Monday, March 5, 2012

Kaligtasan ng Papal Nuncio tiniyak, dagdag na CCTV ikakabit



Basilica Minore, ang magiging sentro ng pagdiriwang ng ika-50 Jubileo ng Diyosesis ng Malolos sa Sabado, Marso 10.




MALOLOS – Tiniyak ni Mayor Christian Natividad ang kaligtasan ng Papal Nuncio sa pagbisita niya sa lungsod na ito sa Marso 10.


Ito ay sa pamamagitan ng paglalagay ng dagdag na high definition closed circuit television (CCTV) sa mga pangunahing lansangan.

Ang pagbisita ni Obispo Giussepe Pinto, ang kinatawan ni Papa Benedicto XVI sa bansa ay kaugnay ng ika-50 jubileo ng Diyosesis ng Malolos sa nasabing araw.

Pangungunahan ng obispo ang koronasyong kanonikal ng imahe ng Virgen Inmaculada Concepcion De Malolos sa Basilica Minore, na sasaksihan ng 46 pang obispo mula sa ibat-ibang diyosesis sa bansa, kabilang si Obispo Jose Francisco Oliveros ng Diyosesis ng Malolos.

Sa panayam ng Punto kay Natividad sa telepono noong Pebrero 24, sinabi ng alkalde na ipinamamadali na nila ang pagkakabit ng mga CCTV camera.

“We want to secure the visit of the papal nuncio and other guests in the Jubilee celebrations,” ani Natividad.

Sinabi ng alkalde, matatapos ang paglalagay ng dagdag na high definition CCTV camera sa lungsod sa Marso 31.

Ngunit ng mabanggit ng Punto ang pagdating ni Pinto at mga obispo sa lungsod na ito, sinabi ni Natividad na bibigyang prayoridad nila ang paglalagay ng mga CCTV camera sa kahabaan ng MacArthur Highway mula sa Tabang, Guiguinto, hanggang sa Crossing ng Malolos, at papasok sa kabayanan.

“Tasked PLDT to fast track installation along the MacArthur highway so that we can monitor movements in real time,” sabi pa ng alkalde.

Ang mga bagong CCTV camera ay karagdagan sa mga CCTV camera na ikinabit may dalawang taon ang nakakaraan.

Ito ay bilang tugon sa lumalalang insidente ng kriminalidad sa Malolos at ibang panig ng Bulacan.

Batay sa pahayag ng alkalde, mayroon lamang na 71 pulis ang Malolos na nagbabantay sa may 240,000 mamamayan nito.

Bukod sa mga CCTV camera, sinabi ni Natividad na magtatalaga sila ng mga quick response team sa ibat-ibang panig ng lungsod.

Una rito, ipinahayag ni Obispo Oliveros na pangungunahan ni Pinto ang koronasyong kanonikal para sa imahe ng Virgen Inmaculada Concepcion De Malolos sa Marso 10.

Ang nasabing araw ay ang pagsisimula ng isang taong pagdiriwang ng ika-50 jubileo ng Diyosesis ng Malolos na nakasabay ng pagtatalaga ng yumaong si Obispo Manuel Del Rosario, ang unang Obispo ng Malolos.

Ang pagbubukas ng ika-50 jubileo ng diyosesis ay sasaksihan ng 45 pang Obispo mula sa ibat-ibang diyosesis sa bansa; at daan-dan pang mga madre, pari, at mga punong layko.

Inaasahan ding dadalo ang ibat-ibang matataas na opisyal ng pamahalaan sa nasabing pagdiriwang.

No comments:

Post a Comment