Friday, April 27, 2012

Maestro at mag-aaral lalahok sa painting contest sa Katedral ng Malolos



MALOLOS—Halos 100 pintor na kinabibilangan ng mga maestro at mag-aaral ang inaasahang lalahok sa unang painting contest sa Basilica Minore sa lungsod na ito bilang bahagi ng isang taong pagdiriwang ng ika-50 Jubileo ng Diyosesis ng Malolos.

Ang nasabing paligsahan sa pagpipinta ay magbibigay daan din sa pag-iipon ng pondo ng simbahan para sa ibat-ibang proyekto nito.

Ayon kay Fr. Dars Cabral, ang pinuno ng Commission on Social Communications (COSC) ng diyosesis, ang paligsahan ay isasagawa sa Abril 28, simula alas-8 ng umaga.

Layunin nito ang mabigyan ng pagkakataon ang mga pintor upang ipahayag ang kanilang papuri at pagsamba sa Diyos sa pamamagitan ng nga kanilang taglay na kakayahan; at maialay ang kanilang naipinta bilang alay sa Diyos.

Sinabi ni Fr. Cabral na ang pagpipinta at isang sining kung saan ang lalim ng pananampalatay ay nakakahigit sa karangalan at salaping premyo.

“This is also meant to bring into our consciousness the importance of art in expressing faith and the significance of arts in evangelization, and to appreciate the giftedness of the artist and their generosity as they offer their talent in solidarity to the Jubilee year of the Diocese of Malolos,” sabi pa ng pari.

Binigyan din din niya na sa pamamagitan ng likhang sining ay maaaring masalamin ang obra maestro ng Diyos.

Ayon pa kay Fr. Cabral, ang mga beteranong pintor na kasapi ng Arts Association of the Philippines (AAP), at LakanSining ng Bulacan kasama ang mga mag-aaral ng pagpipinta sa lalawigan ay kanilang inimbitahan.

Maaaring magpinta ng mga kalahok ng anumang larawan na may temang “Golden Jubilee of the Diocese of Malolos”, sa pamamagitan ng paggamit ng oil on canvas, acrylic at water color on paper.

Ang mga ipipinta ay kailangang may sukat lamang na 18 na pulgada ang lapad at  24 na  ang taas, o kaya ay 18 pulgada ang taas at 24 na pulgada ang lapad.

Ang mag magsisipagwagi ay tatanggap ng premyong salapi, medalya mula sa AAP at sertipiko.

Ang unang karangalan ay tatanggap ng halagang P25,000; ang ikalawa ay P15,000; ang ikatlo ay P10,000; at ang 10 karangalang banggit ay tatanggap ng tig-P5,000.

Ang mga magwawaging lahok ay magiging pag-aari ng COSC at maaaring gamitin sa mga exhibit o ibenta bilamng bahagi ng pag-iipon ng pondo ng Diyosesis ng Malolos para sa kanilang inihahanda proyekto bilang bahagi ng isang taong pagdiriwang ng Ginintuang Jubileo ng diyosesis.  (Dino Balabo)

No comments:

Post a Comment