Kay bilis nalagas ng dahon ng panahon, walong taon na pala
ang Promdi sa Mabuhay na nagdiriwang naman ng ika-32 taon ng paglalathala
ngayong Enero 20.
Ngunit sariwa pa
alaala ng Promdi ang katanungan ni Perfecto “Ka Peping” Raymundo matapos niya akong ipatawag sa
tanggapan ng Bulacan Press Club (BPC) isang umaga noong Enero 2004.
“Gusto mo bang magsulat sa Mabuhay,” bungad ni ka Peping,
isa sa mga orihinal na nagtatag ng pahayagang Mabuhay, at kasalukuyang
Associate Editor nito.
Walang gatol na “opo” ang aking tugon dahil sa isang
karangalan ko ang mapabilang sa Mabuhay na noo’y isa ng premyadong pahayagan na
naglilingkod sa Bulacan.
Kinabukasan ay iniharap ako ni Ka Peping kay Jose Leetai Pavia na mas kilala sa kanyang
mga inisyal na JLP. Siya ang tagapagtatag at punong patnugot ng Mabuhay na
yumao noong Abril 18 nitong nakaraang taon.
Mahigit dalawang oras din ang paghaharap naming tatlo na
tinampukan ng “job interview” at kauna-unahang “journalism lecture” sa akin ni
JLP.
“Akala ko uurong ka na,” biro sa akin ni Ka Peping habang
umiinom ng beer sa isang beer garden sa Bocaue matapos ang ang aking job
interview. Pagdiriwang daw iyon para sa
aking pagpasok sa Mabuhay. Nakakainom pa ng beer noon si Ka Peping kaya siya
ang nagbayad.
Sa mga sumunod na araw, nagsimula na ako sa pagsusulat ng
balita para sa Mabuhay, at bawat linggo ay tinatampukan ng panibagong lecture
ni JLP, kahit sa telepono.
Kapag nagkita kami ni JLP, sa opisina man o sa mga dinaluhan
naming mga pagsasanay, wala pa ring tigil ang kanyang mga lecture.
Unang pagsasanay sa civic journalism na aking nadaluhan ay ginanap
sa Batangas noong Hunyo 2004, at ito ay nasundan pa ng di ko mabilang na
pagsasanay pa.
Hindi ko malilimutan ang pagkakataong iyon. Papunta pa lamang kami sa Batangas ay naglelecture
na si JLP, pagdating sa seminar ay iba na ang naglecture. Pagkatapos ng dalawang araw,’ni-review’ naman
niya ko sa natutunan ko sa lecture.
Siyempre, parang
oral exam sa klase, at yung mga kulang, dinagdagan pa niya ng kanyang lecture.
Ang totoo, hindi
lang ako ang nakaranas ng katulad na mga pagkakataon kay JLP. Maging si Joey Aguilar ng Punto Central Luzon
na madalas kong kasama sa pagsasanay ay ‘naluto’ rin sa mga lecture ni JLP
habang kami ay nasa biyahe, o kaya ay kung gabi matapos ang maghapong seminar.
Sa pananaw ng iba ay paulit-ulit na lang ang lecture, para
daw nakakabugbog ng isipan. Ngunit para
sa amin ni Joey, isang magandang pagkakataon iyon upang higit na matuto at
maunawaan ang mga itinuro sa mga seminar.
Kung tutuusin, hindi naman nasayang ang mga oras na ginugol
ni JLP sa paglelecture sa akin.
Ito ay dahil mula
ng ako ay mapabilang sa mga bumubuo ng pahayagang Mabuhay noong 2004 ay lima ng
parangal at pagkilala sa pamamahayag ang aking natanggap.
Kabilang sa aking mga parangal na tinaggap ay ang Regional
Science and Technology Award mula sa Philippine Science Journalist Inc.,
(Pscijourn) noong 2005.
Nasundan pa ito ng plake ng pagkilala mula sa United Nations
Children Emergency Fund (Unicef) at Philippine Press Institute (PPI) para sa
bird flu reporting noong 2006.
Bukod sa mga ito ay ang tatlong journalism fellowship na
aking tinanggap mula 2006 hanggang sa taong ito.
Ito ay ang PPI-The Coca-cola Export Corporation (TCCEC)
Civic Journalism Fellowship na ipinagkaloob sa Cebu noong 2006; Jaime V. Ongpin
Journalism Fellowship na ipinagkaloob ng Center for Media Freedom and
Responsibility (CMFR) noong Hunyo 2010; at Probe Media Foundation Journalism
Fellowship na ipinagkaloob nitong Mayo sa Cebu.
Sa panahon naman ng aking pamamahayag sa Mabuhay, anim
namang parangal at pagkilala ang tinanggap ng pahayagang ito mula sa PPI.
Ito ay ang mga parangal na Best in Photo Journalism sa mga
taong 2005, 2008, at 2010; at Best Edited Paper na ipinagkaloob para sa mga
taong 2007, at 2010.
Bukod dito, tumanggap din mula sa PPI ng citation para sa
civic journalism ang Mabuhay noong 2008.
Ang mga parangal at pagkilalang ito ay bahagi lamang ng
patuloy na paglalakbay ng Mabuhay para sa mataas na antas ng pamamahayag.
Ito raw ay hatid ng kahusayan ng isang mamamahayag, ngunit
ang totoo, maging ang parangal na aking tinanggap ay hindi hatid lamang ng
aking personal na kakayahan.
Ito ay dahil sa anuman ang antas ng aking kakayahan ngayon,
ito ay bunga lamang ng mahabang panahon ang mga pagasasanay at lecture na hatid
ng PPI at ni JLP sa akin.
Si. JLP ang naging mentor o gabay noon, at ako ang kanyang
masunuring mamamahayag. Ngayong siya ay
yumao na, ang kanyang mga aral at ang pulso ng mamamayan ang patuloy na
magiging gabay ko sa higit na mataas na antas ng pamamahayag.
Bukod dito, hindi rin maisasantabi ang kontribusyon ng iba
pang lalaki at babae sa likod ng mga pahina ng pahayagang Mabuhay. Kung hindi
sa kanilang matiyagang paglilingkod, ang lingguhang sipi ng Mabuhay na
inaabangan ng mga suking mambabasa ay hindi makakarating sa oras.
Sila po ang mga nasa “behind the scenes” matiyagang
naglalapat ng mga corrections, at ang iba naman ay nagde-deliver ng sipi sa
inyong mga paboritong tindahan.
Samantalang nagkataon na ako ang nasa “frontline” ng pagbabalita.
Sa madaling salita, ang karangalang aking tinanggap ay
karangalan din nila. Iisa po kaming
koponan, isang pamilya, isang pahayagan. Kami ang Mabuhay. Pero, siyempre ang
lagi naming sigaw ay Mabuhay po tayong lahat!
No comments:
Post a Comment