Wednesday, December 21, 2011

Editoryal: Pampahaba ng buhay



Hindi maitatanggi na isa sa pangarap ng bawat isa ay mahabang buhay sa mundong ito, ngunit, hindi lahat ay napagkakalooban ng biyayang iyan.

Sinasabing ang edad na 70 hanggang 80 ay hinog, ngunit sa paglipas ng dahon ng buhay, may mga taong binabawian ng buhay sa edad na 25, 30, 40, o 50 dahil sa pagkakasakit.

Sa kalagayang ito, masasabing tunay na mapalad si Fortunato “Tatay Tato” Sanchez Sr., ng Brgy.. Paco, Obando, hindi lamang sa siya at kanyang pumanaw na maybahay ay biniyayaan ng 10 supling, may 50 apo, at mahigit sa 70 apo tuhod; kungdi dahil na rin sa naipagdiwang pan niya ang kanyang ika-100 kaaranwa noong Linggo, Disyembre 11.

Simple ang lihim ng mahabang buhay ni Tatay Tato: Matapat na relasyon sa Diyos na masasalamin sa kawalan ng mga bisyong tulad ng pag-inom ng alak at paninigarilyo.

Ngunit ang mga ito ay nakasalalay sa personal niyang disiplina.  Hindi pa kasama rito ang kapaligirang kanyang ginagalawan na ang kadalang may kontrol ay ang mga namumuno sa pamahalaan sa pamamagitan ng pagpapatupad ng mga polisiyang akma at napapanahon.

Ilan sa mga halimbawa ng kapangyarihang nasa kamay ng gobyerno ay ang pagkontrol sa pagpapatapon ng tubig mula sa Angat Dam na kung sosobra ay magbubunga ng pagbaha na kung hindi maging sanhi ng pagkasawi ng buhay ay pagkasalanta naman ng ari-arian at mga pananim.

Bahagi rin ng kapangyarihan ng gobyerno maging ng mga pamahalaang lokal ay ang pagsasagawa ng mga inisyatiba upang ihanda ang sambayanan sa mga epekto ng climate change o pagbabago ng klima ng mundo na dulot ng global warmin o pag-init ng mundo na isa sa mga pangunahing dahilan ay ang pagbubuga ng usok lalo na ng greenhouse gas (GHG) sa himpapawid.

Ang malungkot, kung minsan ay iniaasa nating lahat sa gobyerno ang pagbuo ng mga plano at mga inobasyong titiyak sa mas maunlad at kaaya-ayang kapaligiran natin.  Nakakalimutan nating, bilang mga mamamayan at residente ng mundong ito, bawat isa sa atin ay binigyan ng sari-sariling kakayahan upang makapagbigay ng kanyang kontribusyon.

Sa kalagayang ito, kinikilala rin natin ang kontribusyong inobasyon ni Inhinyero  Alex Canoza ng SM City Baliuag.  Siya ang nanguna sa pagbuo ng pamamaraan upang higit na makatipid sa kuryente ang mall, na nagresulta sa katipiran sa ibinubugang GHG sa himpapawid ng mga planta ng kuryente.

Sa diwang ito, ang dapat nating isipin ay hindi lamang kung paano pahabain ang ating buhay, kundi kung paano natin ito higit na gagawing makabuluhan hindi lamang para sa ating mga sarili at mga anak, kungdi para sa susunod na salinlahing Bulakenyo.
Disiplinahin ang ating sarili. Maging aktibo sa pagtawag pansin sa gobyerno.  Gamitin ang kakayahan upang makapagbigay ng kontribusyon.  At higit sa lahat, huwag makakalimot sa Diyos na nagtiwala sa atin na pangangalagaan ang mundong minana natin sa ating mga ninuno na siya ring ipamamana natin sa susunod na salinlahi.

No comments:

Post a Comment