Thursday, March 7, 2013

One Bulacan PRIDE ilulunsad



LUNGSOD NG MALOLOS – Magkakasamang ilulunsad nina  Gob. Wilhelmino M. Sy-Alvarado, Executive Secretary Paquito Ochoa Jr. at Cong. Joselito Mendoza ang One Bulacan Program for Rapid Industrialization and Development (PRIDE) kung saan magiging saksi ang mahigit 3,500 na mga Bulakenyo sa darating na ika-8 ng Marso sa Bulacan Capitol Gymnasium.

Kaugnay ng adhikain ng administrasyong Aquino na makamit ang mabilis at tuluy-tuloy na pag-unlad ng ekonomiya, layunin ng programang ito na madagdagan ang produksyon sa pamamagitan nang paglikha ng mga oportunidad at pantay na pamamahagi nito upang unti-unting maibsan ang  kahirapan at mapabuti ang buhay ng mga Pilipino.

Ayon kay ES Ochoa, patunay ang programang ito ng matibay na pagsasamahan sa pagitan ng lokal at nasyunal na pamahalaan at ng pribadong sektor.

“We want to create new engines of economic growth, and Bulacan will be among the pilot provinces for this initiative,” pahayag ni Ochoa habang ipinaliliwanag na ang istratehiyang ito ay nananawagan para sa masiglang ekonomiya sa pamamagitan ng matibay na pagsasamahan ng pamahalaang nasyunal, lokal at pribadong sektor.

“Our goal is to make Bulacan a new engine of economic growth,” tugon ni Alvarado habang ipinahahayag ang kagandahan ng lokasyon ng Bulacan na makatutulong sa industriyalisasyon at pag-unlad ng Luzon.

 “Tamang tama ang ating lokasyon. Itinuturing ang Bulacan na Gateway to the North. Kaya ang industriyalisasyong mangyayari sa ating lalawigan ay magpapayabong rin ng ekonomiya ng ibang lalawigan sa Central at Northern Luzon,” paliwanag ni Alvarado.

Sinabi naman ni Mendoza,“One Bulacan PRIDE will strengthen existing industries in Bulacan and establish new one that will optimize the use of the province’s natural wealth, expand its productive capacity, create jobs and economic opportunities, and increase the incomes of Bulakeños.”

Ilan sa mga nais makamit ng programang ito ang pagkakaroon ng jewelry-making complex at promosyon nito upang makasabay sa internasyunal na merkado, na makatutulong rin sa pag-angat ng turismo. Para naman mapalakas ang industriya ng agrikultura, binabalak ang pagtatayo ng food processing at packaging  facility.

Bukod dito, nais din ng programang ito na magamit ng mainam ang yamang mineral ng lalawigan sa pamamagitan ng pagtatayo ng mineral processing center at downstream manufacturing plants.

Tinitingnan din ang potensyal ng mga bayan ng Pulilan, Plaridel at Baliwag na maging highly urbanized district kung saan itatayo ang Bulacan’s Business and Financial District, ang mabilis na pagbabago ng Angat After-Bay Regulator dam sa pagiging Eco Park at Water Sports complex, pagtatayo ng Technohub sa Malolos kasama ang Department of Science and Technology at marami pang iba.

 “Napakagandang programa nito kung talagang maisasagawa at kung magtutulungan, palagay ko kayang kaya natin itong matupad, kayang kaya pa nating umunlad,” ani Alvarado.

No comments:

Post a Comment