Wednesday, January 11, 2012
Kumpiskadong hot lumber, pakinabang sa DepEd
LUNGSOD NG MALOLOS – Nakatakdang makinabang ang Department of Educa-tion (DepEd) sa Bulacan sa mga pinutol na punong kahoy sa loob ng Angat Dam Watershed.
Ito ay dahil planong idonasyon ng kapitolyo sa mga pampublikong paaralan sa lalawigan ang mga silyang magagawa mula sa mga nakumpiskang tablon o mga tinitistis na troso.
Ang planong ito ay inihayag ni Gob. Wilhelmino Alvarado sa isang panayam sa kanyang tanggapan kamakailan.
Ayon sa gobernador, malaki pa ang kakulangan ng mga silya sa mga pampublikong paaralan sa lalawigan, at maging sa mga silid aralan.
“We will donate confiscated lumber to DepEd para pakinabangan,” ani Alvarado.
Iginiit pa ni Alvarado na ang mga nakumpiskang tablon na umaabot sa mahigit na 2,580 board feet ay nasa ilalim ng pag-iingat ng Department of Environment and Natural Resources (DENR).
Nakipag-ugnayan na ko sa DENR, at pag natapos ang adjudication sa mga nakumpiskang tabla ay ibibigay natin sa DepEd.
Ayon sa gobernador, halos hindi gagastos ang kapitolyo sa pagpapagawa ng silyang idodonasyon sa DepEd.
Ito ay dahil may kontratista na gumagawa ng mga silya.
“Ibibigay na lang natin sa kanila yung materyales o tabla at sila na bahala ang magpagawa,” ani Alvarado.
Gayunpaman, sinabi niya na dapat bantayan ang pagpapagawa upang matiyak na ang mga nakumpiskang tablon ay makakarating sa DepEd.
Sa kasalukuyan, nanatiling mataas ang kakulangan ng silya at silid aralan sa mga pampublikong paaralan sa lalawigan dahil sa patuloy na paglobo ng populasyon ng lalawigan na tinatayang umaabot na sa 3.2-milyon.
Batay naman sa projected population growth rate ng National Statistics Office (NSO) noong 2000, umaabot sa 4.98 percent ang population growth rate ng lalawigan.
Ito ay hindi lamang sa regular na panganganak ng mga residente, kundi dahil na rin sa migration o pagdami ng lumilipat ng tirahan sa lalawigan.
Matatandaan na noong nakaraang linggo ay nadiskubre ng mga kasapi ng National Power Corporation Angat Watershed Area Team (Napocor-Awat) ang mga tinitistis na tablon di kalayuan sa Ipo Dam Watershed sa bayan ng Norzagaray.
Ang mga nasabing tablon ay tinatayang pinutol at tinistis noong mga buwan ng Oktubre at Nobyembre ay sinimulang hakutin upang tuluyang maipuslit noong Disyembre.
Ayon sa Napocor-Awat, karaniwang isinasabay ng mga timber poachers sa Angat Watershed ang paglalabas ng mga pinutol na kahoy kung Disyembre o Christmas vacation.
Ito ay dahil sa iilan lamang sa pitong forest guard ng Napocor-Awat ang nagsasagawa ng mga pagpapatrulya sa 55,000 ektaryang Angat Watershed.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment