LUNGSOD NG MALOLOS- Magsasama-sama
ang mga opisyal ng pamahalaan sa Bulacan kung saan pangungunahan ni Gob.
Wilhelmino M. Sy-Alvarado ang serye ng mga aktibidad para sa mapanagutang
pamamahala na gaganapin sa Pebrero 2 sa Bulacan Capitol Gymnasium, lungsod na
ito.
Sinabi ni Alvarado na
nag-imbita sila ng mga respetadong personalidad na makapagbabahagi ng kanilang
kaalaman upang mapalawig ang kamalayan ng mga opisyal sa Bulacan ukol sa
wastong gawi ng isang lingkod publiko at mapagkaisa ang mga ito tungo sa
pag-abot ng iisang layunin na mapaunlad ang kalagayan ng mga Bulakenyo.
Kabilang sa mga
inimbitahang tagapagsalita ay sina Department of the Interior and Local
Government (DILG) Sec. Jesse Robredo na tatalakay tungkol sa “Seal of Good
Governance and Seal of Good Housekeeping,” Rev. Fr. Melo Diola na magsasalita
tungkol sa “Good Governance and Ethics in Politics” at Department of Environment
and Natural Resources (DENR) Sec. Ramon Paje sa paksang “Good Governance on
Environment.”
“Tunay na mahalaga
ang bayanihan at sama-samang pagkilos upang makamit ang isang adhikain. At kaugnay ng hangarin na patuloy pang
maitaguyod at maiangat ang karangalan ng Bulacan at ang kapakanan ng mga
mamamayan nito, sadyang mahalaga ang pagkakabuklod sa pananaw ng mga namamahala
rito,” dagdag pa ni Alvarado.
Isasagawa rin sa
araw na ito ang pagbibigay ng parangal sa nagwagi na Pinakamalinis at Luntiang
Bayan o Lungsod sa Lalawigan ng Bulacan 2011 sa ilalim ng programang Bantay
Kalinisan ng Bulacan. Mula sa 21 bayan at tatlong lungsod na naglaban-laban,
nakabilang sa top 10 ang Calumpit,
Pulilan, Bustos, Guiguinto, Plaridel,
San Rafael, Doña Remedios Trinidad, Norzagaray, City of San Jose Del Monte, at Sta. Maria.
Sinabi pa ni Provincial Administrator Jim
Valerio, tagapangulo ng Bantay Kalinisan Task Force, na bilang bahagi ng
katuparan ng Pitong Puntong Programang Pangkaunlaran ni Gob. Alvarado, layunin
ng proyektong ito na mapaigting ang pagpapatupad Republic Act 9003 or
"Ecological Solid Waste Management Act of 2000” at mahikayat ang mga lokal
na pamahalaan na makiisa sa pagpapanatiling malinis at maganda ng lalawigan.
“Ang pagsusuri ay nakatuon sa mga programa o
inisyatibo ng mga lokal na pamahalaan ukol sa pangangalaga ng kapaligiran sa
kanilang nasasakupang bayan at kung gaano kalawak ang partisipasyon at
pakikipagtulungan ng komunidad at ng iba pang mga organisasyon sa pagpapatupad
nito,” paliwanag ni Valerio.
Ang Pinakamalinis at Luntiang Bayan o Lungsod sa Lalawigan ng Bulacan 2011
ay tatanggap ng premyong nagkakahalaga ng of P100,000 at P1M pantulong para sa
proyektong pang-imprastraktura. Ang magkakamit ng ikalawang puwesto ay
tatanggap naman ng P 50,000 at P500,000 pantulong din para sa proyektong pang-imprastraktura, samantalang ang ikatlong puwesto ay
magkakamit ng P30,000 at P200,000 tulong para sa proyekto.
Samantala, ang mga
nagsipagwagi sa 3rd at 4th quarter mula sa bawat distrito
ay tatanggap ng P30,000 samantalang ang mga runners-up
ay magkakamit ng P20,000.
Inaasahan ni Alvarado
na makatutulong ang mga aktibidad na ito upang mahikayat ang mga LGU na itaas
pa ang uri ng serbisyo na ibinibigay sa mga mamamayan.
“Kamakailan ay
itinanghal ang ating lalawigan bilang isa sa mga Gawad Pamana ng Lahi awardees
at recipient ng Seal of Good Housekeeping. Kung kaya sa pamamagitan ng gawaing
ito ay inaasahan naming maibahagi ang karangalang ito sa iba pang lokal na
pamahalaan upang mahimok rin sila na higit pang paunlarin ang serbisyong
ipinagkakaloob sa ating mga kalalawigan,” ani Alvarado.###
No comments:
Post a Comment