Nakapapangamba ang mga
kaganapan sa bansa sa nagdaang halos anim na buwan kung kailan ay magkakasunod
na trahedya ang naganap hatid ng kalamidad.
Noong Setyembre at Okrubre,
nasalanta malalim at malawakang pagbaha ang Bulacan; kasunod ay ang mga lungsod
ng Cagayan De Oro at Iligan noong Disyembre na binaha rin. Ngayong Pebrero, lindol at pagbaha naman ang
sumagasa sa Cebu, Negros at Bicol.
Bukod sa pagkasawi ng
maraming buhay, kasamang nasalanta ang bilyon-bilyong pisong halaga ng mga
ari-arian at imprastraktura; samantalang maraming pangarap ang naglaho.
Ngunit ang higit na
nakakapangamba ay parang hindi natuto ang mga namumuno sa mga pamahalaang
lokal. Ilan sa kanila ay nagsabing,
“wake up call ito,” at “babala na ito ng Diyos.”
Kung pagbabatayan ang
kanilang mga naging pagkilos, lumalabas na ang kanilang mga pahayag na ang
kalamidad ay paraan ng paggising o pagtawag pansin ng Diyos sa mga mamamayan at
hindi sa kanila. Nakalulungkot, sapagkat
karaniwan nilang sinasabi pagkatapos ng halalan na ang “tinig ng bayan ay ang
tinig ng Diyos” na nangangahulugan na sila ang pinili ng Diyos upang mamumuno,
ngunit kapag nanalasa ang kalamidad parang hindi sa kanila nangungusap ang
Diyos.
Higit na nakalulungkot ang
pananaw at ugali ng mga lokal na opisyal.
Bawat
isa sa nakatingala sa mas nakataaas sa kanila, naghihintay ng aksyon. Ang mga kapitan ay naghihintay ng aksyon sa
mga alkalde, ang mga akalde ay sa mga kongresista at gobernador, ang gobernador
ay sa Pangulo ng bansa at mga Senador.
Nagaganap din sa Bulacan ang kabalintunaang ito na ang mga opisyal ay
nakatingala sa mga “diyos-diyosang” nakatataas sa kanila. Isang halimbawa ay si
Gob. Wilhelmino Alvarado na mula pa noong 2009 ay nagpahayag na ng posibilidad
ng malawakang kalamidad dahil sa ang Angat Dam ay nakaupo di kalayuan sa
Marikina West Valley Fault line, batay sa pag-aaral ng Philippine Institute of
Volcanology and Seismology (Phivolcs).
Ang babalang ito ay tinugon na ng Malakanyang sa pamamagitan ng pagsasagawa
ng pa-aaral sa katatagan ng Angat Dam, ngunit ang kulang ay ang katapat na
paghahanda ng lalawigan sa pamamagitan ng pagbuo ng isang malinaw na Emergency
Action Plan (EAP) na dapat ipaunawa sa taumbayan upang sila mismo ay makatugon
ng akma sa panahon ng kalamidad.
Sa diwang ito, nais ipaunawa ng Mabuhay sa mga namumuno sa Bulacan sa
pangunguna ni Alvarado na hindi sapat ang pagtawag pansin sa mas higit na
nakataaas na opisyal ng pamahalaan. Ang
kailangan ay ang pagkakaroon ng kusang palo o sariling pagkilos upang magkaroon
ng kahulugan ang kanilang ipinahahayag na mga babala, at ang sinumpaang
tungkulin na bigyang proteksyon ang mamamayang Bulakenyo.
Bilang isang pahayagang naglilingkod sa lalawigan mula noong 1980, ito ay
hindi isang pagbatikos, sa halip ay isang pagpapaalala kay Alvarado na noong
Agosto 30, 2011 ay nagbigay ng hamon sa mga mamamahayag sa lalawigan na
magsilbing propeta ng lipunan at sumalangsang sa kanya upang maituwid ang
pagkakamali o mapunan ang kanyang pagkukulang.
Gob, kilos na! ***
No comments:
Post a Comment