Press presentation of seized hot lumber. |
MALOLOS—Tiniyak ni Gob.
Wilhelmino Alvarado na paiigtingin ang kampanya laban sa timber poaching sa
Angat Watershed, samantalang planong ipatigil ang paggawa ng uling sa
lalawigan.
Ito ay matapos madiskubre at
makumpiska ng mga forest guard ng National Power Corporation –Angat Watershed
Area Team (Napocor-Awat) ang mahigit sa 2,580 board feet ng mga tinistis na
tabla o tablon, at isang chain saw di kalayuan sa Ipo Watershed sa bayan ng
Norzagaray noong Enero 5.
Ang mga nakumpiskang tablon
sa idodonasyon sa Department of Education (DepEd) upang gawing mga silya;
samantalang hiniling naman ng Sagip Sierra Madre Environmental Society kay
Alvarado na buuin na ang anti-illegal logging task force sa lalawigan upang
matiyak ang proteskyon sa nakakalbong kabundukan ng Bulacan. (Basahin ang kaugnay na balita)
“Ayaw nating maulit sa
Bulacan yung nangyari sa Iligan at Cagayan De Oro. We don’t want that to be replicated in
Bulacan, kaya we have to double our effort to protect our forests,” ani
Alvarado patungkol sa biglaang pagbaha sa mga Nasabing lungsod sa Mindanao.
Ang biglaang pagbaha o flash
flood sa mga Lungsod ng Cagayan de Oro at Iligan sa Mindanao ay naging sanhi ng
pagkasawi ng mahigit sa 1,000 katao noong Disyembre na isinisisi sa kalbong
kabundukan dahil sa di mapigil na pamumutol ng punong kahoy.
Bilang bahagi ng
pagpapigting ng kampanya laban sa timber poaching o pamumutok ng kahoy sa
kabundukan, partikula na sa may 55,000 ektaryang Angat Watershed, sinabi ni
Alvarado nakipag-ugnayan na siya sa 56th Infantry Battalion na nakabase sa
bayan ng Norzagaray.
“I have asked the commanding officer of the
56th IB to help us in protecting the environment,” aniya patungkol kay Col.
Edgardo Lagnada, ang battalion commander ng 56th IB.
Ang mga elemento ng 56th
IB ay naging bahagi ng retrieval o pagtitipon sa mga nakumpiskang tablon na
unang nadiskubre ng Napocor-Awat noong Enero 5.
Batay sa ulat ng Bulacan
Environment and Natural Resources Office (Benro) umabot sa 2,580 board feet na
tablon ang nakumpiska at ito ay nagkakahalaga P129,000.
“Palagay ko ay higit pa sa
2,580 board feet ang naputol na tablon dahil sa marami pa ang nakakalat at
hindi nakuha,” ani Mendel Garcia, hepe ng Napocor-Awat sa panayam ng Mabuhay sa
telepono noong Biyernes, Enero 6.
Ayon kay Garcia, agad nilang
tinawagan ang kapitolyo at ang 56th IB upang tulungan sila sa
paghakot sa mga tablon at upang matiyak ang seguridad ng mga naghahakot.
Ito dahil sa ang mga timber
poacher sa Angat Watershed ay mga armado at sinabing may mga kaugnayan sa
pulisya.
Batay naman sa pahayag ng
mga source ng Mabuhay, ang timber poachers sa Angat Watershed ay kasapi ng
Aniban ng Mangingisda, Mangsasaka at manggagawa sa Asa Angat (AMMMA).
Ngunit may nagsasabi ring
ang nasa likod ng pagtatangkang ipuslit ang mga tablon ay nabibilang sa “lost
command” ng AMMMA.
Ang nasabing grupo ay
sinasabing dating nakasama ng pulisya ng Bulacan sa paglaban sa mga rebeldeng
New Peoples’ Army (NPA) na namamalagi sa Angat Watershed.
Kaugnay nito, sinabi ni Alvarado na plano nilang ipatigil rin ang paggawa
ng uling sa kabundukan.
“Maglalabas ako ng executive
order banning charcoal making in Bulacan,” ani ng Gobernador.
Iginiit niya na katulad ng
mga timber poacher, ang mga mag-uuling ay bahagi rin ng patuloy na pagkakalbo
ng kabundukan ng Bulacan na nagiging sanhi ng mga pagbaha sa mabababang bahagi
ng lalawigan.
Isa sa tinukoy ni Alvarado
ay ang mga mag-uuling sa bulubunduking bayan ng Donya Remedios Trinidad (DRT)na
naglalabas ng kanilang uling sa Brgy. Sibul, sa bayan ng San Miguel.
Una rito, ipinahayag ng mga residente ng Brgy. Kalawakan sa DRT na walang hanapbuhay sa kanilang
lugar maliban sa pagmimina at pag-uuling.
“Kung may ibang
pagkakakitaan, nakahanda kaming tumigil, pero kung wala, paano mabubuhay ang
pamilya namin,” ani ng isang mag-uuling sa DRT na nakapanayam ng mabuhay noong
nakaraang taon. (Dino Balabo)
No comments:
Post a Comment