MALOLOS CITY—Mas pinaigting ng Northern Luzon Command (Nolcom) ang pagbabantay laban sa rebeldeng New People’s Army (NPA) sa kabila ng pagdedeklara ng suspension of offensive military operations (SOMO).
Ito ay dahil sa insidente ng pagsalakay ng mga diumano’y rebelde sa Red Dragon Farm na matatagpuan sa Sitio Sapang Kuran, Brgy. Moriones, San Jose Tarlac noong Martes..
Ayon sa pahayag na ipinalabas kahapon ni Captain Jovily Carmel Cabading, tagapagsalita ng Nolcom dapat manatiling mapagbantay ang kasundaluhan.
Ito ay dahil sa habang ang buong bansa ay abala sa paghahatid ng tulong sa mga nasalanta ng kalamidad sa Minanao ay isang grupo na nagpakilalang mga kasapi ng rebeldeng NPA ang sumalakay sa Red Dragon farm sa Tarlac.
“Nakakalungkot po ang ganitong pangyayari lalo na at malapit na ang Pasko. Imbes na tumulong sila sa nangangailangan, pinagsasamantalahan pa nila ang kanilang kapwa, Ang AFP nga po ay nagsuspinde pa ng offensive military operation upang lahat ay magkaroon ng pagkakataon na makasama ang kanilang mahal sa buhay sa panahon ng kapaskuhan,” ani Cabading
Batay sa ulat ng Nolcom, sumalakay sa farm ang may 13 armadong kalalakihan na nagpakilalang NPA at dinisarmahan ang mga guwardiyang sina Leo Molina, Jonathan Lactaotao at Onofre Pagaduan.
Tinangay ng mga armadong kalalakihan ang mga baril at two way radio ang mga guwardiya, at ang cellular phone ng isang Engineer Bunagan.
Bago tuluyang tumakas ang mga armado, sinunog pa ng mga ito ang generator ng farm na nagkakahalaga ng P200,000.
Ayon kay Cabading, posibleng gamitin ng mga armado s amga ilegal na gawain ang mga nasamsam na baril.
Iginiit pa niya na sa mga nagdaang panahon ay nagsasagawa ng mga panghoholdap ang mga rebeldeng NPA.
Una rito, nagdeklara ng ceasefire ang Armed Forces of Philippines na nagsimula noong Disyembre 16.
Tinugon naman ito ng pagdedeklara ng unilateral ceasefire ng Communist Part of the Philippines (CPP), na magsisimula sa Disyembre 24 at matatapos sa ika-26 ng Disyembre.
Ito ay bilang bahagi ng pagdiriwang ng ika-43 taong pagkakatatag ng CPP sa Disyembre 26.
Para sa Bagong Taon, nagdeklara din ng cease fire ang CPP na magsisimula sa Disyembre 31 at matatapos sa Enero 2.
No comments:
Post a Comment