LUNGSOD NG MALOLOS- Dalawang libo’t limandaang Bulakenyo
ang magtitipun-tipon sa Northville, Calumpit sa Marso 21, 2013, alas-8 ng umaga
para sa Lakbay Buhay Kalusugan (LBK) caravan, proyekto ng Pamahalaang
Panlalawigan ng Bulacan at ng Department of Health.
Ayon kay Gob. Wilhelmino M. Sy-Alvarado, layon ng
nasabing promotion caravan na maitaas ang antas ng kaalaman ng mga Bulakenyo
ukol sa maternal and child health care.
“Malaki ang role
ng mga kabataan at mga kababaihan lalung lalo na ang mga ina sa ating lalawigan
kaya marapat na bigyang pansin ang kanilang kalusugan,” ani Alvarado.
Sinabi naman ni Provincial Health Officer Jocelyn Gomez,
tampok sa LBK ang isang bus na magsisilbing consultation at examination clinic
kung saan magkakaroon ng pagtuturo tungkol sa importansiya ng pre-natal
check-up, birth planning, safe pregnancy and delivery, birth spacing, hand
washing, child immunization, prevention of disability at health insurance.
“Bukod dito, mayroon ding interactive exhibit,
storytelling sessions, entertainment shows and games on health,” ani Gomez.
Sinabi din ng gobernador na mahalagang maging prayoridad
ang mga proyektong pangkalusugan upang magtuluy-tuloy ang kaunlaran ng
lalawigan.
“Hindi mo matatawag na maunlad ang isang lalawigan kung
hindi sapat ang mga programang pangkalusugan. Dahil dito, hindi tayo tumitigil
sa pag-iisip ng mga programang pangkalusugan at pagpapatupad nito dito sa
Bulacan,” dagdag ni Alvarado.
Ang Lakbay Buhay Kalusugan ay naka-angkla sa Aquino
Health Agenda na pagkakaroon ng universal access sa mataas na kalidad ng
pangangalagang pangkalusugan. ###
No comments:
Post a Comment