Tuesday, February 12, 2013

Estudyante nasawi sa field trip




PLARIDEL, Bulacan—Ipinagluksa ng mga kaanak at kaibigan ang pagkamatay ng isang mag-aaral ng Holy Spirit Academy (HSA) na naatrasan at nagulungan ng bus na sinakyan sa isang field trip sa Tanay, Rizal noong Biyernes, Pebrero 8.

Ang mag-aaral ay nakilalang si Rio Bianca Ramirez, 14, nasa ikalawang taon ng pag-aaral sa HSA-Malolos.

Isa pang mag-aaral na nakilalang si Pamela Enrique ang nasugatan ngunit nakaligtas sa nasabing insidente, at kasalukuyang inoobserbahan sa isang pagamutan sa Maynila.

Sa panayam ng mga mamamahayag kay Raymundo Ramirez, ama ng biktima, kasama sa isang Lakbay-Aral Kalikasan ang kanyang anak noong Biyernes sa Camp Capinpin, Tanay Rizal.

Ang nasabing Lakbay-Aral a inorganisa ng Outbound Tours, isa sa mga pangunahing tour agency sa bansa, sa pakikipag-ugnayan sa pamunuan ng HSAM.

Ayon sa ama ng biktima, patapos na ang pagbisita ng mga mag-aaral sa Camp Capinpin nang umatras ang nakaparadang bus na kanilang sinakyan matapos bumaba ang driver nito.

Ito ay dahil sa pababa ang kalsada, at nasa bandang ibaba ang biktima na sa pagkakataong iyon ay kinukunan ng larawan ang kaklaseng si Pamela.

Ayon sa ama ng biktima, nakaiwas sa pabulusok na bus si Pamela, ngunit nasugatan din ito.

Sa kasamaang palad, hindi nakaiwas agad si Rio Bianca at nagulungan at naipit pa sa pagitan ng umurong na bus at nakaparadang military truck.

Si Rio Bianca ay kasalukuyang nakaburol sa kanilang tahanan sa Rocka Village sa barangay Tabang, Plaridel, Bulacan at nakatakdang ilibing sa ika-12 ng Pebrero.

Siya ay pang lima sa anim na magkakapatid. Bilang isang mag-aaral, palagi siyang kasama sa top 10 students sa kanilang eskwelahan at pangarap daw nitong maging duktor

Samantala, sinabi ni Raymundo na pinag-aaralan nila na sampahan ng kaso ang mga may pananagutan sa insidente.

Isa sa nais linawin ay ang sistema ng pagsasagawa ng field trip.

Kaugnay nito, nagpahayag ng pakikidalamhati ang pamunuan ng HSAM sa pamilya ng biktima at sinabing ang driver ng bus ay kasalukuyang nakaditene sa Tanay PNP.

Batay sa opisyal na pahayag ng HSAM na inilabas Facebook.com, “a crisis debriefing will conducted by the school in in coordination with the tour supplier, Lakbay Kalikasan, to address the untoward effect of this accident to the other students and faculty who witnessed the accident.”

Sinabi pa ng HSAM sa kanilang pahayag na magbibigay sila ng kritikal na suporta sa pamilya ng biktima sa abot ng kanilang makakaya.   Rommel Ramos at Dino Balabo

No comments:

Post a Comment