MALOLOS—Dalawang
batas pangkalikasan ang pinagtibay ng Sangguniang Paglalawigan ng Bulacan sa
loob lamang ng halos isang taon mula 2011.
Ito
ay ang bagong provincial environment code na pinagtibay noong Hulyo 2011 at ang
ordinansang nagbabawal sa paggamit sa plastic sa lalawigan na pinagtibay nitong
nakaraang Mayo.
Katulad
ng iba pang mga batas pambansa tulad ng Clean Air Act, Clean Water Act, at
Solid Management Act, ang dalawang ordinansang nabanggit ay kapwa naglalayon na
mapangalagaan ang kalikasan sa lalawigan partikular na ang kabundukan at maging
ang mga katubigan.
Ngunit
sa kabila ng pagpapatibay sa mga nasabing batas, patuloy pa rin ang polusyon sa
katubigan ng Bulacan na ayon sa mga managingisda at namamalaisdaan ay patuloy
na lumalason sa tubig at nagpapaliit sa produksyon ng isda at iba pang lamang
tubig.
Sa
pagsasaliksik ng mamamahayag na ito, samut-sari ang naipong panukalang solusyon
para mapigil ang polusyon sa kapaligiran, partikular na sa katubigan.
Kabilang
dito ay ang mga sumusunod.
· Istriktong pagpapatupad ng Republic
Act 9003 o ang Ecological Solidwaste Act na sumasakop sa pagsisinop ng mga
basura.
· Pagtatayo ng isang toxic waste
treatment plant sa lalawigan upang ang mga waste water ng mga pabrika ay doon
linisin bago padaluyin sa mga sapa at ilog.
· Pagkontrol o pagpapatupad ng
regulasyon sa sobrang paggamit ng aqua feeds na sa itinuturing pangunahing
sanhi ng polusyon sa katubigan, sa ilog man o sa karagatan.
· At ang pagsasampa ng demanda laban sa mga
pamahalaang lokal at mga pabrika na nagsasanhi ng polusyon.
Ayon
kay Abogado Rustico De Belen, ang dating hepe ng Bulacan Environment and
Natural Resources Office (BENRO), ang patupad ng batas ay isang bukod pa sa
magpapatupad ng batas.
“Nandiyan
na ang mga batas na yan, pero ang problema ay sino ang magpapatupad at paano
ipapatupad,” tanong ni De Belen sa panayam bago siya nagbitiw sa tungkulin
noong Oktubre.
Bilang
isang abogado, ipinaliwanag niya na ang batas magkakaroon lamang ng kahulugan
at kabuluhan kung ito ay ipinatutupad.
At
dahil ang mga batas ay napagtibay na, nilinaw niya na ang mga magpapatupad nito
ay ang mga namumuno sa pamahalaang lokal, partikular na ang mga alkalde at
punong barangay.
Ngunit
ang pagpapatupad ng batas ay hindi batas ididikta sa tao upang sumunod, sa
halip ay nangangailangan ito ng sapat na impormasyon para sa epektibong
pagpapatupad.
Ito
ay nangangahulugan na kailangan isang tanggapan na nakatutok sa pangangalaga sa
kalikasan na tinukoy ng Local Government Code of 1991 bilang Muncipal
Environment and Natural Resources Office (MENRO) o CENRO para sa mga lungsod o
city.
Batay
sa tala ng BENRO, pito lamang sa 21 bayan sa lalawigan ang may na Menro, at ang
mga Lungsod ng San Jose Del Monte, Malolos at Meycauayan ay may CENRO.
Ang
mga bayang may MENRO ay ang mga bayan ng Donya Remedios Trinidad, Guiguinto,
Hagonoy, Norzagaray, Plaridel, at Sta.
Maria.
Ngunit
ayon kay De Belen, sa mga nabanggit na bayan at lungsod, tatlo lamang ang
aktibong MENRO o CENRO.
Batay
pa rin sa talang BENRO ang mga bayang walang nakatalagang MENRO ay may mga
“designated MENRO”.
Ito
ay ang mga bayan ng Angat, Balagtas, Baliuag, Bocaue, Bulakan, Bustos, Calumpit,
Marilao, Obando, Pandi, Paombong, Pulilan, San Ildefonso, San Miguel, at San
Rafael.
Ang
”designated MENRO” ay mga taong inatasan na hawakan ang responsibilidad bilang
MENRO ngunit wala pang sariling tanggapan dahil hindi pa iyon nalilikha.
Ang
mga designated MENRO ay karaniwang may ibang trabaho, katulad ni Teresita
Tetangco ng Pulilan na kung minsan ay siya ring tumatayong Municipal
Information Officer.
