Tuesday, November 12, 2013

Misa ng pasasalamat sa pagkaligtas sa bagyo tampok sa Pistang Dagat






HAGONOY, Bulacan— Isang araw matapos manalasa sa Visayas ang bagyong Yolanda, matagumpay na naisagawa ang taunang  pagdiriwang ng Pistang Dagat sa bayang ito.

Ang pagdiriwang na nilahukan ng mahigit 100 residente ng mga Barangay Pugad at Tibaguin ay bilang pasasalamat sa pagkakaligtas ng Bulacan partikular ng mga baybayin ng Bulacan sa mapaminsalang epekto ng bagyo.

“Magpasalamat po tayo dahil hindi tayo nasalanta ng bagyong Yolanda, pero patuloy nating ipanalangin ang mga kapwa nating Pilipino na napinsala at naapektuhan samga bayan at lungsod sa Visayas, Bicol at iba pang bahagi ng bansa,” sabi ni Padre Efren Basco sa pagsisimula ng misa para sa taunang Pistang Dagat.

Ang misa ay isinagawa habang nakasakay sa mga bangkang naka- angkla di kalayuan sa parola ng Pugad ang pari, mga deboto at maging mga imahe nina Sta. Elena, San Rafael, San Ignacio, San Nicolas, Sta.Ana, at Sagrada Familia.

Bukod sa nasabing pasasalamat, ipinagpasalamat at ipinagdasal din sa misa ang karagatan ng Maynila at katubigang nasasakop nito na pinagkukunan ng kabuhayan ng mga residente. Sa kanyang sermon, binigyang diin ni Basco ang pangangalaga sa kalikasan partikular na sa karagatan at katubigan.

Pistang Dagat 2013
Sa huling bahagi ng misa, ipinaalala niya sa mga lumahok sa Pistang Dagat na magsisikain habang nakasakay sa bangka na sinupin ang kanilang basura. Bago tuluyan matapos ang pagdiriwang sa baybayin ng karagatan, binasbasan ng pari ang mga bangka at kagamitan sa pangingisda ng mga lumahok.

Una rito, halos isang oras ding nagprusisyon sa bunganga ng ilog ng Pugad ang mga residente. Ito ay tinawag nilang “ligid”kung saan ay tampok ang pag-ikot o pagligid ng mga mas maliliit na bangkang de motor sa mas malaking bangka kinasasakyan ng mga imahe ng mga patron.

No comments:

Post a Comment