Thursday, December 6, 2012

Parola sa Pugad, kinukumpuni na




HAGONOY, Bulacan—Bago sumapit ang Pasko ay inaasahang makukumpuni na ang parola sa Barangay Pugad ng bayang ito na may pitong taon nang walang dingas.

Ito ay dahil sa naakyat na ang tuktok ng parola at naibaba ang lumang mekanismo doon at ngayon ay sinusuri na, isang linggo matapos itong bisitahin ng mga opisyal ng Sigla Movement of the Philippines (SMP).

Ayon kay Grossman Dax Uy, tagapangulo ng sangay ng SMP sa Bulacan, umaasa sila na sa Disyembre 15 ay mapapasinayaan na ang parola.

 “We are hopeful that we can install it back by December 15,” ani Uy sa isang email na ipinadala sa Mabuhay.

 Sinabi rin niya sa nasabing email na maayos na naibaba ng mga mga electrical engineers at mga technicians ng SMP ang mga lumang mekanismo ng parola sa tulong ng mga opisyal ng Barangay Pugad na.

 Ang mga lumang mekanismo para sa pagpapailaw ng parola ay sinuri ng mga mga inhinyero at technician ng SMP.

Ayon kay Uy, matapos ang masusing pagsusuri, natuklasan nila na ang lamp changer flasher, day light control at light bulb ng parola ay dapat ng palitan.

Ang  solar panel at solar battery naman nito ay kasalukuyan pang sinusuri; samantalang ang mga lumang electrical cables at iba pang mga connector at hindi na mapapakinabangan.

Matatandaan na unang natawag ang pansin ng Mabuhay sa may 80-taong gulang na parola ang larawan nito ay ilathala sa Facebook.com noong Enero 2011 ni Bernard Dave Concepcion, isang kagawad ng Pugad.

Sa pagtungo ng Mabuhay sa Barangay Pugad noong Enero 30, 2011, sinabi ni Kagawad Alfredo Lunes na anim na taon na noong hindi napapakinabangan ang nasabing parola.

Ito ay dahil sa wala ito ilaw na nagsisilbing gabay ng mga mangingisda sa Manila Bay kung gabi.

Para naman kay Ramon Atienza, kapitan ng Barangay Pugad, marami na silang nilapitang opisyal ng pamahalaan upang makumpuni ang nasabing parola na nagsilbi rin gabay sa pangingisda ng kanilang mga magulang sa Manila Bay sa mga nagdaang panahon.

Inilathala ng Mabuhay ang larawan at kuwento ng pangangailangan ng mga mangingisda na makumpuni ang nasabing parola at ng ito ay mabasa ni Gob. Wilhelmino Alvarado, agad din niya itong ipinasuri.

 Pagkatapos nito ay inihain ni Alvarado sa pulong ng Regional Development Council (RDC) ng Gitnang Luzon noong Hunyo 30, 2011 ang panukala na mapondohan ang pagkukupuni nito.

Ngunit bago ito tuluyang tanggapin ng RDC ay ipinanukala ni Mayor Donato Marcos ng Paombong na isabay na rin ang pagpapatayo ng katula dna parola sa baybayin ng kanilang bayan.

Ito ay nadagdagan pa ng panukala na magpatayo rion ng isa pang parola sa baybayin ng Obando;maging sa baybayin ng mga lalawigan ng Pampanga at Bataan; at pagpapakumpuni ng isa pang sirang parola sa baybayin ng Barangay San Roque sa bayan ding ito.

Matapos ang pagbahang hatid ng bagyong Pedring sa Bulacan noong Oktubre 2011, nagpulong ang RDC sa Kapitolyo ng Bulacan at pinagtibay ang mga panukalang pagpapakumpuni sa parola sa Pugad at San Roque at pagpapatayo ng dagdag na parola sa Obando, Paombong, Pampanga at Bataan.

Ang pinagtibay na resolusyon ng RDC ay isinumite sa Malakanyang bago matapos ang 2011, ngunit makalipas ang halos isang taon ay wala pa ring nangyari sa panukalang pagkukumpuni.

Dahil sa kalagayang ito, nagkainteres ang SMP na bigyang solusyon ang pagpapakumpuni ng parola sa Pugad matapos ang isang panayam ng Mabuhay nitong Oktubre.

Noong Nobyembre 24 ay binisita ng mga opisyal ng SMP ang parola at tiniyak na iyon ay ipakukumpuni.  (Dino Balabo)

No comments:

Post a Comment