HAGONOY,
Bulacan—Katulad ng ibang ina, maagang gumising si Lorie Umali upang ipagluto ng
almusal ang kanyang mga supling na papasok sa eskwela.
Habang
hinihintay niyang maluto ang sinaing, sinimulan na niya ang pagpiprito ng
hotdog, ang paboritong ulam sa almusal ng kanyang mga anak na nagsisilbi ring
pangunahing pagkukunan ng protina.
Kung
minsan ay tocino o longganisa ang kanyang niluluto para sa almusal at sa
kanyang pagluluto ay nagbabalik sa kanyang balintataw na noong siya ay bata pa,
ang katulad na ulam ay ihinahahanda lamang kapag may okasyon tulad ng Pasko o
kaya ay kaarawan.
Para
kay Umali, mas madaling lutuin ang mga katulad na ulam at kung minsan ay mas
mura pa kaysa isda.
Ngunit
mayroon pang isang paliwanag hinggil sa unti-unting pagkakahilig ng mga tao sa
mga processed meat at pagbabago ng preperensiya sa pagkukunan ng protina na
halos ay hindi napapansin ng marami.
Ito
ay ang unti-unting pagbaba ng produksyon ng isda partikular na sa lalawigan ng
Bulacan na isinisisi na patuloy na polusyon sa kailugan.
Ang
pagbaba ng produksyon ng isda sa Bulacan ay nagsimulang maramdaman nng mga
mangaingisda at namamalaisdaan noong ikalawang bahagi ng dekada 90, matapos ang
mahigit 10 taon ng masaganang ani sa mga palaisdaan at panghuhuli ng mga isda
sa karagatan.
Iisa
ang sinisisi ng mga mga opisyal ng pamahalaan at ng sektor ng pangingisda sa
pagbaba ng produksyon ng isda sa lalawigan.
Ngunit
magkakahwalay ang kanilang pananaw kung ano ang higit na nagiging sanhi nito.
Para
sa mga opisyal ng pamahalaan, ang pangunahing sanhi ng polusyon sa kailugan ng
Bulacan ay ang kakulangan sa pagpapatupad ng batas para sa pagsisinop ng basura
o Republic Act 9003 na kilala rin bilang Ecological Solidwaste Act of 2000.
Inayunan
ito ng ilang mangingisda, ngunit para sa mga namamahala ng mga palaisdaang may
sukat na 50 ektarya pababa, ang pangunahing sanhi ng polusyon sa katubigan ng
mga kailugan ay ang sobra-sobrang paggamit ng aqua feeds sa mg naglalakihang
palaisdaan.
Ngunit
aliman sa dalawa ang tunay na sanhi ng polusyon, hindi pa rin maitatanggi ang
pagbaba sa taunang produksyon sa isda ng Bulacan na nakakaapekto daan-daang
libong pamilyang Bulakenyo na umaasa sa isda para pagkunan ng protina at
pagkain, at libo-libong pang pamilya na ang ikinabubuhay ay pangingisda.
Bilang
patunay ng pagbaba ng produksyon ng isda sa lalawigan ng Bulacan, sinaliksikng
mamamahayag na ito ang tala ng Bureau of Agricultural Statistics (BAS) ng
Department of Agriculture (DA) mula 2004 hanggang 2011.
Sa
unang tingin ay parang maliit lamang ang ibinababa bawat taon ng produksyon,
ngunit kung titingnan ang ibanaba sa mas mahabang panahon, ito ay nakakabahala,
bukod pa sa kalagayang ang populasyong halos 3-Milyon ng Bulacan ay tumataas ng
mahigit tatlong porsyento bawat taon.
Ayon
sa tala ng BAS, ang kabuuang produksyon sa isda ng Bulacan noong 2004 ay umabot
sa 53,804.3 metriko tonelada, na bumaba sa 40,790.91 metriko tonelada noong
2011.
Maliban
noong 2008 kung kailan ay medyo umangat ang produksyon sa 51,768.93 metriko
tonelada, malinaw sa tala ng BAS ang
pagbaba ng produksyon sa bawat taon sa loob ng walong
Bilang
isang lalawigang ang lokasyon ay biniyayaaan ng kabundukan, malapad na parang,
mahahabang ilog at malawak na dalampasigan, ang Bulacan ay pangunahing
lalawigan sa bansa sa produksyon ng bangus na pinalalaki sa mga palaisdaang ang
tubig ay brackish water o naghahalo ang tubig tabang mula sa kailugan at tubig
alat mula sa karagatan.
