Umalagwa ang diwa ng Promdi habang gumagawa ng burador o maliit na
saranggola sa SM City Baliuag noong Linggo, Pebrero 26.
Sa isang iglap, biglang bumaha sa isipan ng Promdi ang alaala ng malayong
nakaraan.
Kay sarap balikan ng alaala ng pagkabata, o ang panahon na ikaw ay walang
masyadong iniintindi, maliban sa iyong sarili.
Kay sarap alalahanin ng iyong kasiyahan na ikaw ay magpapalipad ng burador
sa bukid kung saan ay malamyos at sariwa ang ihipng hangin sa ilalim ng
masanting na sikat ng araw.
Kay sarap tumakbo sa mga pilapit at punlaan habang ikinakadkad mo ang iyon
pisi o sinulid upang mapatayog ang burador.
Maririnig mo pa ang mga sigwan ng kapwa bata. May kantiyawan. Nagatatawanan, nagpapataasan
ng lipad ang mga burador, habang hinuhulaan kung kanino ang unang sisisid at
babagsak sa tuktok ng mga punong kahoy kayawanan o sasabit sa kable ng kuryente
o antenna ng telebisyon sa mga bubong.
Kay sarap balikan ang iyong pakiramdam sa panahong iyon lalo na’t
nanatiling matayog ang iyong burador sa kabila ng malakas na ihip ngh hangin.
Kay sarap tangtangin o hila-hilahin ng pisi o sinulid na parang hinihila
pataas dahil sa malakas na hanging nagpapalipad sa iyoing burador.
Pakiramdam mo’y nakikipaghilahan ka sa mga anghel sa langit na naiinggit sa
tayog ng iyong burador.
Hindi mo rin maitatanggi ang iying lungkot kapag nalagot ang iyong pisi at
naka-alagwa ang iyong burador na ilang oras ding pinagtiyagaang buuin.
Pero, kahit nawalan ka ng iyong burador, maligaya ka pa rin dahil sa malayo
babagsakan nito, maaring sa kabilang barangay o bayan.
O, kay sarap balikan ng
nakalipas. Kay sarap magbalik tanaw sa
panahong ika’y bata.
Ninanamnam ko ang malayong
nakalipas ng tanungin ako ng aking anak na na si Bethany Eirene.
“Daddy, ganito ba,” tanong
niya sa akin habang kinukulayan ang paro-parong naka-drowing sa papel ng
burador na ibinigay sa kanya ng organisador ng Kite Making and Flying Festival.
Hindi naman sana ako gagawa ng burador
dahil magkokober lang ako sa nasabing festival.
Pero dahil sa araw ng Linggo, isinama ko ang aking mag-ina para mamasyal
sa mall, pero ng makita ni Bethany Eirene ang mga batang gumagawa ng burador,
naingganya’t nakisali siya.
“Yes, anak ganyan nga. Very
good. Tingkaran mo pa ang kulay,” ang tugon ko sa kanya upang ipagpatuloy ang
pagkukulay, samanatalang inihahanda ko kawayang balangkas na magsisilbing
patigas sa burador.
Napagkumpara ko tuloy ang
aking pinagdaanan noon, at ang kasalukuyan.
Noon, lumang dyaryo ang gamit
namin o kaya ay gamit na typewriting paper.
Pag may papel de hapon ka noon, sosyal ka.
Noon, tingting lang ang gamit
naming balangkas. Ngayon, kawayang
kinayas ng manipis.
Noon, mumo o kaning lamig an
gaming pandikit. Ngayon ay glue at
pandikit na nabibli sa mga bookstore o school supplies.
“Daddy, etong tali,” ani ng
aking nag-iisang supling habang iniaabot sa akin ang pisi.
Nangiti ako, sabik na ang
anak ko dahil matatapos na ang burador niya.
“Salamat anak, matatapos na tayo.”
Muli, naalala ko na noon ang
kidkiran namin ng sinulid o pisi ay lata ng Alaska.
Ngayon, may saril ng kidkiran ang pisi.
Habang pinalilipad namin ang
burador, naalala ko ang yumaong punong patnugot ng Mabuhay na si Jose L. Pavia
na mas kilala sa tawag na JLP. Siya ang nagsilbing
mentor ko mula 2004 hanggang sa kanyang pagpanaw noong Abril.
Bilang mentor ko, si JLP ang
nagpalipad sa akin, at ako ang burador. Nakakatulad ng pagpapalipad ng burador
ang mentoring o pagsasanay. Kapag
malakas ang hangin at nag-iikot ang burador, hinihila pababa ito ng
nagpapalipad; o kaya ay medyo lalargahan ang pisi, pagkatapos ay muling
hihilahin upang muling tumaas.
Sa panahon ng pagsasanay sa
akin ni JLP, kapag may pagkakamali ako, tinatawag niya ang aking pansin at
itinatama ako. Kapag tama ginagawa ko, unti-unti niya akong nilalargahan
katulad ng burador upang tumayog.
Ngayong wala na siya, hindi nangangahulugan na putol na ang pisi na
nag-uugnay sa amin. Ang totoo, ang
kanyang mga aral ang nagsisilbing pisi sa aming dalawa saan man siya naroon. Ang pising ito ang nais kong ituro sa aking
supling. (Dino Balabo)
No comments:
Post a Comment