Friday, March 22, 2013

Anak ni Ka Blas na si Raul Ople, pumanaw


 
HAGONOY, Bulacan—Ikinalungkot ng mga Bulakenyo ang pagpanaw ni dating Bulacan Senior Board Member Raul Ople noong Huwebes ng hapon, Marso 21.

Si Raul na ikatlong anak na lalaki ni dating Senador Blas F. Ople ng bayang ito ay pumanaw sanhi ng sakit na lymphoma, isang uri ng kanser. Siya ay 59- anyos.

Ang kanyang labi ay nakaburol sa Chapel C ng Christ the King Church sa Lungsod ng Quezon.

Naulila ng dating Board Member ang kanyang maybahay na si Dolores San Juan-Ople, mga anak na sina Marc, Carlo, Danielle, at Faith; mga apo na sina Scarlet at John Gabriel; at mga kapatid na sina Luis, Blas Jr., Dalisay Ople-San Jose, Felix, Dionisio at Susan.

Si Luis ay nakabase at nagtatrabaho sa Geneva Switzerland, si Dalisay ay isang abogada, si Felix ay kasalukuyang Board member ng Unang Distrito, samantalang si Susan ang namumuno sa Blas Ople Policy Center na kumakalinga sa mga Overseas Filipino Workers.

Sa pahayag, sinabi ni Susan na pumanaw ang kanyang kuya Raul bandang alas 4:30 ng hapon noong Marso 21 sa Lung Center of the Philippines.

Sinabi niya na nakapaligid ang mga kasapi ng pamilya sa oras ng pagpanaw ng dating Board Member.

Kaugnay nito, nagpahayag ng kalungkutan angmga Bulakenyo sa pagpanaw ng batang Ople.

Ang kanilang mensahe ng pakikiramay ay karaniwang ipinabatid sa pamamagitan ng social networking site na Facebook.com.

Matatandaan na noong 1995 ay nahalal si Raul bilang Board Member ng unang Distrito ng Bulacan at nanungkulan hanggang 1998.

Bago tuluyang matapos ang kanyang termino nanungkulan siya bilang Bise Gobernadorkung saan ay humalili siya kay dating Bise Gob.Josie Dela Cruz na humalili naman kay dating Gob.Roberto Pagdanganan.

Noong 1998, kumandidato si Raul bilang gobernador ngunit tinalo siya ni Josie Dela Cruz na nahalal bilang gobernador at naglingkod hanggang 2007.

Muling nagtangka sa pulitika si Raul noong 2001 kung kailan ay kumandidato siyang kongresita ng unang distrito at isinulong at pagtatayo ng eco-zone sa Bulacan upang makalikha ng mas maraming trabaho.

Ngunit hindi siya pinalad at tinalo siya ng nooy Kint. Wilhelmino Alvarado na ngayon at Gobernador ng Bulacan. Dino Balabo

No comments:

Post a Comment