Friday, December 9, 2011

EDITORYAL: Kabalintunaan ng Pasko

Pasko sa kapitolyo ng Bulacan.



Pasko na naman at abala na naman ang marami sa atin kung paano gagastusin ang naipong salapi.

May mga nagpaplano kung anong unit ng cellular phone, laptop at iba pang kagamitang elektroniko ang bibilhin; ang iba naman ay magagarang damit, sapatos at iba pang abuloryo sa katawan.  Samantalang ang iba nag-aapura sa pagpapaganda ng kanilang bahay, at pagdadagdag ng mga kagamitan tulad ng bagong telebisyon, microwave oven, refrigerator, maging mga sopa at kurtina.

Maging an gating mga lokal na pamahalaan ay abala rin.  Kanya-kanyang dekorasyon sila mga gusaling pampamahalaan, may nagtatayo ng mga nagtataasang Christmas tree, may nagsasabit ng di mabilang na parol maging sa mga poste sa langsangan.  Ang mga ito ay karaniwang napapalamutian ng libo-libong bumbilya ng ilaw na may ibat-ibang kulay.

Bukod sa mga ito ay ang sunod-sunod na pagsasagawa ng makukulay na Christmas party na tinatampukan kantahan, sayawan, mga palaro, kainan, at maging inuman.

Pangkaraniwang tanawin na ito sa ating mga pamayanan at mga tanggapan kung buwan ng Disyembre bilang bahagi ng pagsalubiong at pagdiriwang ng Pasko, ang araw ng pagsilang ng ating dakilang Mesiyas, ang anak ng Diyos na si Panginoong Hesu-Kristo.

Sa isang banda, ang magagarbong pagdiriwang na ating ginagawa kapag nalalapit ang Araw ng Pasko ay isang kabalintunaan sa pinatutungkulan ng ating pagdiriwang.

Balikan natin ang tala sa Bibliya na karaniwang inilalarawan sa mga belen na ating namasda mula pa noong tayo ay bata.  Hindi ba’t ang Mesiyas ay isinilang sa isang sabsaban kung saan ang sapin sa kanyang likod bilang sanggol ay mga dayaming pagkauin ng mga hayop na doo’y nakatira?

Hindi ba’t isang kabalintunaan ang kalagayan na ang Mesiyas na Anak ng Diyos na may Likha sa lahat, at tagapagligtas ng bawat isa sa atin ay sa isang koral ng mga hayop isinilang, samantalang ang kanyang karangalan bilang Anak ng Diyos ay sapat upang siya ay isilang sa pinakamarangyang palasyo sa mundo?

Sa madaling salita, ang diwa ng pagsilang ng Mesiyas, at pagdiriwang ng Pasko ay simple at puspos ng kababaang loob.  Ang tanong, bakit tayo nagpipilit na ilayo ang diwa ng ating pagdiriwang sa tunay na diwa ng kanyang pagsilang at pakikipag-isa sa atin?

Totoo.  Binalot na ng pagiging magteryoso ang bawat isa sa atin.  Nalimutan nagtin ang tunay na diwa ng Pasko---ang kababang loob at pagmamahalan.  Ito ay dahil nakabitaw tayo sa yakap ng Panginoong Diyos na sa bawat pagkakataon na tayo ay nagigipit ay sumasaklolo sa atin.  Iisa ang dahilan, nalambungan ang isipan natin ng kasinungalingang hatid ng materyalbagay sa mundo at pinatigas ang puso ng bawat isa.

 Hindi pa huli ang lahat, may pagkakataon pa upang magbalik loob tayo sa Panginoong Diyos.  Siya ay laging nakamasid sa atin at naghihintay na tayo ay magbalik loob katulad ng alibughang anak.

Samantalahin nating ang kapaskuhang upang ituwid an gating pagkakamali at magbalik loob sa Kanya, upang ang ating Pasko ay tunay na maging maligaya at puspos ng biyaya.

No comments:

Post a Comment