Sunday, May 11, 2014

Hiling sa CMWD: Aksyunan ang problema sa tubig sa Paombong



PAOMBONG, Bulacan – Walang na namang tubig!

Ito ang karaniwang sigaw ng mga residente ng Barangay bayang ito hinggil sa patuloy na lumalalang problema sa tubig.

Ang problemang ito ay napalulubha pa ng patuloy na pag-init ng panahon kaya walang magawa ang mga resident kungdi magtitiis sa kakarampot na tulo ng tubig sa kanilang mga gripo.

Ang problemang ito ay hindi ngayong lang nararamdaman, sa halip ay mahigit sampung taon, ayon sa isang residente.

“Maraming taon nang ganyang ang sitwasyon ng tubig dito. Mga mahigit sampung taon na nga,” ani Cristina Bullos, 35.

Ayon kay Bullos, na mahigit tatlong dekada nang residente sa Baranggay Sto. Niño, nagsimula ang problema sa tubig noong piñata ang deep well na dating pinanggagalingan ng tubig.

“Dati kasi may poso, may deep well, hindi nawawalan ng tubig dito. Nung piñata ang deep well sa NAWASA na tayo umasa,” aniya.

Labis na hirap ayon sa mga residente ang mabuhay ng kapos sa tubig kaya naman iba’t-ibang paraan ang kanilang ginagawa upang makaipon ng tubig.

Sa pamilya ni Bullos, marami silang malalaking drum na tinatiyaga nilang pag-ipunan ng tubig mula ala-una hanggang alas-kuwatro ng madaling araw.

“Madami kaming drum. Pinupuno (namin) kapag gabi. Puyat ang mga tao sa pag-iipon ng tubig,” kwento niya.

Tulad ni Bullos, pinagpupuyatan din ni Michelle dela Cruz, 35, ang pag-iipon ng tubig para may magamit ang kanyang pamilya sa araw. Maliban dito, sa madaling araw din naglalaba si dela Cruz dahil walang tulo kapag araw.

“Minsan one o’clock naglalaba na ko. Inuubos ko na yung labahin ko para kapag umaga na walang tulo nakalaba na ko,” aniya.

Maliban sa maagang pag-iipon ng tubig at paglalaba, labis na pagtitipid din sa tubig ang ginagawa nina Bullos at dela Cruz dahil sa kakulangan ng tubig sa kanilang baranggay.

“Kapag naliligo ako nakasahod ako sa batya para yung tubig na pinang-paligo ko magagamit pa pambuhos sa banyo,” ani dela Cruz.

“Kapag naligo isang timba lang,” biro naman ni Bullos.

Hindi maikakaila ang hirap ng walang tubig ayon kina dela Cruz at Bullos.

Anila, labis na puyat ang nararanasan  nila makaipon lamang ng tubig dahil laging walang tubig tuwing araw.

Kadalasan ay nagsisimula ang pagtulo ng tubig ng ala-una at matatapos ng alas-singko ng umaga.

“Napakahirap. Minsan kapag naghugas ka ng kaldero may langis langis pa. Hindi mo mahugasan ng maayos kasi nga tipid tipid sa tubig,” ani Bullos.

“Yung gusto mong gawin sa araw hindi mo magawa kasi walang tubig. Saka imbis na makaligo ng maayos ang mga bata dahil mainit hindi magawa dahil kulang sa tubig,” ani dela Cruz.

Ayon kay Bullos, makailang beses na siyang nagreklamo sa City of Malolos Water District (CMWD), ang nagsusuplay ng tubig sa baranggay Sto. Niño. Ngunit kahit anong reklamo ang gawin ay walang pagbabagong nagaganap.

Dahil dito, plano aniya ng kanilang baranggay na gumawa ng sulat na pirmado ng mga residente ng kanilang baranggay na ipapadala sa CMWD.

Ang gagwin nilang hakbang na ito ay suportado ng Kapitan ng baranggay na si Edgardo Cabantog.

“Oo, suportado ko iyon. Dahil alam ko din ang hirap ng walang tubig,” ani Cabantog na labing-anim na taon nang nagsisilbing Kapitan ng baranggay.

Ayon as kanya, minsan ng nagpadala ng pirmadong petisyon, kung saan 300 residente ang pumirma, sa CMWD subalit wala ring naganap na aksyon.

“Nagreklamo na kami sa Water District. Nagbigay na kami ng pirmadong petisyon para aksyunan yung aming problema dito siguro one year ago. Pero wala hindi namin makausap yung manager,” ani Cabantog.

“Ang lagi nilang sinasabi ay gagawan ng paraan (pero) walang aksyon, walang solusyon,” dagdag pa niya.

Batid aniya ng mga opisyal ng baranggay ang lumalalang problema sa tubig at ang hirap na dinadanas ng mahigit apat na libong residente ng Baranggay Sto. Niño.

“Yung sitwasyon ng tubig naging worst. Puyat ang mga tao makaipon lang ng tubig,” ani Cabantog.

Aniya, lalong lumala ang sitwasyon ng tubig noong nasira pa ang water pump dalawang taon na ang nakakalipas. Hindi na aniya ito pinalitan o ginawa ng CMWD.

Dahil sa kawalan ng aksyon ng CMWDt, mayroon ng nakalatag na plano ang baranggay upang masolusyunan ang suliranin sa tubig.

“Sa amin sa baranggay, kung ayaw kaming bigyan ng pansin ng Malolos Water District gumagawa kami ng paraan at humahanap kami ng alternatibo upang masolusyunan ang problemang ito,” ani Cabantog.

Isa sa alternatibong paraan aniya ang pagbabaon ng mga tubo ng Jet Matic na makakapagsuplay ng tubig na maari pang inumin.

Sa kasalukyan aniya ay may mga motor ng Jet Matic ang baranggay na ilalagay sa apat na purok sa baranggay.

Inaasahan aniya na sa buwan ng Agosto pa maikakabit na ang apat na water pumps dahil kulang pa ang kagamitang kailangan para dito dahil sa kakulangan na din sa pondo.

Ayon pa kay Cabantog, may balitang balak nang ibenta ng CMWD ang prangkisa nito sa pagsusuplay ng tubig sa Paombong sa Hiyas Water District.

Kung sakaling matuloy ito, ani Cabantog “Bagong management baka naman maging mas maayos ang serbisyo pagka maganda angs serbisyo ay paniguradong tataas ang singil sa tubig.”

Maliban sa paglalagay ng mga tubo at makina na maaaring panggalingan ng tubig, balak din aniyang magtayo ng isa Baranggay Water Cooperative kung saan magiging serbisyo ng baranggay ang patubig sa bawat esidente.

“Ang tubig ay serbisyo, hindi negosyo. Kaya ang gusto talaga natin ay magkaroon ng isang Water Cooperative. Kumita man ito ay kaunti lang at sa Sto. Niño din mapupunta,” ani Cabantog.  Rosemarie Gonzales

No comments:

Post a Comment