Sunday, May 11, 2014

Tubig sa Angat Dam, sumayad na sa kritikal na lebel, oratio imperata ikinakasa







MALOLOS—Sumayad na sa kritikal ang lebel ng tubig sa Angat Dam noong Linggo, Mayo 11, samantalang ikinakasa ng mga pari sa Bulacan ngayon ang pagsasagawa ang panalanging oratio imperata upang umulan.

Kaugnay nito, inamin ng National Power Corporation (Napocor) na hindi pa nasisimulan ang planong cloud seeding operation dam dahil hindi pa sila nabibigyan ng clearance ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP).

Ayon kay Inhinyero Rodolfo German, general manager ng Angat River HydroelectricPower Plant (Arhepp), ang pagsayad sa 180 metrong lebel ng tubig sa dam ay naganap ala-1 ng tanghali noong Linggo, Mayo 11.

Ito ay nangangahulugan na pansamantala ng ititigil ang alokasyon para sa irigasyon ng mga magsasaka sa Bulacan at Pampanga.

Sa mas naunang panayam, sinabi ni German ang pagpapatigil ng alokasyon sa magsasaka ay isang hakbang upang matiyak na masusustinihan ang tubig inumin ng
kalakhang Maynila hanggang sa sumapit ang tag-ulan.

Umaabot sa 97 porsyento ng tubig inumin ng may 13 populasyon ng kalakhang Maynila at mga karatig na lugar ang nagmumula sa Angat Dam.


Samantala, bago pa tuluyahg sumayad sa kritikal na lebel ang tubig sa dam ay nagsagawa ng panalangin upang umulan ang mga pari sa Bulacan.

Kabilang sa kanila si Father Dario Cabral na nanguna sa isang misa sa isang parokya sa Barangay Malhacan sa Lungsod ng Meycauayan kahapon ng umaga.

Sa panayam, ipinaliwanag ng pari na walang imposible sa Diyos.

Binigyang diin din niya na nagkikipag-ugnayan na siya kay Obispo Jose Francisco Oliveros sa pagsasagawa ng malawakang panalangin para sa oratio imperata.

Para naman sa ilang source, sinabi nila na dapat isagawa ang oratio imperata sa Mayo 14 kaugnay ng pagdiriwang ng piyesta ni San Isidro Labrado, ang patron ng mga magsasaka.

Ang piyesta ng San Isidro Labrador ay karaniwang tinatampukan ng pagpapaluhod sa kalabaw sa bayan ng Pulilan, Bulacan.

Kaugnay nito, inamin ng Napocor na hindi pa natuloy ang planong cloud seeding operation sa Angat Dam.

Ito ay dahil sa hindi pa sila napagkakalooban ng clearance mula sa CAAP.

“Baka naghigpit daw after the Nueva Vizcaya incident,” sabi ni Cruz-Sta. Rita, ang pangulo ng Napocor patungkol sa insidente ng pagbagsak ng isang eroplano sa Bagabag, Nueva Vizavaya kung saan apat katao ang nasawi, kabilang ang tatlong kawani ng Bureau of Soils and Water Management (BSWM).

Nilinaw din ni Cruz-Sta. Rita na sa pagsasagawang cloud seeding sa Angat Dam ay hindi na pasasakayin sa eroplano angmga kinatawan ng BSWM.

“Wala ng sasakay sa kanila sa plane.  Air Force na ang kasama ng pilot.  Supervision na lang sila,” aniya patungkolsamga kawani ng BSWM.  Dino Balabo

No comments:

Post a Comment