Saturday, February 23, 2013

Bus mula sa probinsya lilimitahan sa MM upang lumuwag ang Edsa





LUNGSOD NG VALENZUELA—Tiniyak ng Department of Public Works and Highways (DPWH)  na malilitahan ang operasyon sa Edsa ng mga bus na bumibiyahe  mula sa mga lalawigan.

Ito ay sa layuning higit na mapaluwag ang daloy ng trapiko sa Edsa, ang pangunahing lansasangan sa Kalakhang Maynila.

Ayon kay Kalihim Rogelio Singso ng DPWH, magtatayo sila ng tatlong terminal ng mga provincial bus sa kahabaan ng Edsa.

Ito ay matatagpuan sa Trinoma sa North Edsa, sa Uniwide Sales at sa FTI terminal sa lungsod ng Taguig.

Ayon kay Singson, layunin ng panukalang mga central terminal sa mga bus na mapaluwag ang daloy ng trapiko sa Edsa.

Para naman sa mga bus na bumibiyahe sa loob ng kalakhang Maynila, sinabi ng Kalihim na pinag-aaralan na nila ngayon ang pagtatayo ng mga elevated bus bay sa kahabaan ng Edsa.

“We will construct elevated bus platform or loading and unloading bays along Edsa,” ani Singson sa panayam ng Mabuhay noong Pebrero 7 sa lungsod na ito.

Ang konstruksyon ng nasabing elevated bus platform ay maaaring masimulan bago matapos ang buwan ng Mayo.

“Mukhang hindi makukuha sa disiplina driver at pasahero,  hindi na sila makakababa o sakay except sa mga designated bus platform,”  ani Singson.

Ipinaliwanag pa niya na ang pagpapaluwag ng daloy  ng trapiko sa Edsa ay isa sa mga problemang nais resolbahin ng administrasyong Aquino.

Iginiit pa niya na ang pagtatayo ng mga terminal para sa mga provincial bus ay isa sa mga tinututukan ng pangulo.

“The President’s major concern is how can we accelerate establishment of provincial bus terminals, kailangan kasing mailagay sa tamang lugar,” sabi ni Singson.

Ayon pa sa Kalihim, ang pagtatayuo ng central terminakl sa mga bus na bumibiyahe sa hilaga at timog Luzon ay isa sa mga problemang dapat masolusyunan bago simulan ang rehabilitasyon sa Edsa.

Bukod sa mga bus, sinabi niya na kasama sa rehabilitasyon sa Edsa aya ng pagtatanggal sa mga sidewalk vendors, mga istraktura at pagtukoy sa mga alternatibong daan.

Sinabi rin ni Singson na dapat ng magsagawa ng clearing sa mga kalsada sa kalakhang Maynila, matuloy man o hindi ang rehabilitasyon sa Edsa.

Inihalimbawa pa niya ang kalagayan sa Taft Avenue na inilarawan pa niya bilang “lawlessness.”

“Tingnan ninyo ang Taft Avenue, may mga tindahan, kung minsan may naliligo  o naglalaba pa sa kalye and that’s lawlessness already,” ani ng Kalihim.

Iginiit pa niya na, “kailangan ituloy ang rehab sa Edsa, kasi obligasyon ng gobyerno to restore local and national roads.”

Hinggil naman sa nagrereklamong publiko na maaapketuhan ng pagpapatupad ng mga proyektong pang imprastraktura, nakiusapa ng kalihim.

“Maaaring magsabay-sabay pero kakayanin natin, pero ang kailangan natin mula sa publiko ay pangunawa. Gusto ba nila ay extended o unti-unti ang paggawa, o mabilisan na may sakripisyo,” sabi niya.  Dino Balabo

No comments:

Post a Comment