Tuesday, February 21, 2012

Katawan ng 3 tinedyer na nalunod, nakuha na


MALOLOS CITY—Tatlong tinedyer kabilang ang isang survivor sa hostage drama noong 2009 ang nalunod sa Angat River noong Lunes ng hapon.

Ang mga biktima ay nakilalang sina Princess Ulpindo 13; at magkapatid na sina Kisses Cristobal, 13; at Gary Cristobal, 13; pawang mga residente Brgy. Cambaog sa bayan ng Bustos, Bulacan.

Ang katawan ng tatlong biktima ay nakuha bago mag-alas-4 ng hapon ng Martes.

Si KC ay isa sa mga survivor na hostage drama noong Agosto 2009 na nagsimula sa carjacking sa Bulacan kung saan ay nagpalipat-lipat ng sasakyan ang mga suspek hanggang sa mkarating ng Cavite.

Si KC at tatlo pang hostage victims ay nailigtas ng pulisya matapos ang pakikipagsagupaan sa mga salarin na nagresulta sa pagkamatay ng isang hostage at isang suspek.

Ayon kay Liz Mungcal, hepe ng Provincial Disaster Risk Reduction Management Office (PDRRMO) medyo nahirapan ang retrieval operations sa malakas na agos at malalim na tubig sa ilog.

Batay sa ulat ng PDRRMO, nagkayayaang magpicnic ang magpipinsan sa tabing ilog ng Angat sa Brgy. Cambaog noong Lunes, bandang ala-1 ng hapon.

Dahil sa malinis na tubig, naingganya ang mga ito na magsipaligo sa ilog ngunit tinangay ng malakas na agos.

Ilang residente ang nagtangkang sumagip sa mga tinedyer ngunit hindi nagtagumpay.

Ilang sandali pa, dumating ang mga kasapi ng ibat-ibang rescue group at tumulong sa mga residente ngunit para hanapin ang mga biktima.

Pinatigil ang paghahanap sa mga biktima noong Lunes ng gabi dahil sa kakulangan sa ilaw na magagmit sa madilim na gabi.

Ayon kay Mayor Arnel Mendoza ng Bustos, nagpatuloy kahapon ng umaga ang paghahanap sa katawan ng mga buktima, ngunit hanggang kahapon ng alas 12 ng tanghali ay hindi pa nakikita ang mga ito.
Ikinagimbla naman ng mga residente ng Bustos ang trahedya dahil ito ang unang pagkakataon na tatlo katao ang sabay sabay na nalunod sa ilog.

Naniniwala ang mga residente ng Bustos sa pamahiing may nagbubuwis ng buhay sa ilog bawat taon.

Ayon kay Roxlee Dimapilis, isang journalism student sa Bulacan State University, noong 2008 ay dalawang kaibigan niya ang nalunod sa ilog.

Ito ay sina Mark Anthony Galendez  at Hanzel John Navata, at nitong nakaraang taon, isa pang paslit ang iniulat na nalunod din sa ilog.

Ayon kay Dimapilis, “mukhang totoo yung sinasabi ng matatanda na taon-taon may nalulunod.”

No comments:

Post a Comment