa panganib,
dahil alam niyang walang ibang sasaklolo sa Pilipino kundi ang kapwa rin
Pilipino. Sa patuloy mong paninindigan para sa ating karapatan, saludo po ako
sa inyo, Secretary Albert del Rosario. [Applause]
Transpormasyon
din po ang dulot ng inspirasyong hatid ng matitinong lingkod-bayan. Nagluksa
ang milyun-milyong Pilipino sa pagpanaw ni Jesse Robredo. Sa loob ng halos
dalawang dekada, namuno siya nang may husay, malasakit, at pagpapakumbaba sa
Naga. Ang mga prinsipyong ito nga mismo ang dahilan kung bakit hiniram natin
siya mula kay Congresswoman Leni, at sa tatlo nilang mga anak, at sa mga
Nagueño, upang maging bahagi ng ating Gabinete. Kaya nga po, matapos ang
trahedya, isa na siguro sa pinakamahirap na tungkuling ginampanan ko ang
paghahatid ng balita kina Leni at kanilang mga anak.
Bukod
sa pagluluksa, hindi ko maiwasang sisihin ang sarili ko dahil sa sinapit ni
Jesse. Baka kung hindi ko siya hinikayat mapabilang sa Gabinete, buhay pa siya
ngayon. Baka kung nanatili na lamang siya sa Naga, kapiling pa natin siya. Baka
may isa pa ring Jesse Robredo na naglilingkod ngayon.
Subalit
sa isang banda, alam kong hindi hahayaan ni Jesse na tumigil sa kanya ang
pagbabago at pagtutuwid ng lipunan. Nabigyan lamang ako, at nabigyan din lamang
si Jesse, ng pagkakataong maglingkod sa bansa dahil sa inyo. Hindi nag-iisa ang
mukha ng pagbabago. Hindi na aabutin pa ng isandaang taon bago isilang ang
susunod na mabuting tao, bago tumindig ang susunod na mabuting Pilipino.
May
mga nagtatanong nga po lagi sa akin: Paano na sa 2016? Paano pag bumaba ka na?
Tapos na rin ba ang tapat na pamamahala? Tapos na ba ang tuwid na daan?
Mga
Boss, isipin nga po natin: Saan ba tayo nagmula? Kung may agam-agam kayo
ngayon, ano ba naman ito kumpara sa agam-agam natin noong 2010? Di ba’t masaya
na tayo noon na tapos na ang panahon ng kadiliman? Di ba’t noon, sapat nang
mapalitan ang mga nasa kapangyarihan?
Ngayon,
tinatamasa na natin ang pagbabago. Mula ito sa mga butil ng malasakit, ng
pakikipagkapwa, ng pagkakawang-gawa; nanggaling ito sa milyun-milyong
Pilipinong kahit sa pinakapayak na paraan, ay nagkusang makiambag sa
transpormasyon ng bansa.
Sa
pag-aambagang ito, tingnan ninyo ang ating narating: May nakaisip bang magiging
abot-kamay na ang kapayapaan sa rehiyong apatnapung taon nang pinupunit ng
hidwaan? Di ba’t gawa ito ng mga Morong handang magbaba ng armas at sinabing,
halika, mag-usap na tayo, nagtitiwala ako? Di ba’t gawa ito ng karaniwang
mamamayang nagsabing, Kapatid, pareho tayong Pilipino, tama na nga ang gulo?
[Applause]
Nang
unang iminungkahi ang Pantawid Pamilya, nariyan ang tanong: Paanong maaabot ang
kailangan nitong epekto; nasaan ang pondo para masaklaw ang lahat ng maralitang
Pilipino? May nag-akala bang, matapos lamang ang tatlong taon, aabot sa halos
apat na milyong kabahayan ang nagiging benepisyaryo nito? At di ba’t sila
rin—ang bawat inang gumigising nang maaga para ipaghanda ang anak niyang
papasok sa eskuwela, ang bawat batang nag-aaral nang mabuti—di ba’t sila rin
ang nakiambag at patuloy na nakikiambag para magtagumpay ang programang ito?
