Wednesday, December 28, 2011

Bulacan nagbigay ng P400, 000 sa Iligan at Cagayan de Oro


 
LUNGSOD NG MALOLOS- Sa pangunguna ni Gob. Wilhelmino M. Sy-Alvarado, nagbigay ang Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan ng P200, 000 kapwa sa Pamahalaang Lungsod ng Iligan at Cagayan de Oro para sa mga biktima ng bagyong Sendong. 

Binanggit ni Alvarado na ang nasabing cash donations ay para makatulong sa relief operations sa libo-libong residente naapektuhan at namatayan dulot ng pagbaha.

 “Ngayon ang pagkakataon para ibalik ng ating lalawigan ang tulong na ibinigay sa atin. Ngayon ang ating pagkakataon para makatulong na kahit sa konting halaga ay maiparamdam natin sa kanila ang ating simpatiya,” wika ni Alvarado.

Idinagdag pa niya na tulad ng nga lalawigang nasalanta ng bagyo kamakailan, nakaranas din ang Bulacan, partikular na ang Hagonoy at Calumpit, ng hagupit ng bagyong Pedring at Quiel. Nakatanggap din ang lalawigan ng mga donasyon at tulong mula sa pamahalaang nasyunal, lokal na pamahalaan, non-government organizations at international organizations.

Tinanggap nina Iligan City Mayor Lawrence Lluch Cruz at Mayor Vicente Emano ng CDO ang ang nasabing donasyon na dinala nina Political Affairs Consultant Vicente Cruz, Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council (PDRRMO) Executive Officer Felicisima Mungcal, Dr. Jocelyn Gomez ng Provincial Public Health Office (PPHO) at Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO) Assistant Department Head Norma Luarca.

Tinatayang 108,798 pamilya o 695,195 indibidwal ang naapektuhan ng bagyong Sendong at nasa evacuation centers pa rin ang 14, 089 pamilya o 69, 287 indibidwal. ###

No comments:

Post a Comment