Ang
ibang tanggapan naman ng MENRO ay pansamantalang iniaatas sa namumuno o
kinatawan ng mga Municipal Planning and Development Office (MPDO).
“Madaliang
malaman kung seryoso ang pamahalaang lokal sa pangangalaga sa kalikasan,” ani
De Belen at iginiit na iyon ay masasalamin sa pagbuo ng tanggapan ng MENRO at
pagtatalaga ng mga tao na gagawa ng trabaho at tungkuling itinatakda ng
nasabing tanggapan.
Isa
sa mga dahilan kung bakit hindi nagbubuo ang mga pamahalaang lokal ng MENRO ay
dahil sa kabila na ito ay binabanggit ng Local Government Code, ang nasabing
posisyon ay “optional.”
Ito
ay nangangahulugan na magbuo at magtalaga ng tao sa nasabing tanggapan o hindi
ay walang lalabaging batas ang namumuno sa pamahalaang lokal.
Ngunit
ayon kay de Belen, hindi man sapilitan o mandatory ang pagbuo ng MENRO at
pagtatalaga ng mga taon mamamahala sa nasabing tanggap, lubhang kailangan ito
sa kalsalukuyan at darating na panahon.
Ito
ay dahil sa patuloy ang hamon ng mga hagupit ng kalikasan sa bawat pamayanan at
kailangan matugunan sa lalong madaling panahon.
“Paano
tutugon sa hamon ng climate change ang ating mga pamahalaang lokal kung walang
tanggapan at mga tao na mamamahala doon,” ani de Belen.
Inihalimbawa
niya na magiging madali sana ang pagpapatupad ng mga batas pangkalikasan kung
may tanggapan ng MENRO ang bawat bayan na silang mag-iipon ng impormasyon sa
kanilang lugar upang maging batayan ng pagpapatupa dng batas.
Iginiit
pa niya na dahil sa kawalan ng MENRO, hindi rin nakakapagsagawa ng mga
inspeksyon at pagbabantay ang mga pamahalaang lokal samga establisimyentong
lumalabag sa batas.
Bukod
dito, wala ring malinaw na programa nabubuo at naipapatupad para sa
pangangalaga ng kalikasan.
Ang
kakulangan ito sa kapatagan ay higit na kapansin-pansin sa kabundukan at mga
baybayong dagat.
Ayon
kay. Brother Martin Francisco ng Sagip Sierra Madre Environmental Society Inc.,
(SSMESI) napapabayaan din ang kabundukan.
Dahil
dito, patuloy ang pagkaubos ng mga punong kahoy, maging ang mga ilegal na
pagmimina at pagku-quarry sa kabundukan ng Bulacan.
Ang
mga illegal na gawaing ito ay malaki rin epekto sa katubigan at pangisdaan
dahil kapag malakas ang ulan ay natatangay ng umaagos na tubig ang putik,
kaya’t ang tubig sa kailugan ay namumula o kulay banto.
Ayon
sa mangingisdang si Rodolfo Cabangis, ang pagiging banto ng tubig sa kailugan
ay nagiging sanhi upang mamatay ang mga semiliya ng isda, at malalaki naman ay
naitataboy sa karagatan.
Bukod
sa epekto ng bantong tubig sa kailugan, binigyang diin din ni Cabangis ang mga
naaanod na basura sa kailugan.
“Sobra
ang basura lalo na yung mga plastic, iyang pumapatay sa mga isda,” ani
Cabangis.
Iginiit
niya na kung masisinop lamang ang mga basura, ay hindi ito makakapinsala sa
pangisdaan sa lalawigan.
Para naman kina Pedro Geronimo at Patrocinio Laderas, kailangan ng regulasyon sa sobrang paggamit ng aqua feeds sa mga malalaking palaisdaan sa Bulacan.
Ngunit
sa kasalukuyan ay wala pang lokal na ordinansang napagtibay sa lalawigan para
sa regulasyon ng paggamit sa aqua feeds.
Bilang
isang beteranoing namamalaisdaan, sinabi ni Laderas na sa kawalan ng batas na
nagre-regulate sa paggamit ng aqua feeds, mas makabubuti ay magsagawa ang mga
namamalaisdaan ng ‘self-regulation.”
Ito
ay nangangahulugan na sila na ang magkokontrol sa paggamit ng feeds batay sa
ipinapayo ng Buerau of Fisheries and Aquatic Resources, na ayon naman kay Lito
Lacap ay sinusunod ng ilang namamailaisdaan.
Bilang
tagapangulo ng Integrated Services for the Development of Aquaculture (ISDA),
sinabi ni Lacap na ilan sa mga kasapi
nila ay nagsasagawa na ng self regulation sa paggamit ng aqua feeds.
