Wednesday, February 8, 2012

AKTIBISTA KAY PNOY: Trabaho muna bago Valentine's date

MALOLOS CITY—Trabaho muna, bago ang Valentine’s date!
 
Ito ang payo ng kasapi ng isang militanteng grupo kay Pangulong Benigno Aquino III na umaming nakikipag-date sa GMA News host na si Grace Lee.
 
Inihayag ni Erlinda Cadapan, ina ng isa sa dalawang mag-aaral na dinukot at hanggang ngayon ay nawawala pa, ang kanyang pagkadismaya sa matagal na nilang paghihintay sa pagkamit ng hustisya.

”Parang hindi kami naririnig ng Malacañang dahil abala si Pangulong Aquino sa pagpaplano ng kanyang Valentine’s date,” ani Cadapan patungkol sa balitang may namumuong relasyon sa pagitan ng Pangulo at ni Lee na isang Korean citizen.

Samantala, ayon sa isang report, wala unamong ibinigay na detalye ang Pangulo tungkol umanoy Valentine's Day date.

"...Hindi naman nagbigay ng detalye si Pangulong Aquino tungkol sa kung ano ang plano niya sa kanyang nalalapit na kaarawan sa Pebrero 8, at kung ano ang plano nila ni Grace sa Valentines Day," ayon sa naunang ulat ng GMA News Online.

Kasalakuyang pinaghahanap ng gobyerno si retired Army general Jovito Palparan na inakusahang may kinalaman sa pagkawala nina Sherlyn Cadapan at  Karen Empeno, kapwa student activists mula University of the Philippines, noong 2006 sa bayan ng Hagonoy, Bulacan.

Maliban kay Palparan, inakusahan din ng two counts of kidnapping at serious illegal detention sina Lt. Col. Felipe Anotado Jr., S/Sgt. Edgardo Osorio, at M/Sgt. Rizal Hilario.

Nag-aalok ang gobyerno ng P1-milyong pabuya sa sinumang makapagbibigay impormasyon para ikadarakip ni Palparan.

Nauna nang sumuko sina Anotado at Osorio ngunit kasalakuyan pang pinaghahanap si Hilario, na "sidekick" umano ni Palparan.

Sumang-ayon naman si Abogado Edre Olalia, tagapagsalita ng National Union of Peoples’ Lawyers (NUPL), sa hinaing ng ina ni Cadapan.
 
“While we do not deny him of his private life, we urge the President to pay more attention to cases of human rights in the country,” ani Olalia.
 
Iginiit niya na ang panawagan ng NUPL kay Aquino ay isang pahiwatig na dapat mas bigyang prayoridad ng Pangulo ang usapin sa karapatang pantao, bago ang usapin ng puso.
 
Nitong nakaraang linggo, inamin ng binatang si Aquino at dalagang si Lee sa mga mamamahayag na nagde-date na silang dalawa.
 
Namayagpag ang balita ito sa mga mamamayan sa tulong ng media.
 
Ngunit para sa mga nananawagan ng katarungan matapos maging biktima ng pag-abuso sa karapatang pantao, mas nararapat umanong unahin ng Pangulo ang trabaho para sa kanyang sinumpaaang tungkulin.  

No comments:

Post a Comment