Thursday, May 8, 2014

Mga pahayagan sa Baguio humakot ng parangal, Cebu Daily News sumungkit ng 3


Si dating Pangulong Fidel V. Ramos kasama ang mga nagsipagwagi sa 2013 Community Press Awards ng Philippine Press Institute. Larawan mula sa PPI.



LUNGSOD NG PASAY—Limang parangal ang hinakot ng tatlong pahayagang nakabase sa Lungsod ng Baguio sa taunang Community Press Awards ng Philippine Press Institute (PPI).

Ngunit ang nakasungkit ng pinakamaraming parangal ay ang Cebu Daily News na nag-uwi ng tatlong parangal.

Tig-dalawa ang parangal na tinanggap ng Baguio Midland Courier at Baguio Chronicle, samantalang isa ang nasungkit ng Sun.Star Baguio.

Tinanggap ng Baguio Midland Courier ang mga parangal na Best in Business and Economic Reporting, at ang Best in Photojournalism; samantalang ang iniuwi ng Baguio Chronicle ang Best Edited Community Newspaper at Best Editorial Page; kapwa sa hanay ngmga pahayagang inilalathala ng lingguhan.

Ang ikalimang parangal ng pahayagang nakabase sa Baguio ay ang Best in Culture, Arts and History Reporting na nasungkit ng Sun.Star Baguio.
 
Sly Quintos ng Baguio Chronicle at Tony Ajero ng Edge Davao.
Sa pangkalahatan, ang tumanggap ng pinakamaraming parangal ay ang Cebu Daily News na nag-uwi ng mga parangal na Best Editorial Page, Best in Photojournalism, at Special Award na Coke Bayanihan Award on Best Reporting on Disasters.

Ang iba pang nagwagi sa mga lingguhang pahayagan ay ang  Business Week Mindanao (Best in Business and Economic Reporting),The Mindanao Cross (Best in Culture, Arts and History Reporting), at ang The Bohol Chronicle.

Sa hanay ng mga pahayagang inilalathala araw-araw, ang mga nagwagi ay ang Edge Davao (Best Edited Community Newspaper), Visayan Daily Star (Best in Business and Economic Reporting), at Sun.Star Davao (Best in Environmental Reporting)

Ang pagwawagi ng Baguio Chronicle ay ikinagulat at ikagalak ng mga lumahok sa ika-18 Community Press Awards ng PPI.

Ito ay dahil sa ang Baguio Chronicle ay isa sa pinakabagong kasaping pahayagan ng PPI na nagdiwang ng ika-50 anibersaryo nito.

Ang Baguio Midland Courier naman at ang The Mindanao Cross ay ilan sa pinakamatatandang pahayagan sa bansa na kasapi ng PPI.

Ang dalawang pahayagan ay kapwa itinatag noong dekada 40 o mahigit 10 taon bago maitatag ang PPI noong 1964.

Kapansin-pansin na walang nakuhang parangal ang Sun.Star Cebu at Mabuhay sa katatapos na parangal samantalang noong nakaraang taon ay tatlo ang naiuwi ng Sun.Star Cebu at dalawa naman sa Mabuhay.

Noong ding nakaraang taon ay walang naiuwing parangal ang Cebu Daily News ngunit sa katatapos parangal ay tatlo ang nasungkit.

Ang kalagayang ito, ayon sa mga dumalo sataunang parangal ay nagpapatunay lamang na patuloy ang pagsisikap ng ibang kasaping pahayagan na higit na pagbutihin ang kanilang pamamahayag bawat taon.

Sa pagwawagi naman ng Baguio Chronicle sa taon ng ito, nabuo na ang higit na paligsahan ng mga pahayagang nakabase sa parehong lungsod sa tatlong pangunahing islang bansa.

Sa Luzon, inaasahang higit na uunlad ang tunggalian sa pagitan ng Baguio Midland Courier at Baguio Chronicle na kapwa inilalathala ng lingguhan.

Ang katulad na tunggalian ay unang nasaksihan sa pagitan ng Cebu Daily News at Sun.Star Cebu na kapwa inilalatahala araw-araw sa lungsod ng Cebu.

 Ang tungaling ito ay nasundan pang katulad na paligsahan sa pagitan ng Edge Davao at Sun.Star Davao na kapwa rin inilalathala ng araw-araw sa lungsod ng Davao. (Dino Balabo)

No comments:

Post a Comment