Wednesday, January 18, 2012

EdPam, suportado ang kampanyang anti-mina sa Pampanga

(Press Statement from the Center for Environmental & Development Studies, Inc.)
January 18, 2012

“SA USAPIN ng pagmimina, walang pagmiminang nagaganap sa Angeles City. Hindi ko ito papayagan. Ganumpaman, kailangan pa rin nating makisangkot sa usaping ito, lalo na kapag ang nagaganap na pagmimina sa mga kalapit-bayan ng Angeles ay makasisira sa kalagayan ng kalikasan ng lalawigan at sa kabuhayan ng ating mamamayan, lalo na ang katutubo,” isa ito sa makabuluhang bahagi ng pahayag ni City Mayor Ed Pamintuan na ipinaabot sa Panlalawigang Talakayan sa Pagmimina na gaganapin sa St. Scholastica‟s Academy, Lungsod ng San Fernando sa Enero 20, 2012 (1-5 ng hapon). Ito ay may temang HAMON SA KABATAAN AT MAMAMAYAN: IPAGTANGGOL ANG BUHAY AT KALIKASAN! Igalang ang Karapatan ng Mamamayan at Soberanya ng Inang Bayan; Tutulan ang Bantang Pagmimina sa Kabundukan ng Pampanga!
Sa pangunga ng ugnayang Ipamingwa! (malalim na Kapampangan na ang ibig sabihin ay ipagtanggol) at ng iba‟t ibang organisasyon ng kabataan, mga taong simbahan at iba pang institusyon sa lalawigan ng Pampanga, ilulunsad ang talakayan sa layuning: (1)Magkaisa ng pananaw hinggil sa isyu ng pagkasira ng kalikasan kaugnay ng pagpasok ng mga dayuhang kompanya sa Pilipinas sa industriya ng pagmimina at iba pang katulad na proyektong wawasak sa kalikasan at sa kabuhayan ng mamamayan; (2) Makahamig ng mas malawak pang suporta laluna mula sa hanay ng akademya at simbahan bilang tugon sa pangangailangan ng mga bulnerableng sektor ng lipunan (magsasaka, mangingisda, katutubo at maralitang lunsod) na direktang tatamaan ng pagmimina sa mga bundok sa Pampanga; (3)Makapagpanimula ng isang ugnayang magsisilbing instrumento upang magdibuho at magsakatuparan ng isang kampanya upang pigilan ang napipintong higit pang pagkasira ng likas na yaman ng kabundukan ng Pampanga na idudulot ng pagmimina.
PAGMIMINA=TRAHEDYA?
Ayon kay Mayor EdPam, “Marami nang sakunang naganap dahil sa pagmimina, halimbawa ang mga landslides na naganap kamakailan sa Mindanao. Sinasabi ng mga pabor sas pagmimina na ang kasagutan daw sa problema ng ating bansa, lalo na sa kahirapan at ekonomya, ay nasa paanan lamang natin… bakit hanggang ngayon ay wala pa tayong kinang na nakikita sa ating ekonomya? Sa halip ay mga disgrasya at pagkasira ng ating kalikasan ang ating nakikita.”
Isa sa tampok sa kasalukuyan ay ang masaklap na trahedyang naganap sa kritikal na bahagi ng Pantukan, Compostela Valley kung saan mahigit 50 katao ang nasawi at nasa 40 ang hindi pa rin nakikita. Habang iniendorso ang malakihang pagmimina ng mga dayuhang kumpanya, ibinabato ng pamahalaan ang sisi sa mga maliliit na minerong siyang biktima rin ng kalamidad dahil daw sa “mapanganib na pagmimina” na ginagawa nila kung kaya‟t dagliang naglabas ng kautusan na lisanin nila ang mayamang lupa ng Pantukan upang diumano‟y tiyakin ang kanilang kaligtasan.
“Kung susuriin, ang pag-abandona ng mga mamamayan dito na gustong mangyari ng pamahalaang Aquino ay papabor sa mga malalalaking dayuhang kumpanya ng pagmimina na matagal na panahon na ring may operasyon sa Pantukan at matagal na panahon na ring nagtatangkang itaboy ang mga maliliit na minerong ito. Matatandaan pa natin ang pagbubuwis ng buhay ng lider na si Ricky Manrique noong Abril 2011 dahil sa aktibong pagtutol sa pagpasok ng malalaking korporasyon ng pagmimina sa Pantukan,” pahayag ni Fr. Rolando De Leon, punong tagapagpaganap ng Center for Environmental and Development Studies, Inc. (CEDS) na isa sa tagapaglunsad ng Ipamingwa!
“Sinisisi ng administrasyong Aquino ang maliliit na tao pero hinahayaan ang mga tunay na may kagagawan ng mga sakuna tulad na lamang ng malalaking kumpanya ng pagmimina, komersyal na pagtotroso at korap na mga opisyal ng pamahalaan na patuloy na was akin at dambungin an gating kapaligiran at likas na yaman,” pahayag ni G. Leon Dulce, tagapagsalita ng grupong Kalikasan-Peoples Network for the Environment.
“Hindi lamang nabigo si Pangulong Aquino na bigyang pansin ang kalagayan ng maliliit na miner, kundi pinayagan pa niya ang operasyon ng malawakang pagmimina sa naturang lugar. Unang una, malinaw na ang administrasyong Aquino, ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) at local na mga gobyerno ay nabigong magbuo ng mga hakbang tulad ng „warning system‟ at magsagawa ng
NEWS RELEASE
ebalwasyon bago pa ang pagbuhos ng malakas na ulan sa Pantukan at iba pang lugar,” dagdag pa ni Dulce.

