Wednesday, April 25, 2012

PNoy’s keynote speech at the PPI National Press Forum on April 23



 
Nasa alaala ko pa po ang kuwento ng mga Pilipinong alimango. Siguro po narinig na ito ng ilan sa inyo: sa loob daw po ng isang bar, umiinom ang isang Amerikano. Pumasok ang isang mangingisdang Pilipino na may dalang timba na puno ng alimango. Ibinaba niya ito; ang sabi ng Amerikano: “Buddy, your crabs are about to escape.” Ang sagot naman ng Pilipino: “Don’t bother; they’re Filipino crabs. Before they get out they’ll be pulled in.” Walang makakaangat, kasi lahat sila naghahatakan pababa. Habang pinipilit ng ilang kababayan nating makaahon, siya namang sipag ng ilan na hilain siya pababa.

Bata pa po ako noong una kong narinig ang kuwentong iyan. Ano na po ba ang nagbago mula noon, at ano ang mga nanatili? Ang mga estudyante kaya ngayon, pinagbabasa pa rin ng diyaryo sa klase? Kami po dati, talagang tinutukan at pinasubaybay sa mga pangyayari sa lipunan. Diyaryo po ang basehan namin ng kaalaman; bihirang-bihira po kaming makakita ng maling spelling, maling grammar, at mas lalo pong bihira ang maling datos o detalye. Malinaw po ang pagkakaiba ng op-ed, at ng balitang totoong nangyari lang ang laman.
Dumating nga po ang Batas Militar, at mistulang naging human tape recorder ang lahat; binusalan po ng diktaturya ang malayang pahayagan. Naibalik po ang kalayaan noong 1986. Angkop din po sigurong itanong kung napanatili din natin ang mga haliging sandigan ng inyong institusyon: kredibilidad at integridad, patas na pagtimbang sa situwasyon, at katapatan sa mga datos at detalye.

Nasaan na po ba tayo ngayon? Nandiyan pa po kaya ang prinsipyo ng “get it first, but get it right,” o napalitan na ito ng “get it first, siguruhin na bebenta ang storya, at kung hindi tama ang impormasyon, mag-sorry ka na lang.”

Bibigyan ko kayo ng ilang halimbawa: Kamakailan lamang, bumisita ang Emir ng Qatar sa ating bansa. Ibinalita ito sa isang artikulo, pero sa pamagat pa lang — “Qatar’s Emir cuts short state visit” — tila ba nagtatanim na ng pagdududa. At kapag naman binasa mo ang artikulo, para bang ang mensahe ay “hindi nagkita ang Pangulo at ang Emir, pero matagumpay ang kanilang bilateral meeting.” Ang nakapagtataka pa, ibinalita rin naman nila ang mga pinirmahang kasunduan, at may mga litrato at video pa nung nagcover sila sa pagpupulong na ito, pero parang sinadya na palabuin ang balita. Kayo nga po ang tanungin ko: Anong silbi na pagdudahin ang publiko kung malinaw naman pala na may nangyaring pagpupulong?

Yung may mga Twitter accounts po sa inyo, baka nabalitaan din na may nakakita daw po sa aking nakikipag-date sa may Greenhills. Malinaw na naman po na hindi ito totoo– ngunit muli, nagawa na ang pagtatanim ng duda bago pa ang paglilinaw, pagtatama, at pagsiguro sa katotohanan ng balita. Nakakalungkot po na natabunan nito ang mabuting balita na sana’y nakapagpa-angat ng loob ng mga Pilipino. Kasi nga po, noon mismong mga panahon na iyon, mula alas diyes ng umaga hanggang alas kuwatro ng hapon ay ka-miting ko ang NEDA board upang magsuri at mag-apruba ng mga proyekto.

Labindalawang proyekto po– kabilang na ang pagkumpuni sa Baler-Casiguran road na laging naaapektuhan ng mga landslide– ang inaprubahan noong araw na iyon. 133 billion pesos po ang suma total ng pera ng kaban ng bayan na mapupunta sa mga proyektong makakapagpaginhawa sa buhay ng kapwa natin Pilipino.

Pero ano ba ang umugong sa media? Na nakipag-date daw ako. May nagkusa man lang po bang kumuha ng panig namin bago ito inere? Ang network pong nagbalita nito, may reporter na bahagi ng Malacanang Press Corps. Tinext man lang po kaya siya at inutusang dumungaw sa bintana para makita kung umalis ba ang aking convoy? Mukhang mas ganado silang bumanat muna, at nung nalaman nilang nakuryente sila, saka na lang sila humingi ng pasensya. May patutsada pang siguro raw ay magaan ang trabaho noong araw na iyon.

Natawa na nga lang po ako nang mabasa ko ang dalawang banyagang pahayagan; tila po ba sila pa ang mas tumatanaw sa interes natin. Sa Newsweek po, may litratong pinuri ang paninindigan natin para sa ating teritoryo laban sa China. Kayo na po ang magbasa ng caption, dahil baka mabansagan akong bastos kapag ginamit ko ang napaka-graphic nilang paglalarawan ng tapang ng Pilipino. Sa Time Magazine naman po, isang litrato ng Pilipinas ang lumabas; ang caption: “The laggard of Asia is recovering the dynamisn it had in the 1960′s.”

