Friday, February 17, 2012

Diyosesis ng Malolos handa na sa pagdiriwang ng ika-50 anibersaryo


Pinagmamasdan nina Monsignor Andy Valera (kaliwa) at Fr. Dars Cabral ang commemorative stamps na inilabas ng Philpost kaugnay ng ika-50 taong jubileo ng diyosesis ng Malolos.  (Photo by Christopher Arellano)


MALOLOS—Handang-handa na ang Diyosesis ng Malolos sa pagdiriwang ng ika-50 guning taon ng pagkakatatag o ginintuang jubileo sa Marso 10.

Tatampukan ito ng koronasyong kanonikal ng imahe ng Virgen Inmaculada Concepcion De Malolos na pangungunahan ni Arsobispo Giuseppe Pinto na siya ring papal nuncio o embahador ng Vatican sa Pilipinas.

Ang pagdiriwang sa Marso 10 ay dadaluhan din ng 45 pang Obispo mula sa ibat-ibang diyosesis sa bansa, at daan-daang mga pari at madre, kabilang mga nagmula sa Bulacan na sa ibang lugar naglilingkod.

Susundan ito ng buwang jubilee assembly hanging sa pagsasagawa ng ikalawang sinod ng Malolos na isasagawa sa Pebrero ng susunod na taon.

Ayon kay Obispo Jose Francisco Oliveros, lubhang mahalaga para sa simbahan at mananampalataya ang pagdiriwang ng ika-50 jubileo.

“It’s a celebration of 50 years of transforming grace and unwavering faith,” ani ng obispo.

Nilinaw ni Olveros na ang Diyoesis ay itinatag noong Marso 11, 1962 kaugnay ng pagtatalaga sa unang Obispo nito na si Manuel Del Rosario na pumanaw kamakailan lamang.

“Binago namin yung araw ng pagdiriwang dahil yung March 11 ay Sunday na ng lent, kaya sa March 10 ang celebrations,” ani Oliveros.

Ipinaliwanag din niya na ang Diyosesis ay nilikha noong Nobyembre 25, 1965; ngunit naging lubos na diyosesis ito ng maluklok si Del Rosario bilang unang Obispo.

Ayon kay Oliveros, sa pagsisimula ng diyosesis umabot lamang sa 52 ang paring nakatalaga dito, kung saan at mahigit lamang 500,000 mananampalatay ang nagsisimba sa 52 parokya.

Ngunit ngayon, umaabot na sa mahigit 200 ang pari ng diyosesis na naglilingkod sa may 3-Milyong mananampalatay sa 107 parokya.

Bukod dito, ang ang diyosesis ay may tatlong pambansang dambana at apat na dambanang pang-diyosesis.

Ito ay ang Pambansang Dambana ni Sta. Ana Sa Hagonoy, Pambansang Dambana ng Fatima sa Valenzuela, at ang Pambansamg Dambana ng Divine Mercy sa Marilao.

Ang mga dambanang pangdiyoesis naman ay ang Dambana ng Sacred Heat of Jesus sa Krus na Daan sa San Rafael, Diocesan Shrine of Mary mother of the Eucharist and Grace sa Brgy. San Vicente, Santa Maria; Diocesan Shrine of Oiur Lady of Salambao sa Obando, at Dambana ng Krus sa Wawa sa Bocaue.

Ipinagmalaki rin ni Oliveros ang mga institusyong p[angkawang gawa na itinatag ng diyosesis sa lalawigan.

Kabilang dito ang Bethelem Home for street children, Bethany House Orphanage, Emmaus Home of the Aged, Bahay Kalinga for battered women and children,  Galiliee Home for drug defendents, at mga tahanan para sa may sakit sa isip na matatagpuag sa Bustos at Bocaue.

Para kay Oliveros, ang mga nasabing pasilidad ay nagpapatunay lamang ng taimtim na pananampalataya na nasasangkapan ng pag-ibig.

“The Bible and Pope Benedict XVI’s encyclical are very clear on the expression of faith.  Faith without works is dead,” ani ng Obispo.

Hinggil naman sa araw ng pagdiriwang, sinabi ni Monsignor Andres Valera,ang vicar general ng diyosesis na darating si Arsobispo Giuseppe Pinto, ang Papal Nuncio maging ang 45 pang Obispo sa bansa.

Ayon kay Valera, si Pinto ang mangunguna sa koronasyong kanonikal sa imahe ng Virgen Inmaculada Concepcion de Malolos; samantalang si Arsobispo Luis Antonio Tagle ng Maynila ang mangangaral.

Hinggil sa kahandaan ng pisikal na pasilidad, tiniyak ni Fr. Pablo Legazpi ang kahandaan at seguridad.

Sinabi niya na maging ang bubong ng Basilica Minore ay ipinakumpuni na nila.

No comments:

Post a Comment