LOKAL NA KALAGAYAN SA PAMPANGA
Sariwa pa din sa alaala ng mga katutubong Ayta ang pagbubuwis ng buhay ni Kapitan Bienvenido Capuno ng Camias, Porac dahil sa mahigpit niyang pagtutol sa pagpasok ng kumpanyang Pisumpan Copper Mines, Inc. (PCMI). Plano ng PCMI na minahin ang 1,164 ektaryang bahagi ng kabundukan ng Negron omas popular sa mga katutubong Ayta na Bundok Abo. Ito ay sumasaklaw sa malaking bahagi ng Camias, Porac at maliit na bahagi ng Sityo Balindalag, Nabuklod, Floridablanca sa Pampanga. Humigit-kumulang 3,000 katutubong Ayta sa Porac, Pampanga ang matataboy oras na minahin ito.
Ang PCMI ay minana ni Gregorio Dizon, anak ng orihinal na namayapang may-ari nito na si Juvencio Dizon na isa sa mga mayor na mamumuhunan ng Dizon Copper Silver Mines Inc. na nagmina sa kabundukan ng Zambales sa Pili, San Marcelino.
“Direktang hahakutin ng SMI ang limpak-limpak na yamang makukuha nito sa Pilipinas pauwi sa kanyang bansa (Tsina) katulad ng sinimulan nito noong 2010 sa kanyang Nonoc Nickel Project sa Surigao del Norte,” ayon kay Fr. De Leon.
Ilan pa sa kasalukuyang may aplikasyon ng pagmimina ay ang Mt. Mabulilat sa Inararo, Porac na planong minahin ng Mabulilat Mining Corporation at ang Mt. Anupeh sa Mawacat, Floridablanca na plano namang minahin ng Atlantic Mining Corporation. Ang mga korporasyong ito ay pagmamay-ari rin ng mga kamag-anak ni Juvencio Dizon.
Bukod sa pagkasira ng kabundukan at yamang-gubat, inaasahan ding sisirain ng mga pagmiminang ito ang mayor na sistema ng mga ilog ---ang Ilog Porac-Gumain at Ilog Mancatian at Caulaman na pawang pinagmumulan ng inuming tubig at siya ring patubig sa malawak na bahagi ng mga sakahan sa Pampanga hanggang sa ilang bahagi ng karatig-probinsya ng Bataan. Maliban pa rito, malaki din ang posibilidad na maulit ang malaking trahedya na kagaya ng panahong pumutok ang Bulkang Pinatubo. Ang Bundok Negron ayon sa pagsisiyasat ay isang bulkan na may magma chamber na kahalintulad at direktang nakadugtong sa magma chamber sa ilalim ng Bulkang Pinatubo.
TUGON NG MAMAMAYAN: IPAGTANGGOL ANG BUHAY AT KALIKASAN
Habang masidhi ang pagnanasa ng mga malalaking kumpanyang ito na hukayin ang likas na yaman ng mga kabundukan ng Pampanga, pursigido din ang mga mga mamamayan ng Pampanga---mga katutubong Ayta, mga magsasaka, taong simbahan, mga sektor sa loob ng eskwelahan at iba pang institusyon at komunidad na tutulan at pigilan ang nagbabantang kalamidad ng pagmimina sa kabundukan ng Pampanga.
“Hindi namin hahayaang lapastanganin ang bundok na siyang pinagmumulan ng aming buhay,” ito ang mariing pahayag ni Ptr. Benny Capuno, kinatawang ng Ayta Pastors Fellowship at kapatid ng yumaong si Kap. Capuno.
Noong Hulyo 22, 2011, sinimulang bigkisin ng mga nabanggit na sektor ang pagkakaisa sa pamamagitan ng paglulunsad ng kampanyang Ipamingwa!--isang ugnayang sinimulan ng 16 na iba‟t ibang grupo sa loob at labas ng Pampanga. Sa kasalukuyan, layunin ng grupong pahigpitin pa at palawakin ang pagkakaisa kung kaya‟t pinangunahan nito ang paglulunsad ng Panlalawigang Talakayan.

No comments:

Post a Comment