Uulitin ko po, hindi mga Pilipino ang nagsulat nito. Kalabisan po bang isipin na ang Pilipino rin ay dapat kumakalinga at tumatanaw sa interes ng Pilipinas? Isa pong halimbawa: Tayo lang yata ang kaisa-isang bansa sa mundo na nagbabalandra ng mga negatibong travel advisory sa sariling mga pahayagan. Ang paglabas ng ganitong mga babala ay nakasalalay sa persepsyon ng ambassador na naninirahan dito sa Pilipinas; isa sa pinanggagalingan ng kaniyang opinyon ay ang mga balitang nakakalap niya mula sa diyaryo at telebisyon. Pero dahil nga sa negatibismo sa pagbibigay-balita, at sa walang puknat na pagwawagayway sa ating travel advisories, kahit pa wala namang direktang banta sa Pilipinas, palaging kinukwestyon ng ibang mga bansa kung ligtas nga ba silang magtungo sa atin.
Isipin lang po natin ang epekto nito. May kakilala po akong magbabalik-bayan sana. Pero siya mismo nagdadalawang-isip na umuwi, dahil wala na raw siyang nabasa at nakita sa Filipino channel kundi karahasan at krimen. Paano pa po kaya ang mga banyagang turista, na tinatayang gagastos ng isanlibong dolyar sa bawat pagbisita niya sa Pilipinas, na manganganak naman ng trabaho at kabuhayan sa ating mga kababayan?

Mantakin po ninyo: Noong Pebrero, mahigit 411,000 ang turistang dumalaw sa ating bansa. Unang beses pong nangyari sa kasaysayan na umabot tayo sa 400,000 na turista. Kung iko-compute po natin, kung manatili sa ganyang bilang ang bisita kada buwan, papalo po ng mahigit 4.8 million tourists ang dadalaw ngayong taon. Halos kalahati na po iyan ng target nating 10 million na turista bago ako bumaba sa puwesto sa 2016. Isipin na lang po natin kung gaano natin kabilis maaabot ang target na iyan kung mas mangingibabaw ang positibong balita tungkol sa Pilipinas, kaysa uunahin ang negatibismo?

Naaalala rin po ninyo siguro kung paano hinakot ng mga report ukol sa carnapping ang mga headline noong nakaraang taon. Nito pong isang linggo lang, na-convict si Raymond Dominguez na pinuno ng carnapping syndicate. Nadesisyunan ang kaso sa loob ng isang taon at apat na buwan; ang hatol: labimpito hanggang sa tatlumpung taon ng pagkakakulong. Ayon din po sa istadistika ng ating kapulisan, bumaba ng 59.4 percent ang insidente ng carnapping sa taong 2011.

May nagsabi po bang, “ang galing ng mga pulis natin; ang galing ng mga prosecutor natin?” Nagpapasalamat nga po ako at nabitbit sa ating mga pahayagan ang kaso ni Dominguez; yun nga lang, yung krimen niya noong nakaraang taon, inilathala above the fold. Itong conviction niya, below the fold naman nilathala.

Alalahanin po natin, magkatambal po ang ating mga tungkulin: Kami, bilang nasa gobyerno, at kayo, bilang tagapaghatid ng katotohanan. Ang pagtupad sa tungkuling natutuhan na po nating hilingin sa gobyerno, ay siya rin sanang pagtupad sa tungkuling puwede nating asahan mula sa lahat: Katapatan sa katotohanan, pantay na pagsusuri, at pagtutok sa kung ano ang makabubuti sa taumbayan.

Hindi ko naman po hinihiling na mag-imbento kayo ng kuwentong-kutsero upang pabanguhin ang gobyerno. Pero kung ibabalanse po natin, at iisipin na ang bawat salita ay nakakaapekto sa buhay ng kapwa natin Pilipino, tiyak ko po na mas madali nating maaabot ang kolektibo nating mithiin para sa bayan.

Naniniwala po akong iisa ang bangkang sinasakyan ng bawat Pilipino, at lahat ng Pilipino ay may tungkuling makisagwan upang maabot natin ang ating mga pangarap. Di po ba’t kung buo ang suporta ng bawat Pilipino sa Panatag shoal, ay panatag din nating maititimon ang ating bansa sa harap ng anumang daluyong na maaari pang dumating?

Diretsahan po akong nagsasalita sa pagtitipong ito dahil umaasa rin ako sa diretsahang pakikiisa ninyo upang matugunan ang isyung ito. Nakita na po natin ang mabuting maidudulot ng pakikipagtulungan. Hindi po ba napakaganda ng paghahandang nangyari nang lumabas ang mga babala ukol sa tsunami, dahil katuwang ng gobyerno ang media sa pagpapaalam sa madla ng dapat gawin upang makaiwas sa pinsala? Hindi po ba napakabuti ng naidulot na pag-angat ng morale ng taumbayan dahil sa mga PCIJ report ukol sa tapat at malinis na mga proyekto ng DPWH, o ng mga ulat tungkol sa pag-angat ng ekonomiya ng ating bansa?

Kung magpupunla po tayo ng pagdududa, paghihirap ang dulot nito. Ngunit kung pag-asa ang ating itatanim, kasaganahan naman ang ating aanihin. Sa inyong pagpupursigi na maabot ang pinakamataas na antas ng propesyunalismo, integridad, at kredibilidad sa larangan ng pamamahayag, naniniwala akong maiaangat ang uri ng ating demokrasya kung sa gitna ng nagtutunggaling boses at opinyon, may mahubog tayong isang Pilipinas na may mas matibay na lipunan, mas nagkakaisang tinig, at mas positibong sambayanan.

Maraming salamat po.

No comments:

Post a Comment