MALOLOS—Nagsimula
na ang pag-iipon ng donasyon ng mga Bulakenyo para sa mga biktima ng bagyong
Pablo sa Mindanao.
Ito
ay batay sa panawagan ni Gob. Wilhelmino Alvarado na noong Biyernes, Disyembre
7 ay kinansela ang magarbong plano para sa pag-iilaw sa higanteng Christmas
tree sa harap ng kapitolyo bilang bahagi ng pagtitipid.
Maging
ang ilaw ng nasabing Christmas tree ay tinipid upang makatipid sa gastos sa
kuryente, at ang matitipid ayon sa punong lalawigan ay ipahahatid sa mga
nasalanta ng bagyo, bukod pa sa maiipong donasyon mula sa bawat Bulakenyo at
pamahalaang lokal.
Tumugon
din ang mga alkalde sa lalawigan na makikiisa sa pag-iipon ng mga donasyon sa
kanilang mga kababayan upang idagdag na maiipon ng kapitolyo.
Kaugnay
nito, isinailalim ni Pangulong Benigno Aquino III ang bansa sa ilalim ng State
of National Calamity sa pamamagitan ng isang proklamasyon noong Sabado,
Disyembre 8.
Ayon
kay Alvarado, ang pagbibigay ng donasyon sa nasalanta ng bagyong Pablo ay hindi
lamang bilang pagbabalik ng pabok ng Bulacan sa mga biktima, kungdi isang
pakikiramay na rin.
“Noong
tayo ang nasalanta ay nagbigay din sila noong nakaraang taon at nitong Agosto.
Ito na ang pagkakataon nating gumanti sa kanilang kagandahang loob na ipinakita
sa atin,” ani ng punong lalawigan.
Bilang
patunay ng pagbibigay ng donasyon sa Bulacan ng mga pamahalaang lokal sa timog
na bahagi ng bansa ay sinabi ni Alvarado na katatanggap lamang nila ng isang
tseke mula sa pamahalaang lokal ng Cebu na nagkakahalaga ng P300,000.
“Tayo
naman ang magbibigay ngayon kasi kahit matagal ng tapos ang baha sa atin ay may
dumarating pang tulong,” ani Alvarado.
Inayunan
din ito ni Mayor James De Jesus ng Calumpit na noong nakaraang taon at nitong
Agosto ay lumubog sa baha.
Ayon
kay De Jesus nakahanda silang magbigay ng tulong at mag-iipon pa rin sila ng
karagdagang donasyon mula sa kanilang mga kababayan.
Para
naman kay Mayor Arnel Mendoza ng Bustos, magpapadala sila ng bigas upang
maihatid ng kapitolyo sa Mindanao.
Nangako
rin si Mayor Christian Natividad ng Malolos na mag-iipon ng donasyon para sa
mga biktima ng bagyong Pablo.
Baha 2011, Hagonoy |
Para
naman kay Mayor Lorna Silverio ng San Rafael na nag-iipon na rin ng mga
donasyon, maliit o malaki ang maibigay na donasyon ay malaking tulong para sa
mga biktima ng kalamidad.
Sinabi
pa niya na pabor din siya sa payak na pagdiriwang ng Pasko upang makatipid.
“Hindi
pagarbuhan ang pagdiriwang ng Pasko, dapat nating alalahaning an gating
Panginoong Hesus ay sa isang simpleng sabsaban isinilang bilang simula ng
kanyang pagtubos sa sangkatauhan,” ani Silverio. (Dino Balabo)
No comments:
Post a Comment