MALOLOS—Tutol pa rin ang simbahang Katoliko sa pagpapapako
sa krus at penitensiya kung Semana Santa, at sa halip ay ipinayo sa mga
mananampalataya na maging mabuting Kristiyano.
Kaugnay nito, limang deboto ang inaasahang muling lalahok sa
taunang pagpapako sa krus sa Barangay Kapintangan sa bayan ng Paombong
samantalang natapos na ang panimulang rehabilitasyon sa ilang pasilidad doon.
Ayon kay Obispo Jose Oliveros ng Diyosesis ng Malolos, hindi
dapat gayahin ng mga Kristiyano ang pagpapapako sa krus na ginawa ng Panginoong
Hesu-Kristo mahigit 2,000 taon na ang nakakaraan.
Sa halip, nakatala sa Bibliya na itinuro ni Hesu-Kristo sa
kanyang mga taga-sunod na pasanin ang kanilang krus araw-araw.
“The Lord taught us to come carry our cross daily and follow
him. He did not say come and reenact My
crucifixion,” ani Oliveros.
Ipinaliwanag niya na ang krus ay isang simbolo ng pagdurusa
ng tao na pinasan ng Panginoon.
“During the Lenten
season we are given the opportunity to mortify ourselves, and mortification
means sacrificing or dying to one self,” paliwanag pa ng Obispo.
Binigyang diin niya na ang paggaya sa pagpapapako sa krus ay
isa lamang popularized religiosity o pagpapakita ng pagiging relihiyoso.
“We were asked by Jesus Christ to be a good Christian,” ani
ng Obispo at itinanong kung ang mga nagpapapako sa krus ay nagsisimba o
nangingilin at kung nagsisilbi bilang isang mabuting Kristiyano.
Iginiit pa niya na dapat din samantalahin ng mga Kristiyano
ang panahon ng Semana Santa upang magnilay, magsisi, magbago at pagtibayin ang
pananampalataya sa Diyos.
Kaugnay nito, tinatayang hindi bababa sa limang deboto ang
muling lalahok sa taunang pagpapako sa krus sa Barangay Kapitangan, Paombong sa
nalalapit na Biyernes Santo.
Ayon kay Michael Katigbak, isa sa mga lalahok, posibleng
dalawang babaeng deboto ang magpapapako sa krus.
“Malamang po ay lima
hanggang anim, at dalawa ang babae na ipapako,” ani Katigbak na nasa ika-anim
na taon ng pagtupad sa kanyang panata na ipako sa krus kung Biyernes Santo.
Sinabi naman ni Roman Gregorio, ang pangulo ng Samahang
Katandaan sa Kapitangan na kasalukuyang din nagsasagawa ang pag-oorganisa para
sa kaayusan ng taunang pagpapapako sa krus.
Sinabi ni Gregorio na nagkikipag-uganayan sila sa pamunuan
ng mga gumaganap na Hudyo na siyang nagunguna sa pagpapako upang matiyak kung
ilan ang lalahok.
Samantala, ibinalita ni Jose Clemente, tagapangulo ng
Bulacan Tourism Conventions and Visitors Board (BTCVB) na natapos na ang
inisyal na rehabilitasyon sa entablado sa gilid ng kapilya ng Sto. Cristo sa
Kapitangan.
Ang nasabing entablado ang siyang pingtatayuan ng krus kung
saan ipinapako ang mga deboto.
Bukod sa pinalapad ang laki ng entablado, ipinatanggal din
ng BTCVB ang pader sa likod nito upang maging ang mga deboto at turistang nasa
likod ng entablado ay mapakanood rin.
Muli ay binigyang diin ni Clemente ang kahalagahang
pangturismo ng Barangay Kapitangan.
Iginiit niya na hindi na ito kailangang igawa ng promosyon
dahil dinarayo na ito ng mga tao.
Ngunit ang kailangang ay dagdag na rehabilitasyon sa mga
lansangan at ilang pasilidad upang higit na mapalawak ang lugar.
Pinuntusan din ni
Clemente ang kawalan ng mga directional signs o mga karatula na nagtuturo ng
daan patungo sa Barangay Kapitangan.
Napansin din ito ng Mabuhay dahil ni isang directional sign
partikular sa kahabaan ng MacArthur
Highway mula Guiguinto hanggang Malolos at Calupit
ay wala. (Dino Balabo)
No comments:
Post a Comment