Sunday, December 11, 2011

Bustos sculpture garden, dinarayo

Marker ng Bustos Sculpture Garden.



BUSTOS, Bulacan—“Pumasyal kayo sa amin.”

Ito ang mga salitang namutawi sa labi ni Mayor Arnel Mendoza ng bayang ito pagkatapos ng isang panayam noong Nobyembre 8.

Sa himig ng paanyaya ng alkalde, parang may nais isang ipakita na importante at maipagmamalaki.

Naramdaman iyon ng mamamahayag na ito kaya’t nagtanong kung ano ang kakibang bagay na nais ipakita ng alkalde.

“Basta, pumasyal lang muna kayo sa park sa harap ng munisipyo, makikita ninyo,” aniya at iginiit pa na mas mabuting makita muna iyon upang mas maging madali ang susunod na panayam na naganap naman noong Diyembre 6.

Naging palaisipan ito sa mamamahayag na ito at mga kasamang mamamahayag dahil di lamang isang beses na nakita nila bakuran ng munisipyo ng bayang ito.

Ang totoo, ang bakuran ng munisipyo ng Bustos ay isa sa mga pinakamagandang bakuran ng pamahalaang bayan o lungsod sa buong lalawigan.

Malawak iyon at may mga nakatanimna naglalakihang puno ng akasya na nagsisilbing lilim, tag-ulan man o tag-araw.  

Sa harap ng gusali ng pamahalaang bayan matatagpuan ang Bustos Gymnasium at sa tabi nito ay ang Bulacan Military Area (BMA) Park kung saan matatagpuan ang bantayog ni dating Gob. Alejo Santos, ang lider ng mga sundalong  Bulakenyo na lumaban sa mga Hapon noong ikalawang digmaang pandaigdig.

Bago matapos ang 2010 ay namasdan pa ng mamamahayag na ito ang nakapanlulumong kalagayan ng BMA Park.  Talop na ang pintura sa bantayog ni Gob. Alejo Santos, at may sira ang ilang bahagi nito na isang palantandaan na matagal na napabayaan.

Bukod sa pagiging bilaran ng pinatutuyong butil ng palay, halos ay wala ng gamit ang BMA Park sa panahong iyon.

Kung ang dating larawan ng BMA Park ay maihahalintulad isang limot na lugar, ito ay punong-puno ng buhay ngayon.

Mga bisita sa Bustos Sculpture Garden.

Tuwing Lunes, Miyerkoles, Biyernes at Sabado ng hapon ay may mga banda ng musiko na tumutugtog doon bilang bahagi ng kanilang pagsasanay o praktis.

Bukod sa mga ito, may iba pang atraksyon ngayon sa BMA Park at sa ibang bahagi ng bakuran ng munisipyo ng Bustos.

Ito ay ang Bustos Sculpture Garden, ang kauna-unahang hardin ng mga gawang sining di lamang sa lalawigan, kungdi sa buong Gitnang Luzon.

Ang mga gawang sining na matatagpuan sa Bustos Sculture garden ay mga obra o nililok ni Conrado “Dedeng” Mercado Jr., ang natatanging anak ng Bustos sa larangan ng sining.

Si Dedeng ay ang bunsong anak ng dating administrador ng National Irrigation Administration (NIA) na si Inhinyero Conrado Mercado Sr., na nagmula sa Brgy. Bonga Menor ng bayang ito.

Siya ay isang premyadong iskultur or manlililok at pintor; siya rin ang kauna-unahang pangulo ng Society of Philippine Sculptors.

Si Dedeng ay isinilang noong Oktubre 20, 1945, at pumanaw noong Pebrero 27, 2010.

Bilang isang manlililok, si Dedeng ay hinangaan sa kanyang mga naglalakihan o free standing na gawang sining na yari sa metal.

Sa katunayan, ang mga obra ni Dedeng at ng kapatid na Portia ay ipinagkatiwala sa pamahalaang bayan ng Bustos at mamamasdan anumang oras sa loob ng bakuran ng munisipyo na ngayon ay tinagurian bilang Bustos Sculpture Garden.

Katuwaan sa Bustos Sculpture Garden.
Sa kabuuan, 18 gawang sining ng magkapatid na Mercado ang matatagpuan sa Bustos Sculpture Garden, na ayon sa pagtaya ni Mayor Mendoza ay nagkakahalaga ng hindi bababa sa P10-Milyon.

“Isang malaking karangalan para sa bayan ng Bustos ang pagkakaloob ng pamilya Mercado sa obra maestro ni Dedeng,” ani Mendoza.

Sa panayam nitong Martes, Disyembre 6, sinabi ni Mendoza bago pumanaw si Dedeng noong nakaraang taon at inasam nito na ang kanyang mga gawang sining ay mailagay sa isang park.

Dahil dito, inialok ni Mendoza ang bakurang ng munisipyo ng Bustos kasama ang bahagi ng BMA Park upang paglagakan ng mga obra ni Dedeng.

“Kami na ngayon ang may responsibilidad na pagme-maintain ng mga sculture niya,” ani Mendoza matapos mapasinayaan ang noong nakaraang Oktubre 10 ang Bustos Sculpture Park, kung saan ay matatapuan ang malalaking gawang sining ng magkapatid na Mercado na nakapatong sa mga pundasyong kongkreto.

Sa kasalukuyan, sinabi ng alkalde na ang Bustos Sculpture Park ay dinarayo di lamang ng mga Bustosenyo, kungdi ng mga mag-aaral mula sa ibat-ibang paaralan.

Ito ay dahil na rin sa mga gawang sining ng magkapatid na Mercado ay pawang nakakabighani at nakapagbibigay ng inspirasyon, ayon sa alklade.  (Dino Balabo)

No comments:

Post a Comment