Gayunpaman,
inayunan niya ang panukalang pagbuo ng ordinansa ng magtatakda ng mga
pamantayan sa paggamit ng aqua feeds.
Dahil
sa walang batas na sumasaklaw at nagtatakda ng pamantayan sa paggamit ng aqua
feeds, sinabi ni Abogado Danilo Domingo na hindi ito ilegal.
Bilang
dating alkalde ng Malolos, sinabi ni Domingo na ang problemang hatid ng aqua
feeds ay nakarating din sa kanya.
Bilang
abogado, iginiit niya ang pagpapatayo ng isang toxic waste treatment plant sa
lalawigan na siyang maglilinis ng waste water ng mga pabrika.
Ipinaliwanag
ni Domingo na mas malaki ang pinsalang hatid sa palaisdaan ng mga pabrika sa
lalawigan kumpara sa mga gumagamit ng aqua feeds.
Inihalimbawa
niya ang insidente ng madalas na paglutang o pagka-gango ng mga isda sa
Labangan channel sa mga bayan ng Paombong, Hagonoy at Calumpit noong dekada 90.
Ito
ay kinumpirma din ni Alfredo Lunes, isang dating mangingisda na ngayon ay
Kagawad ng barangay Pugad sa Hagonoy.
Ayon
kay Lunes, kapag may pabrikang nagpatapon ng waste water sa ilog, nagsisilutang
ang mga isda at ang iba ay parang gusting umahin sa pampang.
Sinabi
rin ni Lunes na ang pagpapatapon ng waste water sa ilog ay karaniwang
isinasabay ng mga pabrika sa pagbuhos ng ilan katulad nong 2007.
Ayon
kay Lunes, hindi lang polusyon ang hatid ng pagpapatapon ng waste water, sa
halip ay nagtulak din ito sa tabing dagat ng tinatawag nilang “mga salot na
isda.”
Ang
tinutukoy niya ay ang mga isdang kanduli na karaniwang lumalaki sa tubig tabang
at kumakain ng maliliit na isda.
“Salot
na isda sa tabing dagat ang mga kanduli dahil kapag napasok sa baklad o lambat,
tiyak na uubusin ang isda at hipon doon,” ani Lunes na nagsabing hinuhuli din
nila ang kanduli, ngunit mababa ang presyo kapag ibinenta.
Dagdag
naman ni Cabangis, :”wala na ngang mahuli mapapasukan ka pa ng kanduli, lalong
wala kang kikitain.”
Iginiit
pa niya ang kakulangan ng pagpapatupad ng batas na inayunan nina Francisco at
Geronimo.
Para
kay De Belen, ang batas ay hindi isang “silver-bullet” na kapag ipinatupad ay
tuluyang maglalaho ang problema.
Sa
halip nilinaw niya na ito isa lamang sa maraming hakbang na dapat isagawa ng
gobyerno kung seryoso ang mga namumuno sa pangangalaga sa kalikasan.
Inayunan
ito ni Francisco na nagsabing sa dinami-dami ng batas na napagtibay, isa man ay
halos hindi nararamdaman sa mga dulong bahagi ng lalawigan tulad ng kabundukan
at baybaying dagat dahil sa kawalan ng nagpapatupad.
“Dapat
ipakita natin sa bawat mamamayan na ang batas ay batas at hindi ito butas,” ani
Francisco.
Nilinaw
niya na hanggat hindi ipinatutupad ng maayos ang mga batas, hindi magkakaroon
ng disiplina ang mga mamamayan partikular na sa pagsisinop ng basura at
magpapatuloy ang polusyon sa kailugan na papatay sa mga lamang tubig na
ikinabubuhay ng maraming Bulakenyo.
Iginiit
pa niya na ang lahat ng bagay ay magkakaugnay, ngunit katulad ng tinuran ni De
Belen, dapat magkaroon ng mga namamahala sa mga tanggapang magpapatupad ng
batas upang mapag-ugnay ng paglilingkod bayan, pangangalaga sa kalikasan,
produksyon ng pagkain at kabuhayan ng mamamayan ng Bulacan. (Dino Balabo)
(PAALALA MULA SA PATNUGOT:
Ito ang ikatlo sa tatlong ulat na bunga ng pagsasaliksik ng may akda
bilang isa sa mga kalahok sa Environmental Investigative Reporting Fellowship
sa ilalim ng International Women's Media Foundation (IWMF) na nakabase sa
Washington DC, USA. Ang may akda ay isa
sa 10 mamamahayag na sumasalalim sa isang taong fellowship training na
nagsimula noong Hunyo).
No comments:
Post a Comment