Ngunit
ang karangalan bilang pangunahing bangus producer ng bansa ay posibleng di
magtagal dahil sa patuloy din ang pagbaba ng produksyon ng bangus sa Bulacan.
Batay
sa tala ng BAS, umabot sa 34, 785.00 metriko tonelada ang produksyong bangus ng
Bulacan noong 2004.
Ngunit
noong 2011, ito ay bumaba sa 23,019.66 o mahigit 10,000 metriko tonelada.
Para
sa Panglalawigang Tanggapan ng Pagsasaka, ang pagbaba ng produksyon sa isda ng
Bulacan ay sanhi ng pinagsama-samang problema na patuloy na humahamon sa
industriya.
“It’s
a confluence of many factors,” ani Michael De Guzman ng nasabing tanggapan.
Sa
kanilang taunang ulat, inilahad ng tanggapan ang ilan sa mga dahilan ng pagbaba
ng produksyon ng isda sa lalawigan at kabilang ditoang epekto ng climate
change, patuloy na polusyon sa katubigan, at ang paglilipat ng gamit ng mga
palaisdaan mula sa pagpapalaki ng bangus patungo sa paggmit nito sa pagpaparami
ng fry o binhi.
Ang
iba namang palaisdaan, ayon sa ulat ng tanggapan ay lumipat sa pag-aalaga ng
sugpo mula sa pag-aalaga ng bangus.
Ngunit
ang higit na nakakabahala ay ang pagbaba ng mahigit na 70 porsyento sa taunang
produksyon ng mga namamalakaya sa Bulacan o commercial fishing sector.
Batay
sa tala ng Pangalalawigang Tanggapan ng Pagsasaka, ang produksyon ng mga
namamalakaya sa lalawigan noong 2001 ay 2,151 metriko tonelada na bumaba
sa 469,27 metriko tonelada noong 2009.
Ang
kalagayan ng pangisdaan sa Bulacan ay hindi lingid kay Dr. Remedios Ongtangco,
ang direktor ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) sa Gitnang
Luzon.
Naniniwala
si Ongtangco na maraming dahilan ang polusyon sa katubigan, ngunit mas
naniniwala siya na iyon ay sanhi ng kakulangan sa pagsisinop ng basura.
Ipinaliwanag
ng direktor na ang isda ay nabubuhay sa tubig at kailangan nito ng malinis na
tubig.
Ayon
kay Ongtangco, ang kalidad ng tubig ay nakakaapekto sa lahat ng lamang tubig,
nasa karagatan man o sa mga palaisdaan.
Sa
panayam, nilinaw niya na ang susi para sa malinis na tubig ay nasa pagpapatupad
ng batas sa pagsisinop ng basura.
“Our
local government units are the ones responsible for waste anagement and unless
the truly implement it, our fish production will aways be threaten,” aniya.
Inayunan
ito ni Abogado Rustico De Belen, ang dating hepe ng Bulacan Environment and
Natural Resources Office (BENRO) ng kapitolyo ng Bulacan,
Inamin
ni De Belen na ang di pagsisinop ng basura at kakulangan sa pagpapatupad ng RA
9003 ng mga pamahalaang lokal tula dng mga bayan, lungsod at mga barangay ang
mga pangunhing sanhi ng polusyon sa katubigan.
Bilang
halimbawa, binanggit niya ang mga basurang plastic na karaniwang makikita sa
mga sapa, ilog at iba pang daang tubig sa lalawigan.
Ngunit
para sa beteranong namamalaisdaan na si Pedro Geronimo ng Barangay Sto. Rosario
sa bayang ito, hindi lamang basurang di nasinop ang sanhi ng polusyon.
Sa
panayam, binigyang diin niya ang sobrang paggamit ng mga aqua feeds ng mag
malalaking palaisdaan sa lalawigan.
“Semi-intensive
pa lang yung sistema nila, pero apektado na ang maliliit na palaisdaan at mga
mangingisda kapag nagpatapon ng tubiga ng mas malalaking palaisdaan,” ani
Geronimo.
Ang
kanyang tinutukoy ay ang mga namamahala sa mga palaisdaang mahigit 50 ektarya
ang lawak, na kung minsan ay umaaabot pa sa 1,000 ektarya.