May
nag-akala bang mula sa pag-aangkat ng milyun-milyong toneladang bigas, sa
pagtatapos pa lang ng 2012 ay 94 percent rice self-sufficient na tayo? May
nag-akala bang ang dating “Sick Man of Asia,” sa loob lamang ng tatlong taon ng
tapat na pamamahala, ay nasa investment grade status na? Sino nga po ba ang
nag-isip na maipapatupad ang lahat ng serbisyong panlipunan natin ngayon, nang
di nagtataas ng buwis maliban syempre sa Sin Tax? Di ba’t nakiambag dito ang
bawat accountant, doktor, abugado, na ngayon ay nagbabayad ng tamang buwis? Di
ba’t nakiambag tayong lahat dito?
May
puwang pa ba para sa mga agam-agam? Ngayon pa bang natutupad na ang mga dating
ni hindi natin magawang pangarapin, ngayon pa bang nakausad na tayo, at
abot-kamay na ang ating mga hangarin—Boss, ngayon pa ba tayo magdududa?
Sa
bawat Pilipinong nagtitiwala sa kapangyarihan ng maliliit na anyo ng kabutihan:
Kayo nga po ang gumawa ng pagbabago. SONA po ninyo ito.
Sa
bawat gurong bumabangon nang madaling-araw para magturo sa kanayunan: SONA mo
ito. Sa bawat pulis na nagsilbi at hindi nanghingi ng kapalit: SONA po niyo
ito.
Sa
mga hindi panatag sa listahan ng mga tatakbo sa halalan, at kinatok ang
kapitbahay para sabihing, “Huwag tayong makuntento, magtulungan tayong humanap
ng karapat-dapat na pinuno,” SONA mo ito.
Sa
bawat estudyanteng mulat sa mga napapanahong isyu sa lipunan, at sa halip na
magreklamo lang sa Facebook ay nagmumungkahi ng solusyon: SONA mo ito.
[Applause]
Kay
Brigadier General Ramon Mateo Dizon, paretirong pinuno ng Presidential Security
Group, na kasama ko na noon pa, laban sa mga kudeta noong panahon ng nanay ko:
Hanggang sa aking pagkapangulo, pinangalagaan mo ang seguridad ko, pati na ng
personal at opisyal kong pamilya. Buong kumpiyansa akong pumunta, sa ibang
bansa man o sa mga liblib na sulok ng Pilipinas. Chito, nakiambag ka rin sa
pagbabago; tunay kang tapat sa watawat, sa Saligang Batas, at sa sambayanang
Pilipino. [Applause] Siyempre, kung di ka inalalayan ng iyong butihing maybahay
na si Jo-ann, hindi mo naabot ang iyong mga tagumpay. SONA ninyong dalawa ito.
[Applause]
At
sa lahat ng mga gumising sa nagtutulug-tulugan, sa mga nagmulat sa mga
nagbubulag-bulagan, sa mga kumalampag sa mga nagbibingi-bingihan: SONA po ninyo
ito. [Applause]
Mahaba
pa ang ating lalakbayin, at hindi natin kailanman sinabing madali o walang mga
hadlang sa landas na ito. Subalit wala akong duda sa kakayahan nating lampasan
ang anumang barikada. Hindi tsamba ang mga tagumpay na tinatamasa natin ngayon;
huwag tayong papayag na maging panandalian lamang ang transpormasyon.
Samantalahin natin ang pagkakataon upang gawing permanente ang pagbabago.
Ito
po ang aking ikaapat na SONA. Noong ako’y Congressman, ang mga taga-Tarlac ang
aking lakas; nang ako’y maging Senador, at hanggang ngayon, sa aking
pagkapangulo, nariyan ang sambayanan—Pilipinas, kayo ang aking lakas. [Applause]
Sa patuloy nating pag-aambagan at pananalig sa kapwa at sa Maykapal, sinasabi
ko po sa inyo: Kayo pa rin ang sisigurong magpapatuloy ang ating nasimulan;
kayo ang sisigurong mabubura na nang tuluyan ang mga mukha ng katiwalian; kayo
ang sisigurong hinding-hindi na tayo muling lilihis sa tuwid na daan.
Sinabi
po sa akin dati: Noynoy, simulan mo lang at sinimulan nga po natin, at ngayon,
kitang-kita na ang layo ng ating narating. Ngayon, Pilipino, ituloy natin ang
pagkakapit-bisig, sabay nating arugain, pabilisin, at palawakin ang
transpormasyon ng lipunan. Ako po si Noynoy Aquino; ipinagmamalaki ko sa buong
mundo: Pilipino ako. At talagang napakasarap maging Pilipino sa panahong ito.
Maraming
salamat po. Magandang hapon sa inyo. [Applause]
No comments:
Post a Comment