Friday, April 13, 2012

KAPAG NABUGTA ANG DAM: Bulacan, Pampanga, MM lulubog




MALOLOS—Halos buong Bulacan, kasama ang pitong bayan at lungsod sa Pampanga at tatlo pa sa kalakhang Maynila ang lulubog sa baha.

Ito ang posibleng mangyari kung masisira ng dike ng Angat Dam sanhi ng malakas lindol na hatid ng posibleng paggalaw ng West Marikina Valley Faultline (WMVF) anumang oras, ayon sa Tonkin and Taylor International.

Ang Tonkin and Taylor ay ang kumpanyang kinontrata ng Power Sector Assets and Liabilities (PSALM) upang magsagawa ng pag-aaral sa katatagan ng 43-taong Angat Dam.

Batay sa inisyal na ulat ng Tonkin and Taylor, lulubog sa 10 hanggang 30 metrong lalim ng tubig ang mga barangay ng mga bayan ng Norzagaray, Bustos, Baliuag at San Rafael na nasa gilid ng Ilog Angat kapag nabugta ang dike ng Angat Dam.

Ang ilan namang barangay sa mga bayan ng Sta. Maria, Bustos. San Rafael at Baliuag ay posibleng lumubog sa bahang may lalim na lima hanggang 10 metro.

Habang llumalawak naman ang pagkalat ng tubig na raragasa, lulubog sa isa hanggang limang metrong tubig ang mga barangay na aabutin.

Batay sa pagtaya ng Tonkin and Taylor, ang mga barangay na may layong 13 hanggang 27 kilometro mula sa Bustos Dam ay maaring maapektuhan ng pagbaha.

Kabilang dito ay ang mga barangay sa bayan ng San Ildefonso, San Miguel, hanggang sa hilaga nito tulad ng mga barangay sa mga bayan ng San Luis, Candaba, Arayat, Mexico, Apalit, Macabebe, Masantol sa lalawigan ng Pampanga.

Maging ang mga bayan ng Hagonoy, Paombong, Calumpit, Pulilan, Plaridel, Guiguinto, Bocaue, Pandi, Balagtas, Bulakan, Obando, Marilao, at mga Lungsod ng Malolos at Meycauayan at lulubog din; kabilang ang ilang barangay sa mga Lungsod ng Valenzuela at Malabon sa kalakhang Maynila.

Ayon sa pag-aaral ng Tinkin and Taylor, posibleng mangyari ang pagbahang ito kung ang dike ng dam ay masisira dahil sa lindol na hatid ng paggalaw ng WMVF.

Ito ay dahil sa ang pangunahing dike ng Angat Dam ay nakaupo sa dalawang sanga o mas makipot na bitak sa ilalim ng lupa na bahagi ng WMVF.

Batay sa mas naunang pahayag ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology, anumang orasd ay maaaring gumalaw ang WMVF at posibleng maghatid ng lindol na may lakas na 7.2.

Sa paggalaw ng WMVF, possible ring gumalaw ang sangang bitak nito sa ilalim ng dike ng Angat Dam na maaari ding maging sanhi pagkasira nito.

Batay sa mas naunang paliwanag ni Inhiyero Roderick Del Cruz, isang dam safety engineer ng Southern California Edison na nagmula sa bayan ng Hagonoy, ang paggalaw ng lupa sanhi ng lindol ay posibleng magbunga ng “piping” o maliit na butas  sa dike.

Ayon kay Dela Cruz, sa umpisa, ang “piping” karaniwang maliit lamang, ngunit dahil sa dinadaluyan ito ng tubig mula sa loob ng dam, lumalaki ito at nagiging sanhi ng pagkabugta o pagkabuwag ng dikeng pumipigil sa tubig na naipon sa loob ng dam.

Kapag tuluyang nabuwag ang dike ng dam, raragsa ang tubig at mapipinsala ang lahat sa daraanan nito.

“Sa Amerika, may mga cases ng dam break, at minuto lang halos ang itinatagal bago humupa ang pagragasa ng tubig, pero sapat na iyon para masalanta ang bilyon-bilyong halaga ng ari-arian na.  Pero ang mabigay at kung may masasawi,” ani Dela Cruz.

Batay naman sa resulta ng pag-aaral ng Tonkin and Taylor sa Angat Dam, kapag nasira ang dike nito, raragasa ang tubig na may lalim na 10 hanggang 30 metro sa kahabaan ng Ilog Angat mula sa dam hanggang sa Bustos Dam.

Dahil sa nakaharang ang Bustos Dam sa Ilog Angat, posibleng umahon sa magkabilang gilid ng ilog ang tubig na rumagasa mula sa dam, na siyang magpapalubog sa mga barangay ng ibat-ibang bayan.

Sa gawing silangan ng Ilog Angat ay ang mga bayan ng San Rafael, San Ildefonso hanggang San Miguel, sa Kanluran ng ilog ay ang mga bayan ng Bustos, Pandi, Sta. Maria, Balagtas, Guiguinto, Malolos, Paombong at Hagonoy.

Tinataya ring mapipinsala ang malaking bahagi ng Baliuag at mga bayan ng Pampanga sa hilaga nito dahil sa pag-apaw ng Ilog Angat sa bahagi ng Baliuag.

Ang Ilog Angat ay lumiko pakanan sa Baliuag mula sa Bustos, kaya’t tinatayang masasapul ang kabayanan nito.

Para naman kay Bro. Martin Francisco ng Sagip Sierra Madre Environment Society, maaaring ang Bulacan at Pampanga ang magdusa sa inisyal na pinsalang hatid ng biglang pagbaha na bunga ng posibleng pagkasira ng dam.

Ngunit ayon kay Francisco, higit na magdurusa ang kalakhang Maynila kapag nagtagal dahil sa posibilidad na kapusin ito ng tubig innumin kapag nabugta ang dike ng dam at tumapon ang tubig na nakatinggal doon.

Inayunan din ito ni Gob. Wilhelmino Alvarado, ngunit napahayag siya ng pangamba sa trahedyang ihahatid nito sa libong libong Bulakenyo maaaring masawi.

“Kailangang kumilos tayo ngayo at magdasal na huwag lumidol at huwag masira ang dam, dahil kapag nangyari yan, wala na tayong magagawa, baka sa South China Sea na tayo magdebate,” ani ng punong lalawigan.  (Dino balabo)

No comments:

Post a Comment