Wednesday, January 11, 2012

Paiigtingin kampanya laban sa timber poaching, pag-uuling

File photo mula kay Bro. Martin Francisco ng SSMESI.

File photo mula kay Bro. Martin Francisco ng SSMESI.


MALOLOS—Tiniyak ni Gob. Wilhelmino Alvarado na paiigtingin ang kampanya laban sa timber poaching sa Angat Watershed, samantalang planong ipatigil ang paggawa ng uling sa lalawigan.

Ito ay matapos madiskubre at makumpiska ng mga forest guard ng National Power Corporation –Angat Watershed Area Team (Napocor-Awat) ang mahigit sa 2,580 board feet ng mga tinistis na tabla o tablon, at isang chain saw di kalayuan sa Ipo Watershed sa bayan ng Norzagaray noong Enero 5.

Ang mga nakumpiskang tablon sa idodonasyon sa Department of Education (DepEd) upang gawing mga silya; samantalang hiniling naman ng Sagip Sierra Madre Environmental Society kay Alvarado na buuin na ang anti-illegal logging task force sa lalawigan upang matiyak ang proteskyon sa nakakalbong kabundukan ng Bulacan.  (Basahin ang kaugnay na balita)

“Ayaw nating maulit sa Bulacan yung nangyari sa Iligan at Cagayan De Oro.  We don’t want that to be replicated in Bulacan, kaya we have to double our effort to protect our forests,” ani Alvarado patungkol sa biglaang pagbaha sa mga Nasabing lungsod sa Mindanao.

Ang biglaang pagbaha o flash flood sa mga Lungsod ng Cagayan de Oro at Iligan sa Mindanao ay naging sanhi ng pagkasawi ng mahigit sa 1,000 katao noong Disyembre na isinisisi sa kalbong kabundukan dahil sa di mapigil na pamumutol ng punong kahoy.

Bilang bahagi ng pagpapigting ng kampanya laban sa timber poaching o pamumutok ng kahoy sa kabundukan, partikula na sa may 55,000 ektaryang Angat Watershed, sinabi ni Alvarado nakipag-ugnayan na siya sa 56th Infantry Battalion na nakabase sa bayan ng Norzagaray.

 “I have asked the commanding officer of the 56th IB to help us in protecting the environment,” aniya patungkol kay Col. Edgardo Lagnada, ang battalion commander ng 56th IB.

Ang mga elemento ng 56th IB ay naging bahagi ng retrieval o pagtitipon sa mga nakumpiskang tablon na unang nadiskubre ng Napocor-Awat noong Enero 5.

Batay sa ulat ng Bulacan Environment and Natural Resources Office (Benro) umabot sa 2,580 board feet na tablon ang nakumpiska at ito ay nagkakahalaga P129,000.

“Palagay ko ay higit pa sa 2,580 board feet ang naputol na tablon dahil sa marami pa ang nakakalat at hindi nakuha,” ani Mendel Garcia, hepe ng Napocor-Awat sa panayam ng Mabuhay sa telepono noong Biyernes, Enero 6.


Ayon kay Garcia, agad nilang tinawagan ang kapitolyo at ang 56th IB upang tulungan sila sa paghakot sa mga tablon at upang matiyak ang seguridad ng mga naghahakot.

Ito dahil sa ang mga timber poacher sa Angat Watershed ay mga armado at sinabing may mga kaugnayan sa pulisya.

Batay naman sa pahayag ng mga source ng Mabuhay, ang timber poachers sa Angat Watershed ay kasapi ng Aniban ng Mangingisda, Mangsasaka at manggagawa sa Asa Angat (AMMMA).

Ngunit may nagsasabi ring ang nasa likod ng pagtatangkang ipuslit ang mga tablon ay nabibilang sa “lost command” ng AMMMA.

Ang nasabing grupo ay sinasabing dating nakasama ng pulisya ng Bulacan sa paglaban sa mga rebeldeng New Peoples’ Army (NPA) na namamalagi sa Angat Watershed.

Kaugnay nito, sinabi ni Alvarado na plano nilang ipatigil rin ang paggawa ng uling sa kabundukan.

“Maglalabas ako ng executive order banning charcoal making in Bulacan,” ani ng Gobernador.

Iginiit niya na katulad ng mga timber poacher, ang mga mag-uuling ay bahagi rin ng patuloy na pagkakalbo ng kabundukan ng Bulacan na nagiging sanhi ng mga pagbaha sa mabababang bahagi ng lalawigan.

Isa sa tinukoy ni Alvarado ay ang mga mag-uuling sa bulubunduking bayan ng Donya Remedios Trinidad (DRT)na naglalabas ng kanilang uling sa Brgy. Sibul, sa bayan ng San Miguel.

Una rito, ipinahayag ng mga residente ng Brgy. Kalawakan sa DRT na walang hanapbuhay sa kanilang lugar maliban sa pagmimina at pag-uuling.

“Kung may ibang pagkakakitaan, nakahanda kaming tumigil, pero kung wala, paano mabubuhay ang pamilya naming,” ani ng isang mag-uuling sa DRT na nakapanayam ng Mabuhay noong nakaraang taon.

No comments:

Post a Comment