LUNGSOD NG MALOLOS- Bilang isa sa mga nagtataguyod ng mga
programang pangkalikasan, magsasagawa ang Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan
sa pangunguna ni Gob. Wilhelmino M. Sy-Alvarado ng limang araw na exhibit na
tinawag na Halamang
Bulakenyo @CCP A National
Garden Expo na
magsisimula sa ika-18 hanggang ika-22 ng Abril 2012.
Ito ay kaugnay ng pagdiriwang ng Earth Day Big Event 2012 na
gaganapin sa Liwasang Kalikasan, Cultural Center of the Philippines, Pasay City
kung saan itatampok ng Bulacan Garden Association at Bonsai Plant Groups ang
mga nagagandahang halaman at halamang gamot na matatagpuan sa lalawigan.
Tinatayang 80% ng mga halaman ay nagmumula sa mga bayan at
lungsod sa Bulacan kabilang na ang mga bayan ng Guiguinto, Hagonoy, San Rafael, Calumpit ang
mga lungsod ng Malolos at San Jose Del Monte.
“Ipinagmamalaki natin hindi lamang ang mayaman nating
kasaysayan kundi maging ang ating mga naggagandahang halaman na isinusuplay
natin sa buong bansa, kaya nga kilala ang Bulacan bilang garden capital ng Pilipinas,”ani
Elizabeth Alonzo, pinuno ng Provincial Youth, Sports, Employment, Arts, Culture
and Tourism Office.
Bukod sa promosyon ng magandang kalidad ng mga halaman sa
lalawigan, layon din ng nasabing expo na makapagbigay ng oportunidad at
exposure sa Small and Medium Enterprises (SMEs).
Inaasahang dadalo sa nasabing pagtitipon sina CCP President
Dr. Raul Sunico, Department of Tourism, mga lokal na opisyal ng Bulacan sa
pamumuno ni Alvarado at iba pang mga
stakeholder ng turismo. ###
No comments:
Post a Comment