Kinumpirma
din ito nina Patrocinio Laderas at Lito Lacap.
Si
Laderas ay isang beteranong namamalaisdaan sa bayang ito na nagsilbong Bokal sa
mula 2001 hanggang 2010, samantalang si Lacap ay pangulo ng Integrated Services
for the Development of Aquaculture (ISDA), isang samahan ng mga namamahala sa
malalaking palaisdaan sa Bulacan at ibang bahagi ng Gitnang Luzon.
Ayon
kay Laderas, kapag kumikita ang mga namamalaisdaan, naiingganya ang mga ito na
bumili pa ng mas maraming palaisdaan upang mapalawak ang negosyo.
Ngunit
ayon sa kanya, kapag sumobra ang lawak ang palaisdaang pinamamamahalaan, doon
nagkukulang sa akmang pamamahala.
“Nagiging
bahala na ang sistema, hindi scientific,” ani Laderas.
Iginiit
niya na simula dekada 80 ay higit na lumakas ang industriya ng pamamalaisdaan
sa bayang ito, ngunit pagdating ng 1995, napilitan siyang ilipat ang operasyon
niya sa Bikol dahil mas malinis ang tubig doon.
“Marumi
na ang tubig sa Bulacan kaya lumipat ako sa Bikol, pero di nagtagal nagkaroon
din ng mga minahan sa Bikol at naperwisyo palaisdaan ko,” ani ng dating Bokal.
Katulad
ni Geronimo isa sa tinukoy ni Laderas na sanhi ng polusyon ay ang sobrang
paggamit
ng aqua feeds.
Hindi
naman itinanggi ito ni Lacap, sa halip ay sinabi niya na nagsisimula ng magbago
ng pamamaraan sa pamamalaisdaan ang kanilang mga kasapi.
Ayon
kay Lacap, nagbibigay ng patlang ang mga kasapi nila sa paggamit ng pamamaraang
tradisyunal at intensive fish farming.
Ngunit
para kay De Belen, ito ay bahagi lamang ng mas malawak na problema sa basura,
at iginiit na ”they might be correct that excessive use of aqua feeds is a
factor in
water
pollution, but poor waste management remain as primary factor.”
Upang
tugunan ang problema sa basura sa lalawigan, sinabi ni De Belen nagsagawa sila
ng isang summit para sa Provincial Solidwaste Management Board upang bigyang
direksyon ang mga mabababang pamahalaang lokal.
Ayon
kay De Belen, “nasa mga bayan, lungsod at barangay pa rin ang bola sa
solidwaste management, kasi sa kapitolyo hanggang sa technical guidelines lang
kami, sila pa rin ang pagpapatupad ng batas.”
Sa
kabila naman ng summit, hindi pa rin halos kumilos ang mas nakakararaming
pamahlaang lokal sa lalawigan.
Bilang
patunay, sinabi ni De Belen na marami pa rin bayan sa lalawigan ang gumagamit
ng open dumpsite, ang iba sa mga ito ay malapit sa katubigan.
Itinatakda
ng Implementing Rules and Regulation ng RA 9003 na ang mga basurahan o sanitary landfill ay dapat
mahigit 50 metro ang layo sa mga tubig.
Una
rito, kinondena ni Obispo Pablo David ng Pampanga ang patuloy na operasyon ng
mga open dumpsite sa Gitnang Luzon.
Sa
kanyang talumpati sa mga dumalo sa isinagwang environmental summit para sa mga
guro na isinagawa sa La Consolacion
University-Philippines (LaCUP), hinikayat din ni David ang mga lumahok na
idimanda ang mga pamahalaang lokal na di sumusunod sa RA 9003.
Ito ay bilang tugon sa mas naunang pahayag ni Lormelyn Claudio, ang direktor ng Environmental Management Bureau (EMB) sa Gitnang Luzon na nagsabing hindi nila basta makasuhan ang mga pamahalaang lokal dahil kasama nila ito sa pagpapatupad ng batas.
Ayon
kay Claudio, mahigit na sa 80 pamahalaang lokal sa Gitnang Luzon ang nagpahayag
na ipatutupad ang RA 9003 matapos nilang balaan ang mga ito na sasampahan ng
kaso. (Dino Balabo)
No comments:
Post a Comment