Saturday, December 24, 2011

Bulacan pyro makers handang magdonasyon sa biktima ng kalamidad




MEYCAUAYAN CITY, Bulacan—Tutol ang mga kasapi ng Philippine Pyrotechnics Manufacturers and Dealers Associations Inc., (PPMDAI) sa panawagan ni Health Secretary Enrique Ona na i-donasyon na lamang sa mga nabaha sa Mindanao ang ipambibili ng paputok.

Ayon kay Vimmie Erese, pangulo ng PPMDAI, maging ang mga kasapi nila ay naghahanda ring magpahatid ng mga donasyon sa mga biktima ng kalamidad sa mga Lungsod ng Cagayan De Oro at Iligan sa Enero.

Iginiit pa niya na nakahanda rin ang PPMDAI na i-donasyon ang bahagi ng kanilang kikitain sa taong ito sa mga biktima ng kalamidad, bukod sa pangungulekta nila ng donasyon sa mga mamimili ng paputok.

Ngunit ang planong ito ay nakadepende sa magiging benta nila ng mga paputok sa nalalapit na pagsalubong sa Bagong Taon.

“Paano kaming makapagbibigay ng mas malaking donasyon kung kakaunti ang mamimili ng produkto namin,” ani Erese.

Iginiit niya na maging mga kasapi ng PPMPDAI ay kabilang sa mga nabaha, partikular na sa Bulacan noong Setyembre at Oktubre, at sa Mindanao nitong nakaraang linggo.

Ayon kay Erese, ikinagalak na nilang ang paglulunsad ng kampanyang Aksyon Paputok Injury Reduction (APIR) ng ng Department of Health (DOH) nitong unang Linggo ng Disyembre, dahil iyon ay pabor sa industriya.

Sinabi niya na ang panibagong panawagan ni Ona na i-donasyon na lamang ang pambili ng paputok sa mga biktima ng kalamidad sa Mindanao ay maituturing na panibagong dagok sa kanilang industriya.

“Parang panibagong kalamidad ito, hindi pa kami nakakabangon dahil sa pagbaha sa Bulacan at Mindanao, may panibagong panawagan na naman laban sa industriya ng paputok,” ani Erese.

Binigyang diin niya lalong mahihirapang makabangon at makabawi sa nalusaw na puhunan ang mga kasapi ng PPMDAI na kasamang nasalanta ng kalamidad sa Mindanao at Bulacan.

Una rito, sinabi ni Erese na hindi maganda ang sitwasyon sa industriya ng paputok sa taong ito  dahil nabawasan pa ang bilang ng mga gumagawa.

Ito ay dahil sa tumaas ang presyo ng mga kemikal na gamit sa paggawa ng paputok.

Kaugnay nito, nananatilingmatumal ang bentahan ng paputok sa mga bayan ng Bocaue at Baliuag sa Bulacan, ang mga itinuturing na “Divisoria” ng paputok.

Ito ay dahil na rin sa mga sunod-sunod na kalamidad na nanalasa sa bansa sa taong ito.

No comments:

Post a Comment