Thursday, March 7, 2013

Total ban sa field trip hiniling


PTCA Bulacan Chair Felix Tiongson (2nd from left)


 MALOLOS—Dapat nang ipagbawal ang mga field trip.

Ito ang posisyon ng Federation of Parents, Teachers and Community Association (PTCA) sa Bulacan matapos ang isinagawang pagdinig sa sangguniang panlalawigan  noong Lunes.

Kinabukasan, pinagtibay naman ng SP ang isang indefinite moratorium na nagbabawal sa pagsasagawa ng mga field trip ng mga mag-aaral sa lalawigan, bilang paghahanda sa pagbuo ng ordinansa na magtatakda ng pamantayan at regulasyon sa pagsasagawa ng katulad na gawain.

Ang desisyong ito ng SP ay naganap halos isang buwan matapos masawi sa isang aksidente sa Tanay, Rizal ang dalawang mag-aaral ng Holy Spirit Academy-Malolos (HSAM) noong Pebrero 8.

Ayon kay Felix Tiongson Jr., tagapangulo ng PTCA sa Bulacan, matagal nang inirereklamo ng mga magulang ang malaking halaga na sinisingil ng mga paaralan sa mga mag-aaral kaugnay ng pagsasagawa ng field trip.

Batay sa mga impormasyong naipon ng PTCA, ang halagang sinisingil sa bawat mag-aaral sa pampubliko at pribadong paaralang elementarya hanggang sekundarya ay nasa pagitan ng P800 hanggang P1,500.

“Ang totoo po niyan, ipinangungutang lamang ng maraming magulang, lalo na yung nasa public schools ang pambayad sa field trip ng kanilang anak,” ani Tiongson.

Bukod sa malaking gastos sa halos taunang pagsasagawa ng field trip, hindi rin nauubos ang pangamba ng mga magulang kapag sumama sa field trip ang mga anak nila.

“Hindi po kasi namin alam kung ano mangyayari sa kanila kaya pag-alis pa lang sa bahay ay nagdadasal na kami.
Ang pangambang ito ay hindi lingid kina Dr. Romeo Alip, at Amancio Villameyor,ang division superintendent ng DepEd-Bulacan at supervisor ng Malolos City Schools Division, ayon sa pagkakasunod.

Ayon kay Alip, kapag nagpahatid ng pagpapaalam sa kanya ang mga punong guro ay nagdadasal na siya na makauwi ng maayos ang lahat ng kalahok sa field trip.

Ang pangamba ng mga magulang at ng mga tagapamuno ng DepEd sa Bulacan at lungsod na ito ay may batayan.

Matatandaan na bago naaksidente sina Rio Bianca Ramirez at Pamela Enriquez ng HSAM sa Tanay, Rizal ay napabalita rin ang aksidenteng kinasangkutan sa Enchanted Kingdom ng mga mag-aaral ng Lipana National High School sa Guiguinto may limang taon na ang nakakaraan.

Sa nasabing insidente, nakasakay sa isang popular na ride ang mga mag-aaral nang tumigil ang makina nito at ilang oras ang lumipas bago nakababa ang mga mag-aaral mula sa Guiguinto.

Ayon kay Tiongson, samantalang kinukunsidera ng SP ang pagtatakda ng mga regulasyon sa field trip, mas makabubuting ipatigil na iyon ng tuluyan.

Inayunan din ito ng iba pang opisyal ng PTCA tulad nina Melissa Fernandez ng San Rafael at Jun Lopez ng Bulakan..

Binanggit din nila ang malaking halagang sinisingil ng mga paaralan, partikular na sa mga pribadong paaralan.

Binigyang diin din ito ni Dr. Roberto Ramirez, ang tiyuhin ni Rio Bianca.

Batay sa pagtaya ni Ramirez, kung ang bawat mag-aaral ay sinisingil ng P1,000 at ang bilang ng lumahok ay 300, lumalabas na umaabot sa P300,000 ang nasisingil.

Ang nasabing halaga ay ikunumpara ni Ramirez sa halaga na ibabayad sa mga bus na ayon sa kanya ay nasa pagitan lamang ng P20,000 hanggang P30,000.

Bukod dito, ibinulgar ni Ramirez na may mga pribadong paaralan na sumisingil ng bayad sa field trip bago pa magsimula ang klase, kasabay ng paniningil sa matrikula.
Bokal Ayee Ople

Ito ay ikinagulat nina Alip at mga bokal na sina Michael Fermin, Felix Ople, Ayee Ople at Ramon Posadas.

Ayon kay Alip, nakapagtataka ang paninigil ng maaga sa field trip dahil hindi pa natutukoy ang pupuntahan ay may halaga nang sinisingil.

“It’s either they overcharge the parents or short change them,” ani Alip.

 Para naman sa ama ni Rio Bianca na si Reynaldo, dapat lamang itigil ang pagsasagawa ng taunang field trip.

Sinabi niya dapat ang dumalo lamang sa field trip ay ang mga nasa ikatlo o ika-apat na taon sa sekundarya.

Bukod dito, sinabi ni Reynaldo na dapat palitan ang pangalang field trip dahilang huling tatlong letra nito na “RIP” ay maaaring mangahulugan ng “rest in peace.”

Samantala, pinagtibay ng SP ang isang resolusyon noong Martes na nagtatakda ng indefinite moratorium sa mga field trip.

Ayon kay Bokal Fermin, pansamantalang ititigil ang mga field trip sa lalawigan ng Bulacan hanggang hindi napagtitibay ang inihahanda nilang ordinansa hinggil dito.
Bokal Fermin

Sa pagsasagawa ng isang pagdinig noong Lunes, nagpahayag ng pagkadimsaya sina Bokal Felix at Ayee Ople na sa kabila ng DepEd Order No. 52 na nagtatakda ng mga pamanatayan sa field trip ay hindi ito nasusunod ng mga paaralan.

“Dapat siguro, basahin muna yung DepEd Order, at itigil muna yang mga field trip,” ani Bokal Felix Ople.

Para naman kay Dr. Mariano De Jesus, pabor siya sa moratorium at sa katunayan ay nagtakda na siya nito sa Bulacan State University.

Bilang pangulo ng pamantasan, nilinaw din ni De Jesus na may mga kurso na di mapipigilan ang field trip katulad ng engineering, architecture at tourism.

Nilinaw ni De Jesus na bahagi ng mga nasabing kurso ang pagsasagawa ng field trip. Dino Balabo

No comments:

Post a Comment