Friday, February 24, 2012

Pulis nilikida sa San Rafael

MALOLOS CITY—Hindi na umabot ng buhay sa ospital ang isang pulis sa San Rafael, Bulacan matapos barilin ng dalawang suspek noong kamakalawa ng gabi.

Ang biktima ay nakillalang si SPO1 Jonathan Mendoza y Cruz, 38, residente ng  Sitio Bacood, Brgy. Tambubong, San Rafael, at nakadestino sa Camp Crame.

Ayon kay Supt. Rodolfo Hernandez, ang biktima ay kasalukuyang nakikipagkuwentuhan sa dalawang kapitbahay bandang alas-7:20 ng gabi ng dumating ang dalawamg lalaking nakasakay sa motorskilo.

Isa sa mga suspek ay agad na bumaba, nagbunot ng pistola at dalawang beses na binaril ng malapitan ang pulis habang nakatalikod.

Ayon sa mga saksi, ang mga suspek ay nakaputing t-shirt, at short pants.  Ang bumaril ay may taas na 5’6”, ay may edad na 35 hanggang 40 taong gulang.

Agad na isinugod ng mga kapitbahay si Mendoza sa Baliuag District Hospital  sa di kalayuan Brgy. Sabang, Baliuag ngunit pagdating doon ay idineklara itong dead on arrival.

Ayon kay PO3 Florante Lasco,imbestigador sa kaso, hindi pa nila matukoy ang motibo sa pagpatay.

Ngunit sinabi niya na may nakabinbing kasong concubinage ang biktima na isinampa laban sa kanya ng kanyang asawa.

Nakarekober ng pulisya ng dalawang basyo at dalawang slug mula sa kalibre .45 mula sa crime scene.

No comments:

Post a Comment