Saturday, April 28, 2012

150,000 Bulakenyo, makikinabang sa libreng PhilHealth



LUNGSOD NG MALOLOS-Sigurado na ang tulong pangkalusugan ng libu-libong Bulakenyo makaraang ipahayag ni Gob. Wilhelmino M. Sy-Alvarado na 150,000 benepisyaryo ang mapagkakalooban ng libreng PhilHealth kung saan 40,000 dito ang sasagutin ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan, 40,000 mula sa mga lokal na pamahalaan at 70,000 mula sa pamahalaang nasyunal.
Ito ay napagtibay matapos muling magpirmahan ng Memorandum of Agreement ang Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan sa pangunguna ni Gob. Alvarado at ng PhilHealth sa pangunguna ni President at CEO Dr. Eduardo Banzon para magkaloob ng abot-kayang pangangalagang pangkalusugan para sa mga Bulakenyo.
“Isang katotohanan na ang kalusugan ay kayamanan kaya naman sa mga hindi inaasahang pagkakataon ng pagkakasakit, upang lapatan ng pangmatagalang tulong pangkalusugan, ito po ang inaalok natin sa ating mga kalalawigan lalo na sa mga walang kakayahan. We should make the health care system more affordable and more accessible,” pahayag ni Alvarado.
Ayon kay PhilHealth Regional Vice President Rodolfo Balog, 2,133,990 o 75 porsyento ng mga Bulakenyo ang kasalukuyang nakikinabang na sa mga benepisyong hatid ng PhilHealth. Kabilang dito ang mga nasa kategorya ng employed, OFW, sponsored, individually paying at lifetime.
Ilan sa mga benepisyo ng pagiging miyembro ng PhilHealth ang discount sa room rates, gamot, surgery at marami pang iba.
Hinikayat naman ni Dr. Banzon ang mga nasa sponsored category na may kakayahang magbayad na ipagkaloob na sa iba ang slot para sa mga wala talagang kakayahan.
“Importante sa ating bayan ang universal health care, ‘yung access sa quality care. Pero hindi natin kayang i-enroll ang lahat ng Pilipino mula sa nasyunal kaya naman mahalaga ang gampanin ng mga lokal na pamahalaan, para sa mga mahihirap nating kababayan at para naman sa mga kaya, tulungan n’yo po kaming hikayatin sila na maging miyembro din ng PhilHealth, ito naman po ay para sa atin,” ani Banzon.
Bukod dito, nagkaloob din 2.7 milyon na capitation fund ang PhilHealth sa Bulacan na ilalaan sa pagsasaayos ng mga rural health unit at pambili ng mga gamot.
Kabilang sa mga dumalo sa MOA signing sina PhilHealth Branch B Manager Dr. Roberto Reyes, Leo Liwanag, PhilHealth Malolos, Zenette dela Vergas, PhilHealth Sta. Maria, mga punong bayan at lungsod sa Bulacan, mga municipal health officer, mga pinuno ng tanggapan sa pamahalaang panlalawigan at mga volunteer worker sa probinsiya.

No comments:

Post a Comment