Thursday, March 29, 2012

Himala, misteryo at panata sa Paombong


PAOMBONG, Bulacan – Mas higit na kilala ang bayang ito sa maasim na suka na nagmumula sa sasa, ngunit kapag semana santa, hindi iyon ang dinarayo ng libo-libong turista at deboto.

Ang kanilang destinasyon ay walang iba kundi ang kapilya ng Sto. Cristo na matatagpuan sa Kapitangan, isang barangay sa bukiring bahagi ng bayang ito di kalayuan sa hangganan ng Calumpit, Lungsod ng Malolos at Paombong.

Lunes Santo pa lamang ay marami na ang dumarayo sa Kapitangan na kilala sa taunang pagpapako sa krus ng ilang deboto at mga faith healers o manggagamot.

Ngunit higit na marami ang dumarayo kapag gabi ng Miyerkoles Santo at araw ng Biyernes Santo kaya’t ang makipot na kalsada ng Kapitangan ay tigib ng tao, samantalang ang magkabilang gilid nito ay namumulaklak sa tindahan na nagbebenta ng samut-saring produkto mula sa mga damit, relo, pagkain, prutas, hanggang sa mga pirated compact discs (CD).

Ayon kay Jose Clemente, ang tagapangulo ng Bulacan Tourism Convention and Visitors Board (BTCVB), ang Kapitangan ay isang pangunahing tourist destination na dinarayo sa lalawigan na hindi nangangailangan ng promosyon, ngunit uhaw sa suporta ng gobyerno at pag-oorganisa.

Para naman kay Alexie Dionisio ng Kapatiran ng mga Kalakbay ng Krus (KKK), at isa sa mga debotong dati ay ipinako sa krus sa Kapitangan, ang kapilya sa nasabing barangay ay kabilang sa mga pangunahing pilgrimage site sa bansa kung Semana Santa.

Ngunit ano ang dahilan at dinarayo ng libo-libong deboto at turista ang Kapitangan bawat taon?

Para sa mga residente ito ay dahil sa “mga himala” at “misteryo” sa Kapitangan, ngunit para sa iba, ito ay ang panonood at pagsaksi sa taunang pagpapapako sa krus ng ilang deboto doon.

Para sa mga kritiko, ang pagpapapako sa krus sa Kapitangan ay isang drama at aktuwal na palabas o “live show” na kinagigiliwan ng mga turista; at para sa mga opisyal ng simbahang Katoliko tulad ni Obispo Jose Oliveros, ito ay isang “popularized religiosity.”

Ngunit para sa mga debotong ipinako at ipapako pa sa krus tulad nina Dionisio at Michael Katigbak, ito ay isang pagtupad sa panata batay sa diumano’y mensahe sa kanila ng Diyos na inihatid sa pamamagitan ng mga panaginip o pangitain.

At para sa ibang tagamasid, ang taunang pagpapapako sa krus ay salamin ng kalinangang Bulakenyo na hango sa pinaghalong Katolisismo at Mistisismo.


Ngunit anuman ang pananaw ng bawat sektor, patuloy na dinarayo ang Kapitangan dahil sa pag-asang doon sila makakatagpo at nakatagpo ng katugunan sa kanilang problema.

Isang halimbawa ay ang pagdagsa ng mga deboto sa kapilya ng Sto. Cristo kapag Miyerkoles Santo ng gabi, kung kailan isinasagawa ang pagpapaligo sa imahe nito gamit ang mabangong tubig na hinaluan ng agua colonia at hair tonics.

Sa nasabing gabi, halos mag-agawan ang mga deboto sa pagsahod ng tubig na ipinaligo sa imahe sa pag-asang gagaling ang kanilang karamdaman.

Ayon kay Roman Gregorio, pangulo ng Samahang Katandaang Kalalakihan ng Kapitangan (SKKK), kung minsan ay umaabot sa limang drum ng tubig ang ginagamit sa pagpapaligo at iyon ay kinakapos pa sa dami ng deboto nagsasahod nito sa bote upang maiuwi.

Ang tradisyong ito ay nag-ugat sa magkakaugnay na himala sa mga nagdaang panahon.

Ayon kay Montano “Bok” Sarmiento, isa sa mga kasapi ng SKKK, may isang pagkakataon sa nagdaang panahon na may kalabasang tumubo sa likod ng kapilya at ang malaking bunga nito ay inihanda sa paggunita ng Biyernes Santo.

“Sabi ng matatanda, nagulat sila ng biyakin ang kalabasa dahil punong-puno iyon ng langis at ng ipahid ng ilang may sakit ang langis sa kanilang katawan, sila ay nagsigaling,” ani Sarmiento.

Binanggit rin niya ang kuwento ng matatanda hinggil sa puno ng sampalok sa tumubo sa kaliwang bahagi ng bakuran ng kapilya.

Sinabi ni Sarmiento na batay sa kuwento ng matatanda, hugis krus sa halip na hugis bilog ang ubod ng punong sampalok.

“Basta daw  medyo mataba yung sanga, pag pinutol ay makikita ang krus sa ubod sa halip na hugis bilog,” aniya.

Ang nasabing puno ay sinasabi ring naging mahimala kaya’t ang mga sanga, balat at dahon nito ay unti-unting naubos ng mga dumarayo doon.

Bukod sa mga kuwentong ito, sinabi ni Sarmiento na ang kasaysayan ng pagkakatuklas sa imahe at pagtatayo sa kapilyang pinaglagakan ng Sto. Cristo ay tigib rin ng misteryo.

“Batay ito sa kuwento ng matatanda,” ani Sarmiento sa Punto. “Madawag ang lugar na ito noong araw at minsan ay mag-ama na pumasok sa kakahuyan.”

Ikinuwento niya na nakita ng binatilyo ang isang animo’y punso sa lupa na may kumikislap ng masinagan ng araw, at inakalang iyon ay ginto.

Nabighani ang binatilyo kaya’t agad na tinawag ang kanyang ama at kinulkol ang lupa hanggang sa matambad sa kanila ang imahe ng Sto. Cristo.
Dahil dito, ipinagtayo ng mag-ama ang imahe ng isang damara sa kakahuyan di kalayuan sa kinatagpuan nila sa imahe.

Ngunit kinabukasan nawala sa altar ang imahe, at muling nakita sa lugar kung saan iyon natagpuan ng binatilyo.

“Umaalis daw at nawawala dun sa pinaglagyan at nagbabalik sa kinatagpuan yung Sto. Cristo,” kuwento ni Sarmiento at binigyang diin na ilang beses nangyari iyon.

Dahil dito, nagpasiya ang mga matatanda ng barangay na magtayo ng kapilya at altar para sa imahe sa lugar mismo kung saan iyon natagpuan ng binatilyo.

Hanggang sa kalalukyang ang nasabing imahe ay matatagpuan sa altar sa loob ng kapilya, samantalang ang loteng kinatatayuan ang kapilya ay idinonasyon ng pamilya Tantoco mula sa Lungsod ng Malolos na nagmamay-ari sa lupa.

Ang kasalukyang basketball court sa kanang bahagi ng bakuran ng kapilya ay binili ng mga residente mula sa pamilya Tantoco, ngunit nananatili sa pag-aari ng pamilya ang bukirin sa likod ng kapilya. (Dino Balabo)

No comments:

Post a Comment